Prologo

145 40 33
                                    

"Tuwing sasapit ang kabilugan ng buwan...

Maraming kababalaghan ang hindi n'yo nais masilayan," pasimula ng aking Lola Merlita. Namimilog ang aking mga mata sa aking mga narinig kasama ng aking mga pinsan. Ito ang nakasanayan naming gawin kapag sasapit ang kabilugan ng buwan.

"Nariya't panay ang alulong ng mga asong lobo, mga nagliliparang paniki na wari'y binabalot ng dugo, at mga boses na nanggagaling sa karagatan na nakahahalinang pakinggan. Maraming itinatago ang buwan. At isa na riyan...

kung ano ang inyong kinabibilangan." dagdag nito kasabay nang pagkumpas ng kanyang mga kamay. Nakakikilabot ang mga kwento ni lola, nakapaninindig balahibo lalo na at gabi, buwan lamang ang nagsisilbing ilaw. Nandito kami ngayon sa labas ng bahay sa tabing ilog. Tanaw ang bilog na bilog na buwan sa kalangitan at humahampas ang nagagalit na hangin sa aming mga balat. Naghuhurumentado ang tubig sa ilog at umiindak ang mga alitaptap sa saliw ng hangin. Maraming paniki ang nagpapaikot-ikot sa himpapawid at nagsisikaway ang mga puno ng niyog sa lakas ng hangin.

Ang aming baryo ay isa sa mga liblib na lugar sa aming bayan. Magubat at nakatatakot sapagkat hindi ito sakop ng modernisasyon. Ang nagsisilbi naming mga ilaw ay ang mga lampara, maaaring hindi kami maalam sa teknolohiya ngunit ang aming baryo ay hindi pinagkaitan sa likas na yaman. Maraming mga ilog at sapa na siyang nagsisilbing labahan at paliguan namin. Sa dami ng puno sa gubat ay marami ring bunga ng kung anu-anong prutas ang aming naaani. Ang tahanan ng bawat isa ay hindi gaanong magkakalapit. Sa dami ng puno at yamang-tubig na nakapaligid sa amin, iba't ibang hayop ang aming nakikita na sa aking pagkakaalam ay nanganganib nang maubos.

"Inang, tama na nga ang pagkukwento ng ganyan sa mga apo mo. Lahat ng iyan ay pawang sabi-sabi lamang, mga teoryang walang katotohanan," sabat ni ina. Napalingon kaming lahat sa likuran at nakita siyang papalapit, hudyat na kailangan na naming magsiuwi.

Si ina ay maalaga. Siya ay nasa ika-apatnapu't limang taon na ng kan'yang buhay. Mahal niya ako at ang ang buo naming pamilya, malimit nga lamang niya itong iparamdam. Maraming pangarap si ina para sa akin, lagi niya iyong ipinapaalala. Isa na roon, ang mailayo ako sa lugar na ito. Sa hindi ko malamang kadahilanan, ayaw ni ina na lumaki ako dito sa kinagisnan niyang baryo.

Anim na taon pa lamang ako nang iniwan na kami ng aking ama. Hanggang ngayon ay hinahanap-hanap ko pa rin ang presensya n'ya. Nangungulila pa rin ako sa kan'ya, sa bawat yakap at halik. Sa bawat pagpapatahan at pagpapagaan n'ya sa aking kalooban tuwing ako ay nalulumbay. Masakit balik-balikan ang mga alaalang paglipas ng panahon ay maaari kong malimutan. Napabalikwas ako nang maramdaman ko ang mga kamay ni ina sa aking balikat. Tila tinangay na rin ng hangin ang aking isipan.

"O s'ya sige mga apo, pumasok na kayo roon at madilim na rito sa labas," sambit ni lola. Dali-dali kaming nagsipasok ng aking mga pinsan sa aming tahanan, maya-maya rin ay susunduin na sila ng kani-kanilang mga magulang.

Si lola ang pinakamalapit na tao sa akin dito sa aming pamilya. Lahat ng bagay na nangyayari sa paaralan hanggang sa mga bagay na nararanasan ko ay sinasabi ko sa kan'ya. Si lola ay maalaga sa aking katawan at tunay na mapagmahal. May busilak siyang puso ngunit minsan ay naguguluhan ako sa kan'yang mga ikinikilos kapag papatak ang kabilugan ng buwan. Ang kanyang pagtrato sa akin ay tila ba isa akong prinsesa na napakahalaga. Bata pa lamang ako ay gusto n'ya akong pinapaliguan, ngunit ngayong pumatak na ang edad ko sa ikalabing-walo, hinayaan n'ya na akong mag isa. Ayokong mawalay kay lola, s'ya lamang ang nagpaparamdam sa akin ng aking halaga, ngunit darating ang panahon na ako ay aalis at magpapakalayo ayon sa kagustuhan ni ina, na kahit ako at si lola ay walang magagawa.

···

Isang araw, ako ay papasok na sa aming paaralan nang maramdaman kong may nagmamasid sa akin. Bumilis ang tibok ng aking puso. Unti-unting nag init ang aking katawan sa kaba. Nilagpasan ko ang mga puno't halaman, diretso lamang ang lakad habang palinga-linga. Makalipas ang ilang minuto ay binilisan ko na ang aking paglalakad, halos patakbo akong nakarating sa aming paaralan. Pawis at hinihingal.

Patak DugoTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon