"Good morning pilipinas, gising na si ganda!" Maligayang bungad ni Dolly sa umaga."Dolly, bangon na! Mamamalengke pa tayo!" Sigaw ng ina nito.
"Opo!" Agarang sagot nito at nagsimula ng mag ayos.
Siya si Dolly, ang panganay na anak ni Ysa. Halata sa ugali nito na masaya, para bang walang dinadalang problema. Siya ang tumutulong sa ina sa pag aasikaso sa mga nakababatang kapatid nito. Supportado din si Dolly sa lahat ng gusto niya kabilang na dito ang pagkakaroon ng kasintahan.
"Ma? May tanong po ako." Si Dolly habang naglalakad na sila sa palengke ng kanyang ina.
"Ano 'yon?" Ang ina nito habang namimili na ng gulay na bibilhin.
"Dati po ba, noong buhay pa si papa, madami ba siyang binibigay sa'yo?" Kuryusong tanong nito.
Saglit namang natigilan ang ina nitong si Ysa dahil sa tanong ng anak. Muling sumariwa ang alaala nito sa nakaraan. Nilingon ni Ysa si Dolly at nginitian.
"Oo, madami. Bulaklak, tsokolate, kahit anong regalo na alam niyang magugustuhan ng isang babae. Pero isa lang yung nagustuhan ko sa lahat ng binigay niya sa akin."
"Ano po 'yon?"
"Singsing. Ang iharap ako sa altar ang pinaka-nagustuhan ko sa lahat. Ang ibigay kayo sa'kin ang pinakamagandang regalong natanggap ko sa papa niyo." May ngiti sa mga labi nitong sabi.
Napaisip naman si Dolly sa sinabi ng kanyang ina. 'Magiging ganoon din kaya ang hahantungan namin ni Jeff? Parang malabo.' Tanong nito sa sarili.
Si Jeff ang limang taong kasintahan ni Dolly. Sa limang taon na magkasama sila, pansin niyang hindi pinapakita ni Jeff ang nararamdaman niya. Walang bulaklak, tsokolate at iba pa. Hindi naman sa naghahangad siya ng materyal na bagay na ibibigay sa kanya, ang gusto niya lang ay maranasan ang pakiramdam ng ibang kababaihan. Ang pagsilbihan at ipakita ng pagmamahal sa pamamagitan ng pagkilos.
Nang makauwi sila ng bahay ay agad niyang kinuha ang kanyang cellphone at tinawagan si Jeff.
"Oh? Napatawag ka?" Bungad ni Jeff kay Dolly.
"Malapit na yung monthsary natin, Love. Anong gagawin mo?" May halong kaba na nag tanong si Dolly.
"Wala. Ano bang dapat gawin?"
"Hindi mo ba ako bibigyan ng regalo? O kahit isang bulaklak man lang na napipitas sa gilid?" May halong pagka-dismaya nitong sabi.
"Puwede ba, Dolly? May ginagawa pa ako. Mamaya nalang natin yan pag-usapan. Ibababa ko na yung tawag. Bye." Huling sabi ni Jeff bago pinutol ang linya.
Para namang pinagsakluban ng langit at lupa si Dolly at dahan-dahang naupo sa kama nito. Tuloy-tuloy din ang pag bagsak ng kanyang mga luha habang tumatakbo sa isipan kung bakit nga ba nahantong sa ganito?
Dati ay hindi ganoon ang pakikitungo ni Jeff sa kanya. Ito pa mismo ang nauunang tumawag sa kanya at halos buong araw na silang magkausap. Walang sawang nagtatawanan sa telepono. Parehong masaya kapag nakikita yung isa't-isa. Pero sa paglipas ng mga araw, pagdaan ng mga taon, unti-unting nabago ang nakasanayan.
Ang dating tawanan ay naging sigawan. Ang dating saya, parang naging bangungot nalang. Bakit nga ba nahahantong sa ganoon ang sitwasyon? Bakit ba?
Naramdaman na ni Dolly ang paninikip ng kanyang dibdib kaya naman agad niyang kinuha ang gamot niya at ininom ito. Tama, may sakit siya sa puso. Alam ni Jeff 'yon, pero hindi niya maintindihan kung bakit ganoon pa din yung pakikitungo sa kanya ng taong dati ay naging pahinga niya.
Lumipas ang ilang araw, napag-isipan ni Dolly na lumabas at bilhan ng regalo si Jeff para sa monthsary nila. Alam niyang magmumukha siyang tanga kasi siya lagi yung nagbibigay ng regalo at kung ano-ano. Pero kahit ganoon man ang isipin ng ibang tao, mas gusto niya pa din pakinggan ang sarili niya at dahil na din 'yon ang gusto niyang gawin kahit na wala siyang matanggap gaya ng dati.