AWTOMATIKONG napangiti si Martin nang lumabas mula sa pinto ng bahay ng mga ito si Camille. Matamis din itong ngumiti sa kaniya nang makita siya nito bago patakbong lumapit sa kaniya. Nang malapit na ito ay tumuwid siya ng tayo mula sa pagkakasandal niya sa bagong biling motorsiklo niya.
"Hi! Kanina ka pa?" nakangiti pa ring tanong nito sa malambing na boses sabay halik sa pisngi niya.
Niyakap niya ito bilang ganti at ngumiti. "Hindi naman," aniya rito. Tinitigan niya ito at masuyong idinugtong, "Happy anniversary Cams." Inabot niya ang bungkos ng pink roses na ipinatong niya sa motorsiklo niya at inabot dito. Binili pa niya iyon sa isang mamahaling boutique na pag-aari ng isa sa mga kakilala ng pamilya nila dahil alam niyang iyon ang paboritong bulaklak nito.
Tila may mainit na kamay na humaplos sa dibdib niya nang makitang bumakas ang pagkagulat at kasiyahan sa mukha nito nang abutin nito ang mga iyon. "Wow, thank you." Tumingala ito sa kaniya at matamis siyang nginitian. "Happy anniversary too Mart. Alam na alam mo talaga ang paborito kong bulaklak," sabi pa nito at niyakap siya.
"Of course. I know everything you like because I love you," maagap na sagot niya. Umangat ang kamay niya at masuyong hinaplos ang pisngi nitong namumula marahil sa kasiyahan.
Isang taon na ang nakalilipas nang maging pormal na mag-on sila. Magkaklase sila mula pa noong first year high school sila ngunit noong third year lang naging sila dahil isang taon muna ang pinaraan niyang hanggang tingin lang siya rito bago siya naglakas loob na ligawan ito.
Masayahin itong tao at kahit sino ay nginingitian at kinakausap nito kabilang na siya. Marami itong magagandang katangian na dahilan kaya nahulog ang loob niya rito. At ngayon nga, isang taon na silang magkasintahan at ang damdamin niya rito ay hindi pa rin nababawasan. Bagkus ay lalo pa iyong lumalalim. Halos lahat ng estudyante at maging mga guro sa pinapasukan nila ay botong-boto sa relasyon nila. Perfect couple ang tingin sa kanila ng lahat.
Kahit siya ay iyon ang pinaniniwalaan. Para sa kaniya ay perpekto sila ni Camille para sa isa't isa. Mahal na mahal nila ang isa't isa. Sa edad nilang walang kasiguruhan ang lahat ng bagay ay isa lamang ang pinaniniwalaan niya. Na habambuhay ay ito lamang ang babaeng mamahalin niya. Naiisip pa lamang niya na tatanda siyang ito ang kapiling sa buhay ay nagdudulot ng mainit na pakiramdam sa dibdib niya.
Tumawa ito. Para iyong musika sa pandinig niya. "I know. Dahil ganiyan din ako sa iyo. I love you so much too Martin."
Ngumiti siya at hinalikan ito sa gilid ng mga labi. "I know that."
Saglit silang nagkatitigan bago sila nagkatawanan. Napabaling ito sa motorsiklo niya at nanlaki ang mga mata. "Wow! Sa iyo ba iyang bike?" tanong nito.
"Yep. At ngayong araw na ito ay dadalhin kita kahit saan mo gusto sakay nito," aniyang tinapik pa iyon. "Huwag lang sana tayong makakita ng pulis at malalagot tayo. Baka mahalatang menor de edad pa tayo," pabirong sabi niya rito.
Himbis na matakot ay tumawa pa ito. Isa iyon sa mga gusto niya rito. She's always ready for adventure. "Tama. Basta wala tayong makasalubong ng pulis ay magiging okay tayo," nakatawang sang-ayon nito. Teka, ipapasok ko lang sa loob itong bulaklak ha?" paalam nito. Nang tumango siya ay patakbo na itong pumasok sa loob ng bahay ng mga ito. Pagkuwa'y patakbo ring bumalik sa kaniya. Ngumisi ito. "Ano? Tara na."
Saglit pa ay sakay na sila ng motorsiklo niya. Habang nasa daan ay nagtatawanan pa sila. Nakakaramdam siya ng kakaibang ligaya na nararamdaman niya itong nakasandig sa likod niya at nakakapit sa baywang niya.
Dinala niya ito sa beach resort na pagmamay-ari ng tito niya sa labis na tuwa nito. Masaya silang nakipaghabulan sa mga alon at nang mapagod ay magkahawak kamay na lumakad sa dalampasigan.
"Mart, tingin mo ba magiging ganito tayo forever? Tingin mo ba hindi tayo magagaya sa mga kaedad natin na maghihiwalay rin pag ka-graduate?" biglang tanong nito habang mabagal silang naglalakad.
Pinisil niya ang kamay nito at humarap dito. "Siyempre naman. Iba tayo sa kanila. What we feel for each other is real. At hindi iyon mababago kahit kailan."
Ngumiti ito. "E paano kung bigla akong mawala?" tanong nito.
Nanigas siya sa tanong nito. Alam niya na nagbibiro lang ito. Palagi itong nagbibiro ng ganoon pero tulad ng dati ay hindi niya nagustuhan ang tanong nito.
"Ayoko talaga iyang biro mong iyan. Ikaw lang ang mamahalin ko habambuhay Camille. At hindi ka mawawala sa akin. Hindi ko kaya," seryosong sabi niya rito.
Tumawa ito. Umangat ang kamay nito sa pisngi niya at magaang iyong hinaplos. "Ito naman joke lang galit na agad. That's just a hypotethical question," lambing nito.
Nagbuga siya ng hangin. "Kasi naman anniversary natin kung anu-anong sinasabi mo."
Ngumuso ito. "Nagtatanong nga lang."
"At sinagot ko na kaya tama na," mariing sabi niya.
"Pero mali naman ang sagot mo," giit nito.
Napakunot ang noo niya. "Paanong mali? I will love you forever mali ba iyon?"
Naging malungkot ang ngiti nito. "At sa tingin mo matutuwa ako kung ganoon nga ang gagawin mo kung nawala na ako? Hindi. Mahal din kita Martin. If I will die and leave you behind, gusto ko magmove on ka. Gusto ko humanap ka ng ibang babaeng mamahalin mo na kapantay o higit pa sa pagmamahal mo sa akin at magmamahal sa iyo ng higit pa sa ginawa ko. Gusto ko magiging masaya ka kahit wala ako."
Tuluyan na siyang nakaramdam ng inis. Binitiwan niya ang kamay nito. "I told you to stop this nonsense already! Hindi nakakatuwa!" galit ng sabi niya at tinalikuran na ito. Nagpatiuna na siya sa paglakad patungo sa motorsiklo niya. Nararamdaman niya ang pagsunod nito sa kaniya.
Tahimik na bumiyahe sila. Nararamdaman niya ang marahang pag-untog nito ng ulo nito sa likod niya pero hindi nya ito pinapansin. Makalipas ang ilang minuto ay malakas itong nagsalita. "Sorry na! Huwag ka ng magalit o," sabi nito. Nang hindi pa rin siya nagsalita ay ginalaw-galaw nito ang mga braso at kamay nito sa baywang niya.
Napaigtad siya sa ginawa nito. "Camille!" singhal niya rito. Ito lamang ang nakakaalam na malakas ang kiliti niya roon.
Tumawa ito. "Sorry na kasi!" anitong hindi pa rin tumigil.
Tuluyan na siyang natawa at nilingon ito. Nakangisi rin ito. "Bakit ba hindi ko magawang magalit sa iyo kahit isang oras lang?" sumusukong sabi niya.
"Kasi mahal mo ko!" sigaw pa nito.
Tumatawa pa ring ibinalik niya ang tingin sa kalsada. Nanlaki ang mga mata niya nang masilaw siya ng ilaw ng isang pajerong nagcounter flow. Kasabay ng malakas na pagbusina niyon ay mabilis niyang ikinambiyo ang motorsiklo niya paiwas. Narinig niya ang pagtili ni Camille sa likuran niya. Nakaiwas siya ngunit nawalan naman siya ng balanse. Magkahiwalay na tumilapon sila at ang motor niya sa gilid ng high way. Napaigik siya sa sakit ng impact ng pagbagsak niya sa sahig at ang pagkakauntog ng ulo niyang nakahelmet. Narinig niya ang paghinto ng pajero.
Nang maalala niya si Camille ay pinilit niyang dumilat upang hanapin ito ngunit dala ng hilo ay blurred lang ang nakikita niya.
"Diyos ko ang babata pa ng mga ito! Dalhin natin sila sa ospital dali!" tila galing sa ilalim ng balon na naririnig niya ang mga boses ng kung sinong mga lumapit sa kaniya.
Hindi niya pinansin ang mga ito at pinilit pa ring makakita. Nang may makita siyang bulto ng nakabulagta sa sahig di kalayuan sa kaniya ay pilit na nilakihan niya ang mga mata.
"Duguan iyong babae! Bilisan na natin at baka hindi na siya mabuhay," natatarantang sabi ng isa pang tinig mula sa malayo.
Nang luminaw ang paningin niya ay napagtanto nga niyang si Camille ang nakita niyang nasa kalsada. Nakapikit ito at nakabulagta di kalayuan sa kaniya. May dugo sa gilid ng mukha nito. Tila may sumipa sa tiyan niya sa nakita niya. Bigla siyang nakaramdam ng matinding takot. Pinilit niyang igalaw ang kamay upang abutin ito ngunit hindi niya magawa. Muli ring nanlabo ang isip niya at tila siya hinahatak sa kadiliman. Sa huli ay hindi rin niya napigilan ang pagpikit. Camille...
BINABASA MO ANG
TIBC BOOK 4 - THE LONE WOLF
RomanceThe moment Carrie saw Martin, she knew she was in love. Kaya ginawa niya ang lahat ng paraan para mapansin siya nito. Sa pagtataka niya, tila immuned sa charm niya ang guwapong binata. He always asked her to stay away from him. Pero isang bagay iyon...