Sa loob ng isang misteryosong gubat. Masayang nakatayo ang elementong nangunguha ng taong nabalot nang lungkot ang puso't-isipan. Masaya niyang pinagmasdan ang mga nilalang na kanyang sinagip mula sa isang magulong mundong puro karahasan.
Lahat ng nilalang na narito ay masayang namumuhay sa mga ilusyong kanyang nilikha ngunit merong isang nagising sa katotohanan.
Biglang naglaho ang lahat ng ito at bumalik siya sa realidad. Bumalik siya sa kanilang tahanan na mabigat ang loob, ang puso'y binalot ng poot at paghihinagpis. Binalikan niya ang mga nilalang na umapi at nanakit sa kanya.
Walang awa niya itong pinaslang kasabay sa pagpatak ng luha sa kanyang mga mata. Pinakawalan niya ang galit na nakadagan sa dibdib at iniwan ang bangkay ng taong dahilan nang natamong karahasan.
"Brie, hanggang kailan ka mamumuhay sa isang mundong nilikha mo sa 'yong isipan?"
Muli niyang narinig ang boses ng estrangherong lalaki sa kanyang isipan. "Masaya ka ba?"
Malungkot niyang iniiling ang ulo at tumakbo pabalik sa lugar kung saan siya magiging masaya. Pabalik sa misteryosong gubat, sa abandonadong parke kasama ng mga nilalang na nabubuhay sa loob ng isang ilusyon.
SAMANTALA, isang lalaki naman ang marahang naglalakad sa gitna ng kalsada. Hindi niya napapansing pinagmamasdan siya ng elemento sapagkat abala ang siya sa pag-iisip kung paano matatakasan ang realidad.
Kakamatay lang ng kanyang nobya, nawalan siya ng trabaho at itinakwil siya ng kanyang magulang. Hindi na niya alam kung saan siya patungo, gusto niyang makalayo upang maibsan ang lumbay na nadarama.
Naupo ang lalaki sa gitna ng daan. Ilang sandali lamang ay napansin niya ang abandonadong parke, nagpasya siyang maupo roon at pagmasdan ang dahong inililipad ng hangin.
"Kaya mo 'to, Kier. Malalampasan mo ang pagsubok na 'to. Malakas ka, matapang ka, makakaya mo ang lahat," pagkumbinsi niya sa kanyang isipan.
Nagpalit anyo ang elemento bilang isang bata. Naglakad ito patungo sa direksyon ng lalaki at umupo sa tabi nito. Tahimik siyang nagmasid sa paligid.
"Naliligaw ka?" Tanong ni Kier sa bata. Tumango ito bilang sagot.
"Ihahatid kita sa inyo." Tumayo si Kier at binuhat ang batang lalaki. Nagtanong siya kung nasaan ito nakatira. Tiningnan ng bata ang gubat na nasa kanilang harapan at itinuro. Ngumiti naman si Kier at pumasok sa misteryosong gubat.
Ngunit nang sila'y nasa kalagitnaan na. Nagtanong ang bata. "Masaya ka ba?"
Pilit niya mang itago ang katotohanan ay hindi naman ito maitanggi ng kanyang mga mata. Siya ay nahipnotismo at nasa ilalim na ng isang ilusyon.
Nagpalit anyo ang bata. Ginaya niya ang wangis ni Kier at hinanap ang taong nanakit sa lalaki. Isa-isa niya itong pinaslang hanggang sa walang matira.
Sa loob ng misteryosong gubat. May nilalang na nakabantay, nag-aabang at hinihintay na makuha ang taong puno ng negatibong emosyon.
Masaya ka ba? Dahil kung hindi, ikaw ang susunod niyang bibiktimahin.
The end!

BINABASA MO ANG
Phantom
HororSa gitna ng gubat, may pangyayaring hindi maipaliwanag. Sa oras na ika'y pumasok, walang daan upang makabalik.