Kaupe
Sinipat ko ang balikat ko sa salamin. Muli ay tinititigan ko na naman ang sugat ko na malapit nang maghilom. I think this scar will live with me forever.
Hindi ko alam pero sa tingin ko ay may kakaibang nangyayari sa akin na hindi ko maintindihan. At muli ay nagsimula na namang sumakit ang ulo ko. Nang maramdaman kong may paparating ay mabilis kong itinaas ang manggas ng suot kong t-shirt at umakto na naghihilamos.
"Rowan, nandito ka lang pala." Sambit ni Nellie na nasa likuran ko lang.
"Kumusta ka na? Okay ka na?" Tanong n'ya pa at tinabihan akong nakatayo sa washing area ng restroom kung nasaan kami ngayon. Tumango naman ako at ngumiti sa kan'ya.
Sandali pa kaming natahimik at ramdam na ramdam ko ang masakit na pagtibok ng ulo ko kaya mahigpit akong napahawak sa sink at pilit na isinasawalang bahala ang sakit na nararamdaman ko. Ayokong magpahalata.
"Row, pasensya na nga pala sa nangyari kasi an----" Nang marinig ko ang mga sumunod na sinabi ni Nellie ay agad ko s'yang inawat at binigyan s'ya ng isang maayos na ngiti.
"Ayos lang ako. Huwag mo nang sabihin." Sagot ko. Napabuntong hininga naman s'ya at tumango. Alam kong hihingi rin s'ya ng pasensya dahil sa nangyari. Pero ayoko naman marinig 'yon mula sa kan'ya dahil wala naman s'yang kasalanan. Aksidente ang nangyari at wala akong dapat na sisihin.
"Ikaw, kumusta ka? Parang ngayon ka lang pumasok ulit." Pag-iiba ko ng usapan. Bigla ay narinig ko ang malakas na pagtibok ng puso n'ya at maging paghinga n'ya ay naririnig ko na kaya naman napahawak ako ng mahigpit sa ulo ko dahil pakiramdam ko ay mas sumakit 'yon.
"Rowan, an-anong nangyayari sa'yo?" Natataranta n'yang tanong at sinubukan na mas lumapit sa akin pero pinigilan ko s'ya.
"A-ayos lang ako." Sambit ko. "Ano sige papasok na---papasok na ako may susunod pa tayong klase 'di ba?" Paalam ko at mabilis na lumabas sa restroom na iyon habang hawak-hawak ko pa rin ang ulo ko. Narinig ko pang tinawag ni Nellie ang pangalan ko pero hindi na ako nag-abala na pansinin pa 'yon.
Pagkalabas ko ay mas lalong sumakit ang ulo ko dahil maraming tao sa hallway at bawat boses nila ay naririnig ko nang malinaw. Maging ang mga music sa mga earphones at headphones nila ay malinaw ko ring naririnig. Pati ang mga bulong, paghinga, at maging pagtibok ng puso ng bawat isa sa kanila ay naririnig ko rin.
Lahat sila. Bawat isa sa kanila.
Pakiramdam ko ay mababaliw na ako sa nangyayari sa akin at hindi ko alam kung saan ako pupunta. Sinubukan kong maglakad pero mas lalo lang lumakas ang ingay sa paligid ko kaya napatakip na lang ako sa tainga ko at napasabunot sa buhok ko.
Parang dahan-dahan na binabasag ang tainga ko at kaunti na lang ay gusto ko nang sumigaw.
"Rowan." Rinig kong boses ni Pete kaya nag-angat ako ng paningin. Nakita ko s'yang nakatayo pala sa harapan ko at nakataas ang dalawang kilay. Maluha-luha ko s'yang hinarap at noon din ay unti-unting nawala ang lahat ng malalakas na ingay sa paligid ko hanggang sa para bang naging normal ulit ang lahat.
"Ano ka? Para kang luka-loka d'yan at may pagsabunot ka pa sa buhok mo." Sabi n'ya na may kasamang pagtawa kaya pilit akong napatawa.
Hindi ko alam ang nangyayari sa sarili ko. Parang habang dumadaan ang mga araw ay mas tumitindi ang pakiramdam ko. Kanina lang ay halos narinig ko ang buong paligid.
"Kanina pa kita pinanonood akala ko ay kung ano na ang nangyayari sa'yo kaya nilapitan na kita. Ayos ka lang ba?" Tanong n'ya pa. Tumango lang ako at nagpanggap na parang walang nangyari.