Chapter 4

7 0 0
                                    

Father

Tulala ako habang hinihintay na ma-bake ang mga cookies. Nagulat pa ako sa tunog ng oven, hudyat na tapos na ito. Binuksan ko ang oven at akmang kukunin na ang tray sa loob nang biglang magsalita si Patricia na nasa likuran ko.

"Wala kang potholder,"

Taranta akong napatingin sa kamay ko at nakitang wala nga akong suot na potholder at muntik nang mapaso.

Dinampot ko ang potholder na hinubad kanina sa counter at bumalik para kunin ang tray ng last batch ng cookies at nilapag ito sa gilid, sa tabi ni Patricia na nakasandal sa counter at tahimik akong pinagmamasdan, naniningkit pa ang mga mata at nakahalukipkip.

"Last batch na 'yan. Mamaya naman yung crinkles, kapag naubos na. Kaunti na lang naman 'yun,"

Kinuha ko ang mga kubyertos na nagamit para hugasan na sa lababo. Nanatili naman si Patricia sa ganoong ayos. Tila pinapanood ang bawat galaw ko at naghihintay ng kakaiba kong ikikilos.

Habang naghuhugas ay muling pumasok sa isip ko ang pag-uusap namin ni Carley kagabi. Ang opinyon niya sa lagay ko at kung ano ang dapat kong gawin dahil hanggang ngayon hindi pa rin ako makapagdesisyon.

"I think you should tell him. After all, he's the father of your child. May karapatan siyang malaman, Kaye." Si Carley matapos kong humagulgol at kumalma. "Pero.. opinyon ko lang naman 'yon. Nasa'yo pa rin ang desisyon." dugtong niya.

Buntis ako! Si Gio ang ama! Hindi ko alam kung matutuwa ba ako o maaawa at mahihiya para sa sarili. Hindi ko alam ang gagawin. Walang pumapasok sa isip ko bukod sa pag-aalala.

Wala akong alam tungkol sa pagiging ina. Bukod sa maagang nawala si mama at lumaki akong walang kasamang magulang, hindi ko rin naman inakala na maaga kong haharapin ang ganitong buhay. Bente tres pa lang ako at kahit minsan hindi pa pumasok sa isip ko ang pagkakaroon ng anak. Hindi dahil sa ayaw ko, kung hindi dahil hindi ko alam kung magagampanan ko ba nang maayos ang pagiging isang ina.

"Ewan ko, Carley. Hindi pa ako handa. At hindi ko alam kung tatanggapin ba 'to ni Gio. Ayos lang sana kung ako lang ang itaboy niya, huwag naman pati anak ko. Kahit siya na lang ang tanggapin niya bilang anak,"

Pinunas ko ang isang luhang lumandas sa aking pisngi. Hindi ito nauubos. Kanina pa ako umiiyak at hanggang ngayon hindi pa rin nauubos ang luha ko.

Paano kung itanggi niya? Kapag hindi niya tinanggap? Kapag pinagtabuyan niya ako dahil dito? Hindi lang ako, pati na rin ang anak ko? Iniisip ko pa lang ang sasabihin at magiging reaksyon niya parang dinudurog na ang puso ko. Hindi ko yata kaya ang ganoon. Hindi ko kayang matulad sa akin ang bata, walang nakasamang ama dahil hindi tinanggap at pinagtabuyan.

"Paano mo malalaman kung hindi mo susubukang gawin? Malay mo kabaliktaran ng iniisip mo ang mangyari. Kahit hindi ko lubusang kilala si Gio, tingin ko naman mabuti siyang tao. Huwag nating pangunahan ang mangyayari, Kaye."

"Natatakot ako. Malabong tanggapin niya ako. Hindi niya naman ako kilala at lalong hindi naman niya ako girlfriend. Isa lang naman ako sa mga babaeng naikama niya. Na isang beses lang nakita at naikama, nabuntis pa."

Mas lalong kumirot ang puso ko. Noong una akala ko swerte na ako dahil nagawa ko iyon kasama si Gio. Tuwang-tuwa pa ako dahil siya ang una ko. Ngayon hindi ko na alam. Lahat ng saya ko napalitan ng takot. Totoo talagang nasa huli ang pagsisisi.

"Tanggapin man niya o hindi, problema niya na 'yon at hindi natin pwedeng ipilit sa kanya. Nandito ako, kami ni Mikey, para tulungan ka. Hindi ka namin pababayaan, Kaye. Susuportahan ka namin," tipid siyang ngumiti at hinila ako para yakapin.

Touch of YoursTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon