BAWAT pagsisimula at pagtatapos ng araw ay parang isang kalbaryo ng mangangaso sa masukal na gubat. Hirap at pagod ang dadanasin para lamang manatiling buhay.
Hindi na mabilang ni Ethan kung ilang araw na siyang nagpakalayo-layo upang makipagsapalarang kumita. Doon niya lamang napagtanto. Doon niya nalaman kung gaano kahirap ang makakuha ng barya.
Tila isa siyang anghel na nalagasan ng bagwis at diretsong bumagsak sa mundo nang mag-isa.
Mababanaagan na ang dumi sa katawan dala ng mga araw na hindi na siya nakakapaglinis. Ngunit kahit papano'y pinipilit niyang maging disente upang hindi layuan ng mga tao.
Tirik na tirik na ang araw. Matindi ang init na dinagdagan pa ng pagkalam ng sikmura ni Ethan.
Sapo ang tiyan siyang naglalakad sa loob ng palengke na ilang bayan na ang layo sa kaniyang tirahan. Nagbabakasakaling makahanap ng pagkakakitaan at paraan upang matahimik na rin ang kaniyang pangalan.
Wala nang talab sa kaniya ang hindi kaaya-ayang amoy ng karne at lansa ng isda sa tuwing mapapadaan sa gitnang bahagi ng pamilihan. Maging ang ingay rin ng sigawan ng mga namimili at nagtitinda.
Napatigil si Ethan sa paglalakad nang mapagawi ang tingin sa kaliwang bahagi. Doon niya nakita ang isang puwesto.
Nakalagay sa harapan niyon ang babasaging kabinet na may laman na iba't-ibang klase ng cellphone. Nakahalera ang mga iyon magmula sa de-pindot hanggang sa touchscreen.
"Kuya, bumibili po ba kayo ng cellphone? Ibebenta ko po ito kahit dalawang libo lang," bungad niya sabay pakita ng mamahaling cellphone sa lalaking tindero na abala sa pag-aayos ng laptop. Saglit niya pa iyong binuksan at bumungad ang nalalabing labinlimang porsyentong buhay niyon. Kahit nakapatay iyon at hindi ginagamit ng binata ay tuluyan pa rin itong nabawasan.
Tumigil muna sa paggawa ang lalaki at lumapit kay Ethan. Sasalubungin pa sana nito ng ngiti ang customer ngunit agad iyong nabura.
Ibinaba pa ng matanda ang salamin bago tiningnan mula ulo pababa sa katawan si Ethan. Puno ng panghuhusga. Puno ng pangmamaliit.
"Hindi! Hindi ako bumibili. Malay ko ba kung ninakaw mo lang 'yan," sagot ng tindero na halata ang pagsusuplado dahil sa nakikita. Ang naninigas na buhok ni Ethan pati na rin ang dumi sa mahabang kuko na nagdidiin sa binata na maituturing na siyang taong lansangan.
"Akin po 'to," pagpupumilit ni Ethan at saka iniharap ang cellphone upang bumungad sa screen ang kaniyang litrato.
Napakamot na lamang ang matanda sa ulo nito na pinamumuninian na ng puting buhok. Maganda sana ang inaalok ng binata ngunit hindi nito magawang magtiwala. "Sa 'yo na kung sa 'yo! Umalis ka na rito, may customer pa 'ko!"
Saglit pang napasilip si Ethan at nakita nga niya ang dalawang bruskong lalaking may dalang computer set na matiyagang nakapila sa kaniyang likuran.
Bitbit na naman ni Ethan ang hindi pagtatagumpay at ang problema kung papaano magkakaroon ng laman ang tiyan. Simula nang pinalayas ay suwerte na kung makakakain siya nang isang beses kada araw.
BINABASA MO ANG
vile
General Fictionadjective | vile | \ ˈvī(-ə)l \ •morally despicable or abhorrent •disgustingly or utterly bad MATURE CONTENT | R-16 Ethan Cruz, labinwalong taong gulang. Nagtataglay ng kayumangging kutis na bumabagay sa kaniyang guwapong mukha. Magmula sa maka...