VII - Paglisan (5)

7 2 0
                                    

(A/n: Nagugustuhan mo naman ba ang istorya? Hehehe, huwag kalimutang mag-vote kung oo, ishare mo na din sa friends mo! Kung hindi naman, magiwan lang ng mensahe o komento, at tulungan mo akong pagandahin ang istorya sa pamamagitan ng iyong mga suggestion! Mwa!)

*

"Gising na, Azure. Naririto na tayo" napabalikwas ang binata dahil sa pang-gigising ng kanyang ama kaya siya'y binigyan nito ng nag-aalalang tingin, iginala niya ang kanyang mga mata at nakitang bumababa na mula sa kotse ang prinsipe at ang kasama nitong babae na nagawa pang mag-inat sandali bago pumasok sa mga pintuan ng tahanan kung saan nakaparada ang naturang sasakyan, ang bahay ay mayroong dalawang palapag at may bilang lamang na bintana, ang disenyo nito ay moderno na mayroong kaunting tilamsik ng makaluma— gaya ng mga poste sa harapan nito na hango sa mga makikita sa ancient Greece. Habang ang isipan ni Azure ay kinikilatis ang bagong pook kung saan sila naroroon, sa isipan naman ni Elizer ay tumatakbo muli ang pag-aalala dahil base sa itsura ng kanyang anak nang ito'y gumising, siya'y nagkaroon nanaman ng panibagong panaginip tungkol sa mga bagay-bagay na bumabagabag sa kanya. Tatanungin niya sana ang binata tungkol sa kung ano nanaman ang pinakita ng mundo ng panaginip sa kanya, pero agad din niyang nilunok ang mga salitang nasa dulo ng kanyang dila nang maisip na masyado pang maaga at kagigising lamang ng anak upang kanya itong tanungin, ayaw naman niyang mawala sa balanse ang lagay ng loob nito— kanya na lamang hihintayin na si Azure na mismo ang magbukas ng paksa para kanilang pag-usapan, ngayon na alam na nitong hindi na lamang ang ama niya ang maaaring maging tanungan, narorooon na rin sina Nina at ang dalawang kabataan na kapwa nagmula sa Variega. "Halika na, pumasok na tayo sa loob nang doon ka magpahinga" sabi ng ama habang nakaturo sa mga pinto ng bahay. Tumango naman ang binata at saglit niyang kinamot ang kanyang anit, kaya nagulo ang kanyang mala-pilak na buhok, nang siya naman ay tumapak na sa lupa at naglakad palabas sa lilim kung saan ipwinesto ang sasakyan, kanyang naramdaman ang init ng araw, ang init na dala nito ay mas lalong tumulong sa pang-gigising ng diwa ng binata na para bang naka-angkla pa din sa panaginip na dinaanan nito. Sa sumunod niyang hakbang, ay nagsimula nang sumipa ang kirot mula sa kanyang mga sugat, at ilang bagong hiwa na malamang ay hindi niya naramdaman noong kanya itong makuha sa labanan. Napa-iktad siya nang maramdaman na mas lalong tumitindi ang kirot, buti na lamang at ang kanyang ama ay nasa tabi niya lang para siya'y alalayan kahit na maging ito'y hirap din mula sa pananakit ng katawan. "Kahit ako'y hirap na din, hahaha. Pero ayos lang yan, masarap ang niluluto ng tita mo sa loob, kailangan nating bilisan! Baka maubusan tayo nina Maya" pagbibiro ng kanyang ama na siyang dahilan upang siya'y mapangiti at sandaling makalimutan ang kirot. Natuwa ang binata na nagagawa pa rin talagang maging positibo ng ama, gaya noong kanya itong kinausap tungkol sa kanyang mga problema, at noong gabing kinailangan nilang isa-isang gapasin ang mga kalansay. Napatanong siya sa kanyang sarili, mayroon bang kahit isang bagay na magpapasama sa kalooban ng kanyang ama? Mayroon bang isang bagay na maaaring mag-paiyak dito? Sa maikling panahon ng kanyang pag-iisip, ay napangisi siya dahil ang tanging lumalabas lang sa kanyang isipan ay wala. Nang kanilang buksan ang mga pintuan papasok sa loob ng bahay, ay agad na niyakap ng mahalimuyak na amoy ng ginigisang bawang at sibuyas ang kanilang mga ilong. Nang makapasok sila sa loob ng silid tanggapan, na punong-puno ng mga elepanteng pigurin na nasa iba't-ibang laki, at mayroon ding iba't-ibang kulay, may ilan pa ngang pigurin ang kumikinang dahil sa pagiging kulay ginto ng mga ito, at may iba ring elepante na gumagalaw dala ng pagiging battery-operated. Hindi rin magpapatalo ang malaking litrato na naka-kuwadro ng isang bibeng may hawak na kutsilyo, na tinititigan ng dalagang si Maya, bakas sa mga mata nito ang pagtataka habang hawak ang kanyang baba na animo'y nasa malalimang pagiisip ng dahilan kung bakit may isang pintor na aaksayahin ang kanyang oras para lamang sa isang litrato ng bibe? Sunod naman nilang nakita si Carlo na nakaupo sa kulay dilaw na sopa. Tinanggal na nito ang kanyang pang-itaas kaya kitang-kita ang mga gasa at bendaheng nag-kulay pula na dahil sa pag-bubukas ng kanyang mga hiwa, ang dibdib ng binata ay iisipin ng isa na kinalmot ng pusa dahil sa dami ng gasgas, habang ang kanyang mga braso naman na nakapatong sa itaas na bahagi ng upuan, ay marami ring mga pasa at sugat na hindi pa nalilinis. Kapansin-pansin din ang malaking telebisyon na nasa pader ng silid, at ang mga halamang cactus sa lamesa sa ilalim nito. Ang kulay ng pintura sa loob ng bahay ay kulay puti, maging ang mga kurtina, kaya maaliwalas sa loob, at nakakapag-bigay ng pakiramdam na nakakagaan. Ini-upo ni Elizer ang kanyang anak sa upuan, sa tabi ng prinsipe na umurong naman upang magbigay ng espasyo kahit na malaki na ang pagitan sa kanilang dalawa. Pagkatapos non, ay nagtungo sa kusina ang matanda upang tulungan ang kanyang kapatid sa pagluluto. Ang pag-lisan naman ng kanyang ama ay kinuha ni Azure bilang isang pagkakataon upang makausap ang prinsipe tungkol sa ilang bagay na nasa kanyang isipan. "Mahal na prin—" kasisimula pa lamang niya sa pagsasalita ay agad na siyang pinutol ng kanyang katabi. "Carlo nalang. Para lang naman tayong nasa mag kaparehong edad" sabi nito nang hindi man lang hinaharap ang kausap, ang kanyang mga mata ay nasa mga sandatang nakapatong sa maliit na lamesa sa gitna ng sala, at dahan-dahan niyang inilipat ang kanyang titig sa mga balabal na nakasabit sa pader, pero nang malapit na itong humarap sa binata, agad siyang tumingin sa ibang direksyon. Simula pagkabata pa lamang ay mayroon na siyang ganoong manerismo sa tuwing kakausapin siya ng isang bagong mukha, ilang beses na siyang nasabihan ng kanyang ina dahil doon pero mukhang, ang mga bagay na nakasanayan na ng katawan ay maihahalintulad isang suntok sa buwan upang makalimutan. Tumango naman si Azure at hindi na hinarap pa ang binata, kanya na lang pinanood si Maya na pilit mang itinatago ang pagkabighani nito sa mga bagay na kanyang nakikita, ay patuloy pa ring lumalabas ang pagkasabik niya sa mga ito. Naririyan ang bigla nalang niyang hahawakan ang elepanteng gawa sa bato at bigla nalang mapapa-atras sa oras na maramdaman niya ang magaspang na kayarian nito. "Isa ka palang prinsipe, huh? Mukhang maganda ang maging isang ganoon" sabi ni Azure, kaya napataas naman ng kilay ang binatang ilang dangkal lamang ang layo mula sa kanya. Hindi mawari ni Carlo kung saan patungo ang usapang iyon kaya binigyan niya na lamang ng malamig na "Hindi" ang nagtatanong, bilang pagiingat na rin mula sa maaaring kahantungan ng pag-uusap na baka mapadpad pa sa paksang kailangan niyang magkwento tungkol sa kanyang ina. Subalit, mali niya ang inaakala niyang doon na natatapos ang usapan dahil agad na sumagot si Azure kahit hindi niya ito tinatanong kung bakit nito naitanong. "Hindi? Talaga? Hindi ba maganda yung nasa iyo ang atensyon, madali mong makuha ang iyong luho, at syempre, presentable ka laging tignan sa kahit ano mang oras. Ang ginhawa siguro ng buhay mo sa... Rhirhakoth, ba yun?" kumurap-kurap ang prinsipe dahil sa kanyang mga narinig at hindi na napigilan pang sumagot. "Tunay nga na maganda ang maging sentro ng atensyon at makuha ang mga luho mo, pero bilang isang prinsipe, ang buhay mo'y laging nasa bingit ng kapahamakan. Sa aking kabataan ay ilang beses na akong sinubukang dakipin ng mga bandido, kaya hindi ko gusto ang makakuha ng labis-labis na atensyon mula sa ibang mga nilalang, at isa pa... Presentable sa kahit ano mang oras? Nakikita mo ba ang aking kalagayan? Ito ang itsura na kailanman ay hindi nanaising makita ng mga maharlika... Huwag mo akong patawanin, malayo ang tunay na buhay ng isang prinsipe mula sa mga nasa libro" ani niya. Nakita niyang napayuko ang binata, at tila nalungkot sa kanyang kasagutan. Napabuntong-hininga na lamang si Carlo at pinakawalan na ang mga salitang kanina pa niya pinipigilang sabihin. "Bakit mo ba naisipang pagusapan ang paksang iyon? Ano ang bumabagabag sa iyo?" Paguusisa niya. "Nanaginip ako tungkol sa isang prinsipe. Ang prinsipe na iyon ay hinahabol ng isang nilalang... Nilalang na medyo hawig doon sa nigromante na nakalaban natin! Kaya nais ko sanang malaman kung may alam ka ba o kilala man lang na prinsipeng bigla nalang naglaho? Dahil pakiramdam ko ay may koneksyon iyon sa mga nangyari sa Variega noon" Tanong ni Azure. Hindi na niya binanggit pa ang tungkol sa detalyeng may nakasalubong itong mag-asawa na kasama nitong nagtago sa isang kweba dahil hindi naman niya napatapos ang panaginip, at mukhang magiging isang walang kwentang impormasyon lamang iyon kung sasabihin niya kay Carlo na umiling lamang bilang pag-sagot na wala siyang alam o kakilala. "Iyon lang pala ang katanungan mo, sana'y diniretso mo na nang agad kong nasagot... Huwag mong masyadong isipin yon, maaaring pinaglalaruan ka lamang ng sarili mong pag-iisip" sabi nito bago ipikit ang mga mata at subukang matulog muli. Masyadong matindi ang kapagurang natamo ng katawan ng binata, siya ba naman kasi ang laging nangungunang sumugod sa tuwing may lipon ng mga kalaban ang sa kanila'y lalapit magmula noong nasa gitna palang sila ng kaguluhan sa unibersidad, kaya naintindihan agad ng kanyang katabi na parang wala itong lakas upang makipagusap o magisip man lang ng lohikal na rason tungkol sa pangkaisipang suliranin na kanyang idinulog rito. "Magpahinga ka nalang muna diyan, mahal na prinsipe" bulong nito, na tinugunan naman ng isang tango, bago niya paika-ikang pinuntahan si Maya na sa mga oras na iyon ay lumabas ng bahay upang tignan ang mga kulay lilang bulaklak sa hardin, na kanya lamang napansin sa paglabas at hindi man lang noong sila'y pumapasok ng kanyang ama. "Azure! Bakit ka lumabas? 'Di ba dapat ikaw ay nagpapahinga doon sa loob?" Tanong nang dalaga nang bigla nalang sumulpot sa kanyang likuran ang binata, hindi naman na siya sinagot pa ni Azure at pinagpatuloy nalang ang pagsama sa kanyang tignan ang mga bulaklak, at amuyin ang mabangong halimuyak ng mga ito. Hindi na matandaan ng binata kung kailan ang huling beses na siya'y nakakita ng ganoong uri ng halaman, pero may isang parte sa kanyang isipan ang nagsasabing minsan nang pumasok sa kanyang ilong ang mabangong amoy mula sa mga iyon. Sa kanilang bahay kasi at sa kung saan mang lugar na malapit sa kanila, ay walang ganoong tanim kaya gaya ni Maya, nabibighani rin siya. "Sa wakas, sandali na lamang at ang misyong ito ay matatapos na. Pakiramdam ko ay ilang linggo na akong naririto sa mundong ito sa sobrang dami ng mga nangyari, at natitiyak kong nararamdaman din iyon ng prinsipe... Na kapwa kong wala pang diretsong pahinga" sabi nito. Sumang-ayon naman ang kanyang kausap sa mga tinuran niya. Kahit ang binata ay ramdam din na parang isang bagsakan ng pang-isang lingguhang gawain ang mga nangyari sa kanila sa mga nakalipas na araw at oras. "Paano nga pala kayo nakapunta rito? Paano niyo ako nahanap sa unibersidad na iyon?" tanong ni Azure. "Dumaan kami sa isang lagusan mula sa Variega patungo rito, nang walang kasiguraduhan kung saan kami maaaring mapadpad. Maaaring sa tubig, sa loob ng isang kuweba, o pwede ring sa gitna ng isang pader, ngunit sa kabutihan palad, kami ay napadpad lamang sa isang kakahuyan, noong dumating kami rito ay kabilugan na ng buwan, at bilang bago lang kami sa mundong ito, sa una'y wala kaming ideya kung nasaan ka... Madali ka lang naman daw naming mahahanap sabi ng reyna, dahil iba ang inilalabas mong awra, hindi gaya sa mga tao. Mabuti na lamang at sa lugar malapit sa iyo ang aming kinapadpadan. Naaalala ko na noong gabi ring iyon, ay naka-ramdam ako ng kakaibang awra sa paligid ng aming nilabasan ni Carlo... Pero sa aming pagkadismaya, kami'y napadpad lamang sa isang lugar na puno ng mga taong kumakain, at dahil na rin siguro na hindi pa sanay ang aming mga katawan dito, nahirapan kaming hanapin ang pinaka-pinagmunmulan no'n, may sinundan kami na— para sa amin ay mukhang magkasintahan upang sila'y tanungin subalit, kami'y tinakbuhan lamang nila" nanlaki naman ang mga mata ni Azure dahil pamilyar para sa kanya ang mga sinasabi ng dalaga. Naalala niya ang gabi kung kailan siya'y lumabas para magpunta sa Crackronald's at bumili ng makakain bago sila mag-usap ng kanyang ama. Sa gabing iyon rin, nakita niya ang dalawang nakabalabal na tao na pinagkamalan niyang bodyguards noong dalawang estudyante ng naglalakad. Napailing na lamang siya at napakamot ng ulo, habang nagsisisi na kung siya ay nagtagal lamang sa lugar na iyon, tiyak na siya'y nahanap na sana ng dalawa at ang lahat ng kanilang pinagdaanan ay naiwasan. "Pagkatapos ng gabing iyon, kinabukasan, ay napadpad naman kami sa lugar kung saan ka nag-aaral, pagkatapos rin no'n, ay mas nasanay na ang aming mga katawan dito kaya mas nadalian na akong matukoy ang iyong lokasyon sa gusali kung saan kita nakita... Masyadong maraming tao ang humaharang sa aming daan papunta sayo, at bigla nalang naming naramdaman ang pagdating ng isang nilalang ng dilim, kaya hindi na kami nagdalawang isip ni Carlo na magmadali, dahilan upang... Itulak namin ang mga inosenteng magaaral... Iyon din ang dahilan kung bakit sinabihan kitang tatakbo papalayo, pero... Naiintindihan ko naman iyon, natakot ka lamang mula sa biglaan naming paglapit, pasensya doon" dagdag pa ni Maya habang hawak ang balikat ng kanyang kausap na bakas sa mukha ang pagsisisi at pagkadismaya, ang mga kamay ni Azure ay nakakuyom na animo'y nagngingitngit sa galit. "May dahilan... Sigurado akong may dahilan kung bakit kinailangan mo... Natin na pagdaanan ang mga iyon. Tignan mo na lamang ang magandang panig ng mga pangyayari, naliwanagan ka tungkol sa kung bakit hindi ka nagawang tulungan noon ng iyong tita, at tignan mo na rin ang parteng nagawa muli ng iyong ama ang gusto niyang bagay... Alam ko na madaming nangyari, madaming bagay ang kinuha ng nigromanteng humahabol din sa iyo sa siyudad na ito, pero Azure, patapos na iyon, pabalik na tayo sa Variega. Huwag mo nang lunurin pa ang iyong puso sa mga negatibong kaisipan... Gaya nga ng nasabi ko sa iyo kagabi, makadadagdag lang sa lakas ng nigromante ang mga iyan" sabi pa ni Maya. Mukhang umepekto naman ang kanyang mga salita sa binata, kahit na wala siyang gaanong alam sa kung paano pagagaanin ang pakiramdam ng ibang tao sa tuwing sila'y nalulungkot. Masaya siya na kahit bara-bara lang ang kanyang mga tinuran, nagawa nitong pakalmahin ang puso ni Azure. "Tila naririnig ko na ang pagtawag ng iyong ama. Pumasok na tayo upang kumain" ani ng dalaga habang ang kamay niya ay nasa kanyang tenga na para bang may naririnig talaga siya, magsasalita pa sana ang kanyang kasama dahil wala itong naririnig pero, huli na ang lahat, siya'y nahila na papasok ng bahay. Sa kanyang pagbabalik sa loob, wala na sa sopa ang prinsipe na sabi sa kanya'y iidlip lamang, at nang sila'y magtungo sa kusina, nakita nila itong wala pa ring pang-itaas at kumakain na ng sinangag at ilang piraso ng hotdog. "Azure, Maya, kumain na rin kayo... Nagkaroon ako ng pagkakataong bumili sandali ng mga mailuluto noong dumating tayo dito, kaya halina kayo. Pag-saluhan natin itong mga niluto ko" napakibot naman ang mata ni Azure dahil sa itsura ng kanyang tita habang sinasabi ang mga iyon, bakas sa mukha nito ang pagmamayabang na para bang ito'y nagluto ng isang napakahirap na putahe. "Napakasarap ng iyong niluto, Nina... Maaari ko bang malaman kung paano mo ito ginawa?" puri naman ni Carlo habang tinitignan ang piraso ng processed food tinusok ng kanyang tinidor, sanhi upang magmukha siyang isang kritiko na bumisita sa isang kilalang kainan sa syudad. "Salamat naman at ika'y nasarapan at... Ah... Eh... S-simple lang ang pag-gawa niyan, mahal na prinsipe! Sa s...susunod ay aking sasabihin sa iyo" nauutal na sagot naman ni Nina kahit na wala naman talaga siyang ideya kung paano ginagawa ng mga pabrika ang pagkaing iyon, ang tanging ginawa lamang niya ay iinit sa mantika ang mga hotdog, at tapos na. Wala sa kanyang inaakalang mangyayari na tatanungin pa ng prinsipe kung paano niya inihanda ang nakahain.

AuroraTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon