IV - Paglisan (2)

9 2 0
                                    

Hindi man lang napansin ng nigromante na sina Carlo at Azure ay nakalayo na mula sa kanila at maging ang mga kalansay ay hindi rin ito naramdaman. "At bakit ako sasama sa iyo?! Anino man ang aking elemento, hindi pa rin iyon dahilan upang ako'y sumama sa inyo, tanging hinagpis lamang ang inyong dinudulot sa nakakarami! At ngayon ay inyong napatunayan na dapat lang kayong huwag nang mabigyan pa ng pagkakataong mabuhay dahil maging ang mundong ito ay nagawa niyong pinsalain ang mga naninirahan!" sagot naman ni Maya sa alok ng nilalang na sumama siya sa kanila upang lumakas, habang nanginginig na ang mga binti at nanghihina dahil labis-labis nang kapangyarihan ang kanyang nagagamit. Ang mga mata niya'y bumibigat na rin at kanya nang nararamdaman na anumang oras ay maaari na siyang mawalan ng malay. "Kung mi-...minamalas ka nga naman.." bulong niya sa kanyang sarili. Nang kanyang matiyak na nakatakbo na sa sapat na distansya ang dalawa niyang kasama... Siya ay, sa huling pagkakataon, ay nagpalabas ng malakas na enerhiya na naging sanhi upang ang karamihan sa mga kalansay ay tumilapon at tumama sa kanilang mga nasa likuran, at sanhi rin kaya ang nigromante ay nawalan ng balanse, at hindi na nakita pa ang mabilis na pagtakas ng dalaga patungo sa direksyong tinahak nina Carlo. "Maya... Ayos ka lang ba?" Tanong ng kanyang kasama nang makita siya nitong medyo hirap sa paglalakad. Tanging kaunting gasgas lang ang natamo ng dalaga dahil sa malaking parte ng kainitan ng labanan, siya'y nasa gilid lamang at nagmamatyag kaya hindi siya nagtamo ng anumang pinsala sa katawan. Hindi gaya ng dalawang binata. Mabuti pa si Carlo dahil kahit na siya ang pinaka-nagpakahirap sa pag-paslang sa mga kalansay, hindi man lang ito nakikitaan ng kapaguran o di kaya ay pag-iktad man lang dahil sa hapdi ng kanyang mga sugat. "Ayos lang ako. Kailangan na nating mag-madali! Kailangan nating maka-alis dito at makalipat sa isang mas ligtas na lugar— nararamdaman kong papalapit na ang mga deavag ng nigromanteng iyon. Azure..." Nilingon ng dalaga ang namumutlang si Azure. Patuloy pa rin ito sa pagdurugo, at mas kapansin-pansin na ang mga pasa nito sa mas malapitan. "Maaari mo ba kaming dalhin sa iyong tahanan? Sa aking palagay ay mas magiging ligtas tayo roon bago tayo umalis sa mundong ito" dagdag pa nito. Sa isip ni Azure, nagtatalo ang napakarami niyang selula sa pagpili kung ano ang kanyang gagawin. "Bahay namin? Hindi ba't magiging mas ligtas kami kung sa ospital kami magtutungo? Lalo na't nasa ganitong kalagayan kami ni Carlo na maaari kaming bumagsak anumang oras. Nahihibang na ba ang dalagang 'to?" sabi niya sa kanyang sarili. "Naalala mo ba yung mga katanungan mo kanina? Masasagot at mas maipapaliwanag namin ang mga nangyayari kung dadalhin mo kami sa iyong tahanan, Azure." sabi naman ni Carlo habang patuloy siyang inaakay. Para namang mga inkantasyon na naglapat ng mahika sa isipan ng binata ang kanyang mga narinig, dahilan upang siya'y sumang-ayon nang hindi man lang pinag-iisipan ng mabuti ang lahat. Hindi man lang niya naisip kung paano niya ipapaliwanag sa kanyang ama ang lahat ng nangyari, kung bakit bigla na lamang siya umuwi nang sugatan, puno ng mga sugat ang katawan, at ang mga damit niya ay napintahan ng dugo at punit-punit na para bang pinaglaruan ng isang aso. Nakatitiyak siya na ang kanyang ama ay hindi lamang magagalit, baka nga ito pa ay magwala at bigla na lamang habulin ng tabak ang dalawa niyang mga kasama, pero bago pa niya magawang baguhin ang kanyang desisyon, bigla na lamang siyang hinila ni Carlo upang sila'y mabilis na makalayo mula sa mga deavag na nag-ngingitngit sa galit at mabilis na lumalapit sa kanila. Isinuot sa kanya ni Maya ang balabal nito upang matakpan ang kanyang itsura nang hindi na makakuha pa ng atensyon mula sa mga tao na kanilang maaaring makasalubong sa biyahe pauwi. "Dito tayo!" Bulalas ng dalaga at sila'y dumaan sa isang lagusan— lagusan na kanila ring dinaanan kanina upang makapasok sa eskwelahan nang hindi nakikita o napapansin man lang ng mga gwardiya. Ang lagusang iyon ay ang nagdala sa kanila patungo sa isang terminal ng mga jeep kung saan sila ay mabilis na nakahanap ng masasakyan. Nang makaupo sa loob ay napabuntong hininga ang tatlo sa kaginhawaan, "Mabuti na lamang at nagawa nating makalayo mula sa mga humahabol sa atin... Sa ngayon ay makakahinga tayo nang maluwag, at kung swe-swertehin, ay makakapag-pahinga nang matagal bago tuluyang lisanin ang mundong ito" bulong ni Carlo sa kanyang mga kasama habang pinupunasan ang tumatagaktak niyang pawis. Habang gumagalaw ang sasakyan at tinatahak ang respektibong ruta nito, hindi mapigilan ng mga nakasay ring pasahero sa loob na tignan ang tatlo dahil sa mga kakaiba nilang kasuotan. Sino nga ba ang magsusuot ng kasuotang may temang medyebal at mga balabal sa loob ng isang jeep, sa oras ng tanghali? May ilan pa ngang isinagad na ang pagiging ususero, at kumuha ng litrato ni Maya habang ito'y hindi nakatingin.

AuroraTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon