NAPABUNTONG-HININGA si Stacy habang ipinilig ang ulo sa bintana ng sinasakyang taxi. Papunta siya ng Heaven's Light dahil inutusan siya ni Matthew na ibigay kay Dhen ang isang kahon na sa sobrang gaan ay ipinagtataka niya kung may laman ba iyon. Pero wala naman siyang balak alamin pa iyon, inutusan lang naman kasi siya. Isa pa, hindi siya gaanong nasasabik makita si Dhen. Sa halip ay kinakabahan siya na may kasamang kalungkutan.
Dalawang araw na ang lumipas simula nung pangyayari sa Club Octagon. Hindi nagpakita o nag-text man lang si Dhen sa kanya. Muli ay tinawag niyang tanga ang sarili dahil umasa na naman siyang tatawag ito sa kanya.
Ipinikit niya ang mga mata sandali at hinintay na lang ang pagdating niya sa Heaven's Light. Pansamantalang sarado ang bar sa ngayon dahil under renovation na naman ito. Gagawan kasi ng mini stage ang bar para may live band ng tutugtog gabi-gabi. Binili rin ni Matthew ang katabing gusali kaya mas lumawak ang area.
Malapit na siya sa Heaven's Light nang bigla na lang bumara ang trapiko. Napa-tsk tuloy siya. "Naku, mukhang may nagbanggaan yata sa unahan," sabi ng driver. Kagat ang labing napatingin siya sa kanyang relos. Pagkatapos ay ibinaling niya muli ang paningin sa labas ng bintana. Sa unahan ay nakikita niya ang kanto kung saan liliko para makapunta sa bar.
"Dito na lang ho ako, manong. Tutal, malapit lang naman ho dito ang Heaven's Light." Aniya at kumuha ng pambayad. Matapos makapagpasalamat ay umibis na siya at nagsimulang maglakad. Mahigit apat na minuto rin ang nilakad niya. Malapit na siya sa Heaven's Light at sa sandaling iyon, lumabas si Dhen mula sa bar. Ngunit hindi ito nag-iisa.
Napahinto siya sa paglalakad habang nakatingin rito at sa babaeng kasama nito. May kalayuan pa naman ang distansya niya ngunit nagtago siya sa life-size cardboard cutout ni Liza Soberano sa labas ng isang beauty and hair salon. Napadako ang tingin niya sa babaeng kasama nito. Hindi niya nakita ang mukha nito dahil nakatalikod ito. Kahit na naka-ponytail ang babae, nakita niyang may blonde highlights ang itim nitong buhok. Naka royal blue stiletto heels ankle boots ito na nababagay rin sa suot nitong navy blue high-waisted lace skirt at white button-up blouse. Huminto ang dalawa sa isang mesh silver BMW na naka-park sa tapat ng bar. Nakatalikod parin sa kanya ang babae at nakita niyang may sinabi si Dhen rito na may kasama pang ngiti sa mga labi nito. Tumawa ang babae pagkatapos ay niyakap si Dhen at hinalikan pa sa pisngi bago pumasok sa kotse.
Humarurot ang kotse palayo at nakita niyang kumaway pa si Dhen. Nang lumiko na ang kotse ay muli itong bumalik sa loob ng bar. Hindi siya nito nakita dahil nakatago parin siya. Ipinikit niya ang kanyang mga mata at humugot ng isang malalim na hininga. Umalis siya sa kinatataguan at tumabi sa cardboard cutout ni Liza.
Isa na namang malakas na sampal ang nakita niya. Kung hindi pa iyon sapat para matauhan siya, talagang siya na ang pinakatanga sa lahat ng tanga.
Sa mas lalong bumibigat na damdamin, tinungo niya ang Heaven's Light. Wala siyang nais gawin sa mga oras na iyon kundi ang maihatid na ang kahon para makauwi na siya. Pagdating niya sa pinto ay pinahinto siya ng dalawang bouncer na nagbabantay roon.
"Sorry, Miss pero temporarily closed ang Heaven's Light." Sabi ng isang bouncer sa kanya, sabay turo pa sa signage.
"Hindi kami magpapapasok sa ngayon." Wika naman ng kasamahan nito. Nasa dulo ng kanyang dila ang magtanong tungkol sa babaeng pinapasok nila na kasama ni Dhen kanina lang ngunit pinigilan niya ang sarili niya. Sa halip ay ngumiti siya sa mga ito.
"Alam ko. Actually, um, inutusan ako ni Sir Matthew." Itinaas niya ang bitbit na kahon. "Pinabibigay niya kay Dhen. Pero okay lang din sa 'kin kung kayo—"
"Teka, ikaw ba si Miss Stacy Perez?"
"Oo, ako nga." Sagot niya. Biglang napatuwid ng tayo ang dalawang guard at pagkatapos ay pumasok sa loob ang isa. Naguguluhan tiningnan niya ang naiwang guard. Inaasahan ba nila ang pagdating niya? Ngumiti sa kanya ang naiwang bouncer at kumurap na lang siya rito. Nilinaw niya ang kanyang lalamunan at muling nginitian ang bouncer. "Naiintindihan ko kung ayaw niyong magpapasok. Um, pakibigay na lang ito kay Dhen, please."
BINABASA MO ANG
Beautiful Imperfection [COMPLETED]
RomanceStacy knew better than to be friends with Dhen Justin because he's a bit of a playboy. Pero hindi parin niya napigilan ang sarili niya. Palabiro kasi ito at masaya siya kapag kasama niya ito. Isa pa, naniniwala siyang hindi siya ang tipo ng babae na...