V - Paglisan (3)

4 2 0
                                    

"Pa... S-sandali... Bakit? Bakit kinailangan mong isikreto sa akin ang lahat? Naging malakas ang pakiramdam ko na ang mga panaginip na iyon na ang magiging daan para mahanap nating muli si Mama! B-bakit mo kinailangang mag-tanga-tangahan?! Bakit kinailangan mong magsikreto tungkol sa tunay nating pinagmulan? Bakit kinailangan pa nating umalis mula doon? Pa? Gulong-gulo na ako, at mas lalo akong naguguluhan dahil sa mga ginawa mo..." Tanong ni Azure sa kanyang ama. "Sa mundong ito naglaho ang iyong ina. Pinili naming ikaw ay dalhin dito para na rin sa ating kaligtasan! Hindi ako nagtanga-tangahan... Hindi ko lamang gusto na mas lalo mong mabuksan ang mga masasakit na alaala o di kaya'y mabuksan ang mga emosyong dapat ay manatili nalang na nakatago, Azure, maniwala ka sana" pagsusumamo ng ama nito. Alam na ni Elizer na darating ang ganoong panahon kung saan kakailanganin niyang isiwalat ang lahat ng kanyang nalalaman kahit na magbubukas lamang ito ng mga naghilom nang mga sugat. "Dahil ama kita, paniniwalaan kita. Pero sana, wala ka nang iba pang inililihim pa mula sa akin..." sagot ni Azure bago ito magbalik sa hapag kainan at iwanan ang ama na nakatulala, pilit ikino-kondisyon ang sarili mula sa kalabisan ng mga nangyayari. Pabagsak na umupo sa upuan ang binata nang ito'y makabalik. Napansin din ng dalawa niyang mga kasama doon ang pagbabago sa kanyang mukha, na kung kanina'y parang inaantok lamang, ngayon ay gising na gising na ito at tila nagaalab sa galit ang kanyang mga mata. Narinig nina Maya ang sandaling paguusap ng mag-ama sa loob ng kusina, at alam nila na nasaktan ang binata dahil sa kanyang mga nalaman, dahil sino ba naman ang hindi makakaramdam ng kahit ano pagkatapos malaman na ang nagawang maglihim ng kanyang kapamilya ng isang impormasyon na bubuo sa pagkataong matagal na niyang pinagdududahan at nais bigyang kaliwanagan? Maging silang dalawa ni Carlo ay sandaling nainis at tiyak na magagalit din kung sa kanila gagawin ng mga taong kanilang pinagkakatiwalaan. "Alam ko... Azure, na masama ang loob mo, pero alam ko rin na narinig mo naman ang dahilan ng iyong ama kung bakit parang pinipigilan ka niyang bumuo ng koneksyon sa mundong pinanggalingan niyo. Sana ay humupa rin ang galit o kung ano mang yan na nararamdaman mo bago tayo makabalik sa Variega" sabi ni Maya habang binubuhusan ng tubig ang baso ng binata. Nang mapansing walang balak sumagot si Azure, napasandal nalang sa upuan ang dalaga at tinignan ang kasama niyang nakaidlip na. "Nagagawa mo pa talagang makatulog sa mga ganitong oras..." Bulong niya sa kanyang sarili. Susubukan na rin niya sanang umidlip at magimbak ng lakas pero bigla nanaman nilang naramdaman na may panibagong panauhin ang tirahan nang biglang tumunog ang doorbell. Akma na sanang tatayo si Azure pero siya'y sinenyasan nina Maya na manahimik muna at sama-sama sila nina Carlo na magtago sa loob ng kusina upang kung sakaling ang panibagong bisita ay isang kalaban. Dala na rin siguro ng pananggalang na nagtatago ng presensya ng mga aravaa kaya hindi magawang basahin ng prinsipe at ng kanyang kasama ang enerhiyang nagmumula sa kumakatok. "Ako na ang magbubukas..." sabi ni Elizer na nagmula sa kusina at nagpunas sandali ng kanyang mga kamay bago magtungo sa silid tanggapan. Bilang may mga balita tungkol sa mga pagala-galang deavag at mga pulisyang hinahanap ang kanyang anak at ang mga kasama nito, kanya munang sinilip ang mga kumakatok sa kanilang pintuan, at hindi nga siya nagkamali ng kutob. Sa mga oras na iyon ay tanging ang kapiraso ng kahoy lamang ang naghihiwalay sa kanya mula sa mga deavag na naghihintay na kanyang buksan ang pintuan upang ang mga ito'y mabilis na makapasok at paslangin ang sinumang haharang sa kanila. "Kamalasan!" bulong ng matanda sa kanyang sarili mabilis siyang nagbalik kung saan nagtatago ang kanyang mga kasama at agad na sinabi ang kanyang nakita. "Mukhang magaling talaga ang nigromante na inyong nakalaban. Nahanap na tayo ng kanyang mga deavag! Wala na tayong oras pa. Kailangan na nating umalis— kunin niyo na ang inyong mga kayang bitbitin at sundan niyo ako!" Ani niya. Madali namang naintindihan nina Maya ang kanilang dapat gawin, maliban kay Azure na natataranta na. "K-kagigising ko lang at heto na ulit sila? Kailangan nanaman nating tumakbo mula sa mga naghahabol, mukhang hindi ko na kakayanin pa bago pa tayo makarating diyan sa tinatawag niyong Variega! Argh— anuba!" Bulalas niya kaya ang kanyang bibig ay tinakpan ng tela ni Maya. "Kung nais mong magreklamo pa sa mga susunod na oras o araw, manahimik ka. Sa oras na narinig ka ng mga deavag na nasa labas, tiyak na pwe-pwersahin na nilang buksan ang pinto at mawawalan na tayo ng oras para makatakas! Egill steinum ivarr aslaug!" bulong ng dalaga sa tenga ng binata, tila napasobra naman ang pagdiin niya sa tela sa bibig ng binata kaya maging ang ilong nito at natakpan, dahilan upang kapusin ito ng hininga at maging hapong-hapo nang tanggalin na. Nais pa sana niyang pagsabihan ang dalaga na muntik na siyang mamatay dahil doon, na isa namang pagmamalabis, pero hindi na niya binuksan pang muli ang kanyang bibig at inilapat nalang ang atensyon sa ornamentong espada na naka-lagay sa ilalim ng patungan ng kanilang telebisyon, at maliban sa kanyang kasuotan, ay wala na siyang iba pang nadala nang sila'y lumabas sa kanilang tahanan gamit ang pintuan sa likod nito. Mula roon ay kanilang natanaw ang mga kalansay na nagma-martsa palapit sa harapan ng kanilang tahanan, kitang-kita nila na nilalagpasan na lamang ng mga ito ang mga nakakaharap na mga tao, isang senyales na kanila nang nahanap ang dapat lamang nilang puntiryahin— sina Azure. "Ngayon na hindi na nila pinapansin ang ibang mga tao, mas mahihirapan tayong humalo para pansamantalang maitago ang ating presensya" bulong ni Carlo habang sila'y lumulukso papasok sa kabilang bakod ng kapitbahay, swerte nila at ang mga aso sa tahanang kanilang napasok ay naging tahimik upang hindi maisiwalat ang kanilang lokasyon, at para na rin hindi maalarma ang mga may-ari sa kanila. "Saan ba tayo patutungo, ginoong Elizer? Kanina mo pa hinahawakan ang aparatong iyan magmula noong tayo'y nakalabas" Tanong naman ni Maya habang pinapanood ang matanda na kalikutin ang cellphone nito, na para sa kanya ay bagong kagamitan nanaman na hindi siya pamilyar. Kanina pa pilit tinatawagan ng lalaki ang kanyang kakilala na sa tingin niya ay makapagbibigay ng malaking tulong upang sila'y makalayo mula sa mga mata ng mga humahabol sa kanila, o kung mas maganda ay baka madala pa sila nito patungo sa kabilang mundo nang mas mabilis. "Tinatawagan ko si Nina, ang aking kapatid, sa tingin ko ay matutulungan niya tayo sa mga pagkakataong gaya nito upang makahanap ng ligtas na mapagtataguan bago bumalik sa Variega" sagot naman nito. Napakunot naman ng noo ang binatang si Azure at tinanong ang sarili kung ang kanya bang mga narinig ay tama— ang hihingan ng kanyang ama ng tulong ay ang taong tumalikod lamang sa kanya sa mga oras na siya ay nangangailangan. "Sigurado ka ba diyan, pa? Minsan na tayong hindi tinulungan ni tita... Baka nga ipagkanlulo pa tayo niyan sa mga pulis!" sagot naman ng kanyang na hindi napigilang mapatayo subalit siya naman ay agad na nahila ni Carlo pabalik sa pagkakaupo. "Kailanman ay hindi nagtungong states si Nina. Hindi rin niya ginustong hindi tayo tulungan noong naaksidente ako, sadyang nagkaroon lamang siya ng mga suliranin noong panahong iyon... Na mas maganda na siya nalang ang magpaliwanag sa iyo" sabi ni Elizer sa kanyang anak na hindi pa rin nagbabago ang itsura ng mukha— bakas pa rin ang pagkadismaya habang ang noo nito'y nakakunot. Napabuntong hininga na lamang ang ama at bumalik na ito sa pagsubok na maabot ng linya ang kanyang kapatid, pinagdadasal nitong sana ay sagutin na ng kanyang kapatid ang telepono upang malaman na niya kung saan ito nananatili dahil anumang oras ay kakailanganin na nilang umalis mula sa kanilang pinagtataguan bunga ng parami na nang parami ang mga deavag na lumilitaw. "Nakakabigla na mayroon pa palang isang aravaa maliban sa inyong mag-ama... Baka may kilala ka pang ibang mga aravaa, bakit hindi mo na sabihin pa ngayon pa lang?" Pag-uusisa ng dalaga para malipat naman sa ibang paksa ang atensyon ni Azure. "Wala na akong iba pang alam. Siguro, may iba pang kilala ang aking ama pero nakatitiyak akong inililihim niya lang rin ang mga iyon gaya ng mga nalalaman niya tungkol sa akin" lumilitaw sa mga salitang nasabi ng binata na basag na talaga ang kanyang tiwala para sa matandang Lusvega. Napa-yuko na lamang ang dalaga dahil kanya lamang naibalik ang paksa tungkol sa paglilihim ng ama ng binata, imbes na ito'y mailipat. "Janka nu ingivald, Maya!" bulong niya sa kanyang sarili.

AuroraTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon