Sa gitna ng pagpupulong, humahangos na pumasok ang sugo sa bulwagan. Nasa mukha nito ang ang matinding damdamin—ang pagmamadali at pagkatakot. Sinasabi ng bawat pagtigib ng pawis at paghakbang nito na daladala nito ang isang napakahalagang ulat. Hindi makapaghintay. Mabilis itong nagbigay galang kay ama. Sa panginginig na kamay, inabot nito ang balumbon na nababalot ng pula at gintong palamuti.
Nagtataka si ama na inabot iyon. Gayunpaman, nasa kamay nito ang pagmamadali ng alisin nito ang tali at iladlad iyon. Saglit pa lang nitong pinaraanan ang sulat ngunit agad na nagbago ang hinahayag ng mukha nito. Nakitaan niya rin ito ng takot. Napakunot ang mukha ni Suyen.
"A-ang dinastiyang Ming ay..."
"Tama po, Lakan Maisog. Nasa baybayin na natin ang kanilang sasakyang pandigma. Sa mga oras na ito ay nagmamartsa na sila papasok ng bayan."
Kasabay ng mga kawani ng aking ama na naroon, narinig niya rin ang kanyang pagsinghap. Napatingin siya sa kanyang ina nasa kanyang tabi. Nasa mata rin nito ang namamayaning damdamin ng mga sandaling iyon, ngunit may paglalaan. Dumantay ang palad nito sa aking balikat.
"Walang mangyayaring masama," sabi nito. Nasa boses nito ang paniniyak pero hindi nito naalis ang damdamin na nasa kanyang dibdib na patindi nang patindi bawat sandali.
Walang sabi-sabing lumabas siya ng bulwagan. Narinig pa niya ang pagtawag ng kanyang ina pero hindi niya iyon pinansin. Mabilis siyang tumakbo patungo sa pinakamataas na palapag ng bahay ng Lakan— kasing bilis ng pagtibok ng kanyang puso na parang gustong humulagpos sa kanyang dibdib.
Narating niya ang durungawan. At mula roon, tanaw na tanaw niya ang larawan ngayon ng Tondo. Ang limang barkong pandigma ng Dakilang Ming; ang watawat nito na nakangiting nililipad-lipad ng hangin; ang mga sundalong naka-kulay dugo na sa bawat pagmartsa ay dagundong ang hatid sakanya; ang mga nagsasalimbayang palaso; ang tunog ng bakal sa bakal; ang palahaw ng mga bata; ang pagmamakaawa ng mga walang laban; at ang pagsilab ng apoy sa buong Tondo.
Pinangapusan siya ng hininga. Hindi niya makayan ang tagpo na nakikita.
Sa murang edad, naranasan niya ang mabigo, ang matakot, ang magalit, ang mawalan ng pag-asa dahil alam niyang wala siyang magagawa kahit anong gawin niya. Narito lamang siya at nakamasid habang nilulupig ang walang kalabang-labang Tondo. Ang kanyang Tondo. Ang bayang pamamahalaan niya pagdating ng panahon.
Naramdaman niya ang pagdantay ng kamay ng kanyang ina. Doon nag-uunahang bumagsak ang kanyang mga luha. Humarap siya rito. "Ang Tondo, inay," sabi ko sa gitna ng mga hikbi.
Yumukod ito para magkaharap sila. "Alam ko," mahinahon pa rin ito at masuyong hinahaplos ang luha sa aking pisngi. "Pero wala tayong magagawa sa pagkakataong ito, Suyen."
"Hindi. Hindi pwedeng walang gawin, inay. Dito ako namulat. Dito ako natuto. Dito ako nangarap. Narito ang halakhak ko. Narito ang lungkot ko. Narito ang puso ko."
Napangiti ang kanyang ina at niyakap siya. "Masaya ako at naririnig ko yan mula sa'yo, Suyen. Pero dapat mo ring maintindihan ang katotohanan ng buhay. Hindi lahat ng bagay ay ganoon kasingdali sa pagbigkas ng salita."
"Dayang Oreta, nakahanda na po ang lahat para sa inyong pag-alis," putol sa kanila ng oripon.
"Aalis tayo. Ngunit pansamantala lang ito." Ang sagot ng kanyang ina sa nagtatanong niyang tingin. "Hindi ito pagsuko o pagtanggap ng pagkatalo. Isa itong paglalaan sa ating mga sarili ng puwang para makatugon sa hakbang ng Dinastiyang Ming."
"Babawi tayo."
Ang salitang iyon ng kanyang ina ang itinatak niya sa kanyang puso.
BINABASA MO ANG
Lakambini ng Tondo
Historical FictionLAKAMBINI NG TONDO ©2012 Period Romance | Historical Fiction | Political Novel | Action & Adventure | Ang aklat na ito ay naka-base sa ika-labing anim na siglong Kaharian ng Tondo. May mga pangalan, pangyayari, o anumang bagay na nakatala sa kasaysa...