00

1.7K 45 6
                                    


Napangiti si Michelle sa amoy ng aroma na pumasok sa ilong niya, oras na makuha niya ang in-order niyang kape, isang umaga bago siya pumasok sa unang subject niya sa eskwelahan.

“Kadiri.”

Napairap si Michelle sa narinig bago ininom ang kape niya. Muli siyang napangiti sa paglapat ng mapait ngunit manamis-namis na lasa nito sa kaniyang dila. Matapos no’n ay hinarap na niya ang kaklase.

“Sino ba kasing nagsabi na sumunod ka rito?” inis na sagot niya.

Itinuloy na niya ang pagsulat sa libro niya para sa kanilang assignment sa General Mathematics.

“Magpapaturo ako, eh.”

“Tigilan mo nga ako, Ravie. Kaya mo na ’yan. Magaling ka naman sa Math, ah?” sabi niya habang nakatuon sa sinasagutan ang atensiyon.

“Mas magaling ka, huwag kang magpapatalo.”

Tumingin siya nang masama rito, at nakita niyang nakapangalumbaba ito, at nakangiti, habang nakatingin sa kan’ya. Umirap siya at uminom ulit ng kape.

“Doon ka na nga. Tambay ka lang naman, wala ka namang binili.”

“Yabang mo!” Tumawa ito matapos sabihin iyon. “Hayaan mo sa susunod, bibili ako!”

Bahagyang tumawa si Michelle sa sinabi ng lalaki bago nag-angat ng tingin. Malinaw pa rin sa mga mata niya ang paggalaw ng Adam’s apple nito dahil sa pagtawa, nananatiling nakapangalumbaba habang nakatingin sa kan’ya.

Bahagya siyang tumawa. “Magsagot ka na nga riyan, Ravie! Nang makapasok na tayo.”

Humalakhak ang kaibigang lalaki bago itinuon na ang atensiyon sa libro at tahimik na nagsagot.

Sampung minuto bago magsimula ang klase ay nagligpit na ng gamit ang dalawa sa coffee shop. Inubos na ni Michelle ang iniinom habang si Ravie naman ang kumuha ng mga libro at ilan pang mga gamit niya, bago siya nito hinila palabas ng coffee shop. Nagpatianod lang siya rito habang inaayos ang sukbit na bag.

Nang makarating sa building ng Department of Marketing Management, nakita nilang nasa labas na ng room ang mga kaklase at hinihintay na matapos ang ibang bloc  na nagka-klase. 9:00 AM kasi ang unang klase nila para sa araw na ito kaya may ibang bloc na nagka-klase para sa 7:30-9:00 AM class.

“Naks, jowang-jowa, ah?” natatawang bati sa kanila ng kaklaseng si Edmon.

Umirap si Michelle sa narinig. “Pwede ba, wala pa tayong isang buwan sa first year. Jowa kaagad!”

“Ay, dapat ba mas matagal?” natatawang tanong ng Edmon.

Sinuntok-suntok ni Michelle ang braso ng kaklaseng lalaki na tawa nang tawa hanggang sa iniwanan na sila nito. Lumingon siya kay Ravie na kausap na ngayon ang iba nilang kaklase.

“Akin na nga ang gamit ko, Ravie, nang matahimik ang isip ng mga iyon,” sabi niya, habang pilit na kinukuha ang mga gamit sa lalaki.

“Hayaan mo nga sila,” sabi nito tsaka iniwas ang brasong may dalang mga libro.

Napanguso na lang si Michelle bago lumapit sa mga kaibigang babae.

“Tapos ka na sa assignment sa GenMath, Mish?” tanong ni Roan.

Tumango si Mish. “Oo, tapos na. Kanina ko lang ginawa.”

“Nakita ko nga kanina nasa loob kayo ng North Coffee Shop! Breakfast date! Sana all!” kunwari ay kinikilig na sabi ni Yanice.

Nag-init ang mukha ni Michelle. “Sumunod lang ’yon!”

“Sus! Kunwari pa ’to! Guwapo naman si Ravie, ah? Lugi ka pa, girl? Pareho kayong magaling niyan sa Math!”

of coffees and messages [epistolary #1]Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon