Chapter 10

2 0 0
                                    

Past

"Ma, nasaan si papa?" tanong ko isang gabi habang sinusubukan akong patulugin ng ina.

Unti-unting bumibigat ang talukap ko sa ginagawang paghaplos sa buhok ko ni mama. Narinig ko ang buntong hininga niya, pagod na sa paulit-ulit kong tanong sa bawat araw.

"Tulog ka na, 'nak. Para mabilis ka lumaki. Pag lumaki ka na makikita mo siya. Kaya dapat maaga kang natutulog," sagot niya.

Dahil bata pa, naniwala ako roon. Sa tuwing nagtatanong ako iyan ang sinasagot niya. Paulit-ulit. Para bang wala ng ibang masabing palusot sa tanong ko.

Simula bata pa lang ako wala na akong kinilalang ama. Noong una hindi ko pa iyon naiisip at wala lang pakielam basta nariyan si mama at si lola Linda, ang kapatid ng nanay ni mama. Tinulungan niya si mama sa pag-aalaga sa akin. Masasabi kong mas malapit pa ako sa kanya kaysa sa sarili kong ina. Kaming dalawa ang naiiwan sa tuwing papasok si mama sa kanyang trabaho.

Isang araw habang namamasyal kasama si lola Linda, nakakita ako ng batang tumakbo papunta sa kanyang ina habang hawak ang laruang binigay sa kanya ng isang lalaki.

"Ma, binilhan ako ni papa! Tignan mo oh!" Rinig kong sabi ng bata, pinagmamalaki ang laruang palobo, sabay tinuro ang lalaking nakasunod sa kanya.

Kumunot ang noo ko. Papa?

"Lola.." tawag ko sa matandang abala sa pagpili ng mga gulay habang kinakausap ang matanda ring nagbebenta.

Hindi niya ako narinig kaya naman hinila ko ang laylayan ng kanyang puting blusa.

"Ay teka, sandali. Ano ba 'yon anak? Wala tayong pambili ng mga laruan! Sa susunod na lang tayo bumili n'yan!" Iritang lumingon siya sa akin.

Nang makitang nakatitig ako sa pamilya ng bata ay agad na lumambot ang kanyang mukha.

"Lola, may papa ba ako? Bakit siya meron? Ako wala.." malungkot akong bumaling sa kanya. Malungkot siyang ngumiti sa akin habang inaayos ang magulo kong buhok.

"Hinahanap niya na ang tatay niya, Kate! Naaawa na ako sa bata," rinig kong sabi ni lola sa gabi ring iyon nang makauwi kami.

Katatapos ko lang maligo at magbihis mag-isa sa kwarto. Inutusan ako ni mama dahil sabi niya mag-uusap daw sila ni lola. Hindi ko gustong makinig pero dahil sa liit ng bahay namin at bahagyang nakabukas na pinto, hindi ko na mapigilang marinig.

Nakaupo ako sa kama, tahimik na sinusuklay ang basa at mahaba kong buhok habang nakikinig sa kanilang pagtatalo.

"Nay! Hindi pwede! Ayoko! Mas mabuti kung kaming dalawa na lang,"

"Napaka makasarili mo! Hindi mo ba naiisip ang nararamdaman ng anak mo? Nangungulila na!"

"Anong gusto niyong gawin ko? Dalhin siya roon at hayaang ipagtabuyan siya ng sarili niyang ama? Ayoko!"

Ilang gabing ganoon ang nangyayari. Palagi silang nagtatalo tungkol sa pagpapakilala sa akin sa tatay ko. Hindi nila alam na naririnig ko dahil kahit kailan hindi ako nagtanong o may nabanggit man lang tungkol sa mga naririnig ko. Nanatili akong tahimik kahit na ang dami kong gustong malaman. Kahit na gabi-gabi, bago matulog, puro iyon lang ang laman ng isip ko.

"Mama!" Tawag ko sa ina habang minamarkahan ang kahoy na hamba ng pintuan. Napangiti ako sa nakitang agawat ng dating marka nito sa bagong kalalagay ko lang na guhit.

Dumungaw ang ulo ni mama mula sa kusina, nakakunot ang noo at mukhang nairita sa ginawang pang-iistorbo ko sa pagluluto niya.

Gamit ang dalawang daliri, sinukat ko ang agwat ng dalawang linya at natutuwang ipinakita iyon sa kanya.

Touch of YoursTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon