Chapter 1

13 3 0
                                    

Chapter 1

"Hindi, hindi," natatawang ani Tita Vina. "Hala! Nahuli tuloy ako."

Natatawa ko siyang hinarap. Ngayon ay nakahalukipkip na siya habang masama ang tingin sa'kin. Naglalaro kasi kami ng Bad Ice Cream sa y8, isang gaming site, online. Nahuli siya ng kalaban kaya ako na lang ang kailangang umubos ng prutas.

"Next game, buhay ka na, Tita!"

Si Tita Vina ang nag-iisang kapatid ni Mama. Ang kwento ng namayapa kong Lola, espesyal siya dahil hindi nila inaasahan ang pagdating niya. Eighteen years ang agwat nila ni Mama at dahil matanda na si Lola nang ipagbuntis siya, nagkaroon siya ng komplikasyon sa pag-iisip.

Pinag-aral pa si Tita Vina noon at pinag-therapy kaya naman hindi na masyadong mahirap na alagaan siya. Nakakausap siya at may alam rin sa gawaing bahay. Ang totoo nga ay nakapagtrabaho pa siya sa isang restaurant noon na eksklusibo para sa mga espesyal na gaya niya. Hindi siya bayolente gaya ng iba. 'Yon nga lang, minsan, bigla-bigla siyang nag-tatantrums at umiiyak.

"Gusto ko maglaro!" Malungkot na aniya, parang bata.

Nang lingunin ko siya, nangingilid na ang luha niya. Imbes na maawa sa itsura niya, nangiti ako nang makita ang mukha niya. Magkamukha kasi kaming dalawa. May ibang features lang ako na nakuha kay Mama. Sabi ni Mama, si Tita Vina raw kasi ang napaglihian niya nang ipagbuntis niya 'ko.

Natutuwa rin ako kay Tita Vina dahil kahit na mas matanda siya, para pa rin akong may nakababatang kapatid kapag nandito siya. Sa bahay pa rin kasi nila Lola siya nakatira, kasama si Ate Marie na nag-aalaga sa kaniya.

Agad akong nagpa-dead sa laro para mabuhay na rin ang karakter na gamit niya.

"Yehey!" Agad siyang ngumiti at nagpatuloy sa laro.

Ngumiti na lang rin ako at nailing sa inasta niya. Naka-ilang laro na kami nang tawagin kami ni Mama.

"Haya! Vina! Baba na, kakain na!" Sigaw niya mula sa baba.

Agad naman kaming tumalima. Pagkapatay ng computer ay agad umabrisyete sa'kin si Tita. Halos magkasing-tangkad lang kaming dalawa. Mukha nga raw kaming magkapatid, sabi ng iba.

'Kaya mahal na mahal ko 'to, eh.'

Pagka-baba namin ng hagdan, kakapasok lang rin ni Papa. Agad naman siyang dinaluhan ni Mama at inabutan ng isang basong tubig.

"Kamusta ang biyahe mo?" Tanong niya.

Jeepney driver si Papa, habang si Mama, umeekstra sa pagiging mananahi. Kapag may kailangang costume nga ang dance troupe namin, sa kaniya na nagpapagawa.

"Ayos lang, medyo nabawi rin 'yong painampalit ng gulong." Sagot ni Papa saka hinalikan ang ulo ng nakangiting si Mama.

Napangiti na lang rin ako. Siguro sa iba, nakakailang na makitang 'sweet' pa rin sa isa't-isa ang mga magulang nila. Pero ako, wala akong ibang hihilingin kundi ang makita silang ganito hanggang dulo.

"Hi, Pa!"

Nakangiti naman akong sinalubong ni Papa. Inakbayan niya 'ko matapos kong mag-mano.

"Kamusta ang prinsesa ko?" Nanunuyang tanong niya.

Awtomatiko ang pag-ngiwi ko sa sinabi niya.

"Prinsesa? Pa, korni na po." Sambit kong tinawanan lang niya.

"Oh, hi Vina! Kamusta ka?" Bati ni Papa kay Tita.

"Okay lang, Kuya!" Nakangiting aniya. "Kuya, naglaro kami ng baby ko!"

Natawa na lang ako sa sinabi ni Tita. Sabi niya kasi, baby niya raw ako. No'ng bata raw kasi ako, sabi ni Mama, kamukha raw ako ng manika niya kaya niya 'ko tinatawag na baby niya.

Dance Of Ours (Ours Series #1)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon