Ikatlong Kabanata

72 9 10
                                        

"Ama, paumanhin pero hindi po dapat tayo magpatuloy ng kung sino lang rito saating tahanan. Lalo pa't hindi natin siya kilala ng lubos" rinig kong sabi nung masungit na babae este Mercedes pala. Asa baba sila ngayon at nag uusap-usap, andito lamang ako sa taas at nag-aantay ng magiging pasya nila. Kung may iba lang talaga akong matutuluyan rito hindi ko naman ipagsisiksikan ang sarili ko rito e, kaya lang sa ngayon sila lang ang pwede kong lapitan.

"Pero anak hindi ba dapat walang pinipili ang pag-tulong? Alam kong alam mo iyan. Nababatid ko rin na hindi masamang tao si ginoong Atlas. Nagpakita siya saakin ng kabutihan at ngayon siya naman ang nangangailangan, hindi ba dapat lamang na tulungan rin natin siya?" rinig kong pagkumbinsi ni Aling Dolores. Mabuti nalang talaga at nakilala ko siya, at hindi siya nag-aalinlangan na tulungan ako.

"May punto ang iyong ina, bigyan mo sana ng pagkakataon si ginoong Atlas na patunayan ang kaniyang sarili anak" rinig kong sabi ng isang lalaki na sa palagay ko ay asawa ni Aling Dolores.

"O siya, kakausapin ko muna si ginoong Atlas" narinig kong saad ni aling Dolores at ngayon ay papunta na rito. Dali-dali akong nagtungo sa kwarto at nagkunwaring tumitingin-tingin sa bintana. Nakarinig ako ng tatlong katok sa pinto, naglakad ako patungo sa pinto at binuksan iyon. Tumambad saakin ang mukha ni aling Dolores. Lumabas ako ng silid upang makapag-usap kami.

"Iho, nakapag-usap na kami. Pumayag na kaming tumuloy ka muna rito pansamantala" sabi ni Aling Dolores at ngumiti ng bahagya.
"Maraming salamat ho talaga aling Dolores, makakaasa po kayo na hindi ako magiging pabigat" pagpapasalamat ko.
"Wala iyon iho, ganti lamang ito sa kabutihang ipinakita mo saakin. Nga pala saan ka ba nakatira? At anong ginagawa mo rito sa bayan ng La Cuesta?" natigilan ako sa tanong nito. Hindi ko pwedeng sabihin na nagmula ako sa taong 2020 at sumakay ng barko papunta rito sa nakaraan, baka isipin niyang nasisiraan ako ng ulo at palayasin ako rito sa tahanan nila.
"Galing po ako sa Maynila. Sumakay ako ng barko patungo rito sa bayan ng La Cuesta upang makipagsapalaran"
pagsisinungaling ko.
"Bakit hindi ka na lamang sa Maynila nag hanap ng trabaho?" tanong muli saakin ni Aling Dolores. Hindi agad ako nakasagot dahil wala na akong maisip na palusot.
"O siya hayaan mo na lamang iyon, paumanhin saaking panghihimasok. Huwag kang mag-alala tutulungan ka namin na makahanap ng trabaho" saad nito
"Kailangan ko na ring umalis at baka marami ng namimili sa bayan. Kumain ka na lang ng agahan sa baba. Kung may kailangan ka magsabi ka lamang saaking anak na si Mercedes, huwag kang mahihiya iho. Ituring mong bahay mo ang aming tahanan" sabi ni aling Dolores at naglakad na pababa.

Nagtungo na ako sa baba at naabutan ko ang asawa ni aling Dolores na nag-aayos, mukhang papasok na ito sa trabaho. Si Mercedes naman ay nasa mesa at kumakain ng almusal. Pagkababa ko hindi ko alam ang gagawin at para akong natuod sa kinatatayuan ko. Pupunta na ba ako sa mesa at kakain? Nakakahiya. Mukha akong engot rito na nakatayo sa baba ng hagdan.

"Magandang umaga po" nahihiyang bati ko. Napalingon saakin yung asawa ni aling Dolores. "Magandang umaga rin sa'yo ginoo, ako nga pala si Mang Esteban. Nakatulog ka ba ng mahimbing?" tanong saakin ni mang Esteban. Hindi ito katangkaran at kayumanggi ang balat nito, makisig ang pangangatawan nito at halatang batak sa trabaho. "Opo, salamat po sa pagpapatuloy saakin" sagot ko. "Sige ako'y mauuna at at kailangan ko ng magtungo sa bahay nila Don Romulo. Kumain ka nalamang ng agahan" paalam nito at naglakad na palabas.

Lumingon ako sa mesa at nakita ko si Mercedes na kumakain at masama nanaman ang tingin saakin, masungit ba talaga 'to o saakin lang? Naglakad ako patungo sa lamesa at umupo sa may katapat niya. Pahaba ang mesa na gawa sa kahoy, may dalawang mahabang upuan sa magkabilang gilid na gawa rin sa kahoy.

Nang makaupo ako ay hindi ako nito pinansin at nagpatuloy sa pag-inom ng kape. Kumuha ako ng baso at nagsalin ng kape na gawa sa bigas at kumuha rin ako ng isang piraso ng kamote.

La Cuesta Where stories live. Discover now