Ikalawang Tagpo

3.4K 89 1
                                    

HABANG papasok sa eskwelahan ay hindi matahimik si Alijandra sa kaalamang posibleng aktwal na nangyari iyong panaginip niya kaninang madaling araw. Ngunit bakit niya nakita ang pangyayaring iyon sa panaginip niya? Kanino iyong hikaw na nakita niya kanina sa ilalim ng kama at bakit nung hawak niya kanina ang nasabing hikaw ay nakita niya uli ang babaeng iyon kausap ang malamang ay isa sa mga kaibigan nito? Nasaan na ang babaeng iyon? Ang daming tanong sa isip niya pero ni isa man ay wala siyang maisip na sagot.

Pagdating ng lunch break ay ikinwento ni Alijandra kina Mayumi at Yurie ang tungkol sa panaginip niya at sa hikaw, ngunit katulad niya ay wala ring maisip na sagot ang dalawa sa mga katanungan n’ya kaya hinayaan na lang niya. Mababaliw lang siya kung patuloy niyang iisipin iyon.

Bago pumunta sa afternoon class nila ay humiwalay muna si Alijandra sa dalawang kaibigan upang pumunta sa library. Magpapasa kasi siya ng application requirements para maging student assistant. Sayang din kasi iyong makukuha niyang pera kapag natanggap siya bilang SA sa university library. Pambayad n’ya na rin iyon sa kwartong nirerentahan niya ngayon. May sukli pa! Alam n’ya naman kasing hindi rin biro ang tuition sa kurso niyang Nursing kaya kahit papaano ay gusto niyang makatulong sa mga magulang.

Habang naglalakad ay naramdaman niyang nag-vibrate ang cellphone niya kaya kinuha n’ya muna ito sa bulsa ng blouse upang tingnan kung sino ang nag-text. Ang Mommy n’ya lang pala. Nalulungkot daw dahil namimiss na s’ya. Hindi n’ya rin tuloy naiwasang makaramdam ng lungkot.

Dahil hindi nakatingin sa dinaraanan gawa ng pagtetext ay hindi sinasadyang mabangga niya ang isang lalaki dahilan para malaglag ang hawak nitong envelope. Sabay pa silang napa-aray.

“Ano ba naman ‘yan?! Sa susunod nga, Miss, tumingin ka sa dinaraanan mo!” bulyaw nito sa kanya habang pinupulot ang nalaglag na envelope.

Napakunot-noo siya sa inasal ng lalaki. “Ang sungit naman ng lalaking ‘to. S’ya rin naman, hindi tumitingin sa dinaraanan,” sa isip-isip niya pero pinigilan na lang ang sarili na magsungit din dito. Wala siyang panahong makipagdiskusyon sa masungit na lalaking ito.

“Sorry,” sagot na lang niya.

Isang tss ang pinakawalan ng lalaki pagkatapos ay tumalikod na, habang si Ali naman ay sinundan lang ito ng tingin. Ngayon n’ya lang napansing parang pamilyar sa kanya ang mukha nito.

Maglalakad na sana muli siya papuntang library nang marinig niyang may tumawag sa pangalan niya. Lumingon siya sa pinanggalingan ng boses. Si Sen lang pala iyon – ang anak ng may-ari ng bahay na tinutuluyan niya ngayon.

“Nasungitan ka ba ni Kuya? Pagpasensyahan mo na. Masungit talaga ‘yung isang ‘yun.” Kaya pala pamilyar sa kanya iyong mukha ng lalaki dahil iyon ‘yung kapatid ni Sen.

“Pansin ko nga. Kuya mo pala ‘yun. Kaya pala familiar ‘yung mukha,” nakangiti niyang sagot.

“Yeah. Hindi lang halata. Mas cute kasi ako sa kanya,” natatawang sabi nito. “Anyway, sa’n ba’ng punta mo?” tanong nito sa kanya.

“Sa library lang. Ikaw?” balik tanong niya rito.

“Tamang-tama! Sabay na tayo. Papunta rin ako ro’n.”

Nagsabay na nga sila papuntang library. Habang naglalakad ay biglang nagkwento si Sen sa kanya tungkol sa kapatid nito kahit na hindi naman siya nagtatanong.

“Alam mo, ‘yun si Kuya... hindi naman ‘yun dating ganun, e. Naging ganun lang naman ‘yun nung namatay ‘yung babaeng mahal n’ya 3 years ago.”

“Talaga? Kaya pala... Bakit? Ano’ng nangyari?” hindi niya napigilang itanong.

Bago pa man makasagot si Sen ay biglang tumunog ang cellphone nito.

AlijandraTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon