2] Maharlikang Palaboy

197 8 1
                                    

Para kay ayhartcamote, sorry, late update :))))

----------------------------------------

Ngayon ko naramdaman ang lahat ng pagod na naranasan namin sa Tondo at sa naging paglalakbay namin. Nasa Urdaneta na kami, sa esatado ng pinsan ng aking ama, si Rajah Magubi. Gusto ko na sanang magpahinga, pero pinaharap pa kami sa Lupon ng Urdaneta.

            “Nabalitaan ko ang nangyari sa Tondo, Dayang-Dayang Suyen,” sabi ni Dayang Marilag, ang asawa ni Rajah Magubi. “Ikinalulungkot ko ang inyong sinapit. Bilang malapit na kamag-anak, gusto ka naming tulungan.”

            Hindi ko naramdaman ang sensiridad ng sinabi nito. Pakiramdam ko kasi ng mga sandaling iyon ay ginigisa kami. Nakapalibot sa amin ang mga may katungkulan sa Urdaneta. Pakiramdaman ko pag-dedesisyunan pa kung tatanggapin kami doon o hindi.

            “Kaya lang…”

            Pinanghinaan ako ng loob sa dinugtong na iyon ni Dayang Marilag.  Kaya lang ano? Ibig ba sabihin hindi kami matutulungan ng Urdaneta? Ibig ba sabihin hindi kami bibigyan ng pansamantalang tirahan ng Urdaneta?

            “Kaya lang, Dayang-dayang Suyen,” ang punong Lupon ng Urdaneta na si Datu Raon ang nagpatuloy sa sinabi ni Dayang Marilag. “Kapag pinatuloy ka namin, malalagay sa alanganin ang Urdaneta. Intindihin mo na wala kaming sapat na kapangyarihan para banggain ang Tsina.”

            Gusto kong mapaiyak ng mga sandaling iyon. Kaya lang ay pinigilan ko. Kailangan isang larawan ng matatag na babae ang maipakita sa kanila. Naramdaman ko ang pagpisil sa kamay ko ni Onang. Kahit papaano naramdaman ko na kahit pinagsasarhan ako ng pinto ng Urdaneta, meron pa rin akong kasama.

            “Mawalang-galang na sa inyo at Rajah Magubi,” singit ng mandirigma ng Tondo na kasama nila, si Basod. “Pero pansamantalang tirahan lang ang hinihingi namin sa inyo. Maghahanap din kaagad ng lugar na malilipatan ang Dayang-Dayang Suyen.”

            “Nandoon na kami,” si datu Raon. “Pero mainit pa sa mga mata ng intsik ang anak ni Rajah Maisog. Kahit pansamantala pa ‘yan, mahirap ang sumugal. Mahirap isugal ang libong mamamayan ng Urdaneta.”

            “Hindi naman kailangan ipalam natin sa lahat na nandito ang Prinsesa ng Tondo. Pwede naman nating itago, hanggang makahanap kami ng ligtas ng lugar.”

            “Maaari ngang itago, pero hindi natin alam kung may mga espiya ang intsik na nandito ngayon sa Urdaneta. Maaaring sa oras na ito, alam na nila na kinakanlong ng Urdaneta ang Prinsesa ng Tondo.”

            “Pero—

            Hindi na naituloy ni Basod ang ibang sasabihin. Hinawakan ko siya sa braso, at nang tumingin siya sa akin, umiling-iling ako. “Hayaan mo na, huwag na nating ipilit pa ang pananatili ko rito.”

            Tumayo ako at saka yumukod sa Rajah na hanggang sa mga oras na iyon ay tahimik. “Base sa pag-uusap na ito, napagtanto ko na wala akong lugar para rito. Nauunawaan ko ang nasa loob niyo. Kaya naman ngayon din ay magpapaalam na kami. Maraming salamat sa oras na inilaan niyo.”

            Walang lingon-likod at taas noong tumalikod ako at lumabas sa bulwagan. Hindi ko sila bibigyan ng kasiyahan na makita ako na parang aso na may galis na pinagtatabuyan. Ako ang Prinsesa ng Tondo. Hindi ako kailanman magpapakita ng kahinaan at pagkagapi sa harap ng mga tao na sa mga oras na ito ay tiyak na pinagtatawanan kami sa aming sinapit.

            Nang makalayo-layo kami, saka humalagpos ang mga luha sa aking mata. Ang hirap pala na mamuhay na wala si Ama at Ina. Ang hirap pala na mamuhay na wala sa matibay na bakod ng Tondo. Ngayong gabi, hindi ko alam kung saan na kami pupulutin ngayon. Ni hindi ko alam kung may bukas pa ba akong makikita.

--end of update--

Lakambini ng TondoTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon