BITBIT ang kaba sa bawat hakbang na nililikha. Hindi alam ni Ethan kung tama ba ang naging pasya niya na sumunod sa gusto ni Venice. Ngunit iyon lamang ang nakikita niyang paraan upang matapos ang lahat.
Sabihan man siya ng iba na tunggak o tanga sa pagiging uto-uto ay hindi rin siya masisisi. Gusto lang naman ng binata na tunay na maging malaya.
Papalubog na ang araw na saktong tumatama ang sinag sa kaliwang bahagi ng kaniyang mukha't katawan.
Maraming tao ang nakakasalubong at ang iba ay kasabayan niyang maglakad. Salisihan. Minsan ay nagsasanggian na ang mga balikat.
Napapatakip na lamang siya ng ilong sa tuwing may maaamoy na hindi kaaya-aya. Minsan naman ay napapaltan iyon ng nakakatakam na amoy ng pagkain lalo ng mais na kitang-kita ang paghango sa lalagyan.
Walang pakialam si Ethan sa mga nag-aalok na tao sa mga tinda nilang nakabalandra sa bangketa. Diretso lang ang kaniyang tingin sa sementadong daanan.
Ngunit napatigil siya sa paglalakad nang madaanan ang malaki at bukas na gate. Matatanawan sa loob niyon ang Baclaran Church.
Tila may puwersang humahatak sa kaniya na pagmasdang mabuti ang tahanan ng Diyos. Napatitig siya rito hanggang sa dumulog ang isipan niya sa kataas-taasan.
Sa ngalan ng Ama, ng Anak at ng Espiritu Santo. Amen.
Alam Mong hindi buong pagkatao ko ang naniniwala Sa 'yo pero sana pagbigyan Mo ang aking hiling. Gabayan Mo sana ang desisyong tinatahak ko, maging ang mga taong kalakip niyon.
Nag-antanda siyang muli at sa huling pagkakataon ay pinagmasdan niya ang malaking simbahan. Simbahang dinadagsa ng mga tao, saan man dako ng lugar.
"Iho! Kuhanin mo na ito, oh!" At biglang may nagsuot sa kamay ni Ethan ng puting pulseras na may krus sa gitna.
"Magkano ho ba rito?" tanong niya na napapangiti na lang nang makita ang rosaryong bumabagay sa kaniyang pulsuhan.
"Walang presyo 'yan. Magbigay ka na lang ng tulong," masayang turan ng matanda habang hawak ng kaliwang kamay ang sandamakmak na rosaryo at litrato ng mga santo.
Bigla pa nitong inayos ang nakabalabal na itim na tela dahil sa malakas na hampas ng hangin. Hangin na init din ang hatid.
Kumuha ng pera sa pitaka si Ethan at inabot ang singkwenta pesos. Hahakbang na sana siya nang biglang may bumangga sa kaniyang likuran.
Isang lalaking nakapulang baro at may balanggot o sumbrero pa sa ulo. "Sorry!" saad ng estranghero.
Hindi malaman ni Ethan kung anong emosyon ang tinataglay nito dahil maging ang mata ay may harang din na salamin.
Hindi na inintay ng lalaki ang sasabihin ni Ethan. Agad itong naglakad papasok sa daanan na kung susundan ay mararating ang espesyal na tahanan ng Diyos.
BINABASA MO ANG
vile
General Fictionadjective | vile | \ ˈvī(-ə)l \ •morally despicable or abhorrent •disgustingly or utterly bad MATURE CONTENT | R-16 Ethan Cruz, labinwalong taong gulang. Nagtataglay ng kayumangging kutis na bumabagay sa kaniyang guwapong mukha. Magmula sa maka...