PAKIRAMDAM ni Pearl ay nasa hot seat siya at ang dalawang kaibigan niya ang mangsasakdal. Sa ladies' comfort room nila napiling mag-usap. Tsinek niya ang bawat cubicle kung okupado, wala namang tao kaya ini-lock na niya ang pinto. Silang tatlo lang ang naroon. Mahirap na, baka may makarinig sa usapan nila.
"Okay, Kylie Pearl Aragon. Start explaining now," ani Tiffany.
Bumuntong-hininga siya. "Hindi talaga kami mag-on ni Lewis. We're just pretending to be lovers."
"Ano?!" napamulagat na wika ng mga ito.
"Ganito 'yon. Noong isang araw, iniligtas niya ako sa dalawang kumag na schoolmates natin para hindi ako maisama sa kung saan. Naiwan kaming dalawa pagkatapos. So I thought na magandang pagkakataon na 'yon para makausap siya at humingi ng sorry. Sinabi kong pumapayag na akong maging friends kami para makabawi ako sa kanya pero sa isang kondisyon. Pumayag muna akong maging pretend girlfriend niya. Gusto niya kasing tigilan na siya ni Hollie, 'yong ex-girlfriend niya na sunod nang sunod at gustong makipagbalikan sa kanya. At first, hindi ako pumayag sa gusto niya, hanggang sa wala na akong nagawa sa pamimilit niya kaya pumayag na ako. Sinundo niya ako sa bahay kaya magkasabay kaming pumasok. Magandang simula raw iyon para makuha namin ang atensiyon ni Hollie. That's it." paliwanag niya.
Hinintay niyang mag-react ang mga ito. Nagulat siya nang magtitili ang mga ito at magtatalon sa kinatatayuan habang tumatawa. Kung makapag-react naman ang mga ito, parang nanalo ang mga ito ng jackpot price sa lotto. Ngalingaling pagbabatukan niya ang mga ito.
"Tumigil nga kayo sa kakatawa. Wala namang nakakatawa sa sinabi ko!" naiinis na wika niya.
"Sorry, friend. Masyado lang kaming na-overwhelm sa kinuwento mo. Hindi na kayo mga angry birds, mga love birds na talaga kayo. Biruin mo 'yon. Ang mortal na kaaway mo na si Lewis, pretend boyfriend mo na? That means, makikita namin kayong sweet na sweet sa isa't isa. Gosh!" kinikilig na sambit ni Tiffany.
"Ngayon pa lang, kinikilig na ako sa mangyayari sa inyo. Napakatalino talaga ni Lewis para maisip 'yon. Mae-experience mo na kung paano maging boyfriend ang isa sa mga campus heartthrob dito sa school. Maraming girls ang maiinggit sa 'yo, Pearl." tuwang-tuwang sabi ni May Anne. Nagtitili na naman ang mga ito.
"Stop shouting! Baka marinig tayo at isiping may ginagawa tayong kababalaghan. FYI, hindi ako kinikilig!" She was just bluffing. Sinabi lang niya iyon para pagtakpan ang sarili. Where in fact, kinilig na siya kay Lewis nang kumanta ito sa gitna ng kalsada para patawarin niya kaninang umaga. Bakit? Babae ako kaya kikiligin ako sa sweet gestures ng isang lalaki. Isa pa, hindi pa ako nagkaka-boyfriend kaya bago sa akin ito, pagdadahilan pa niya sa sarili.
"Ano ka ba naman, Pearl?" ani Tiffany at inayos-ayos ang buhok niya. "Dapat, sinasamantala mo ang pagkakataon. Oo at nagpapanggap lang kayo, pero kailangan may alam ka rin sa kanya. Girlfriend-girlfriend-nan ka niya, eh. Isa pa, pumayag ka namang maging magkaibigan kayo, 'di ba? Kilalanin n'yo ang isa't isa. Isipin mo na lang din na favor mo sa kanya ito bilang kaibigan. Malay mo, kayo pala ang itinadhana. Mauwi sa totoo ang lahat." panunukso nito.
May point ito. Ngunit hindi niya matatanggap ang huling sinabi nito na baka mauwi sa totohanan ang pagpapanggap nila. "Alam ko 'yon. At saka, panandalian lang 'to. Oras na tumigil na si Hollie sa pagbuntot kay Lewis, eh, di tapos."
"Eh, paano kung hindi tumigil si Hollie? Habang-buhay ka ring magpe-pretend girlfriend?" hirit nito.
Nagkibit-balikat siya. Hindi siya nag-aalala na puwedeng mangyari iyon. Magsasawa rin si Hollie. Mari-realize nito na wala itong mapapala kay Lewis. Na hindi ang lalaki ang para dito. "Well, everything has to end. Hindi naman kami habang-buhay na magpapanggap. May kanya-kanya kaming buhay."
BINABASA MO ANG
WHEN THE LOVE IS REAL (Lewis And Pearl) ✔
Roman d'amour"Payag na akong makipagbati sa 'yo, sa isang kondisyon..." "Ano 'yon?" "Pumayag ka munang maging girlfriend ko." Literal na napanganga si Pearl kay Lewis. Siya, magpapanggap na girlfriend ng lalaking 'to? Ang lalaking sagad sa buto ang pagkainis niy...