"Kamusta ang pag-aaral anak?"
"Ayos lang po, ma" Peke akong ngumiti.
Tumawa si mama. "Sabi naman namin sa iyo Veronica, ang kursong 'yan ang nababagay sayo, tingnan mo at kaunting kaunti nalang magtatapos kana"
Apat na taon.
Apat na taon na nga ba ang nasayang ko?
Kung pinili ko lang sanang ipaglaban ang gusto ko, siguro hindi ganito ang pinag-daraanan ko ngayon.
Kung mas inisip ko lang sana ang sarili ko... pero wala eh. Ganon ko sila kamahal.
"Opo, kinakaya ko po para sa inyo. Alam kong dito kayo masaya." Mapait akong ngumiti na siyang hindi napansin ni mama.
"Sige na anak, baka wala ka ng masakyan. Ingat ka sa biyahe mo at tumawag ka palagi."
"Salamat po."
Nagsimula na akong maglakad palabas sa aming eskinita upang maghintay ng masasakyan.
Napabuntong hininga ako. Lagi nalang ganito. Hanggang dito na lang ba talaga ang kaya ko?
Sana'y mas nagtiwala lang sila sa akin.
Sana.
Isa't kalahating oras din ang biyahe para makapunta sa unibersidad na aking pinapasukan. Pribado ito at alam kong mahal ang matrikula dito. Hindi ako scholar. Lahat ay binabayaran ng mga magulang ko magmula sa matrikula, libro, tirahan at sa mga iba ko pang gastusin. Hindi biro ang mga ito kaya lahat ng aking makakaya ay ginagawa ko. Hindi man ako masaya ngayon, pero alam kong darating ang panahon na matatanggap ko rin ang lahat ng ito, na baka nga hanggang dito nalang ako.
Pagdating sa aking dorm ay agad kong inilabas ang aking mga uniporme at linagay sa hanger. Pagkatapos ay nagbihis na rin ako at kumain sa isang canteen sa baba ng building na ito.
Bago matulog ay ginawa ko muna ang mga kailangan kong gawin para sa klase namin bukas ng sa ganoon ay maiwasan kong kabahan lalo na sa klase ni Atty. Ibarra.
Index card, ang bangungot naming mga BSA students. Hindi biro ang kursong ito, taon taon ay pakonti na kami ng pakonti. Tila ba kami'y mga dahon sa puno na paunti unting nalalagas sa paglipas ng panahon. Maswerte na ako at umabot pa ako sa pang limang taon.
Pagkatapos mag-aral ay nahiga na ako, gusto ko nang matulog pero heto na naman ang utak ko. Paulit ulit nalang. Gabi gabi nalang bang ganito? Gabi gabi nalang ba akong magtatanong sa sarili ko?
Masaya ba ako?
Kuntento na ba ako sa ganito?
Paulit ulit na katanungan na hindi ko masagot sagot. Oo, sa kaloob looban ko ay alam ko ang sagot, pero ang mga kasagutang ito ay ang hindi ko maamin-amin sa aking sarili.
Hindi ko maamin dahil natatakot ako. Natatakot ako na baka sa oras na aminin ko ito sa aking sarili ay bigla akong sumuko. Paano ang mga pangarap sakin ni mama at papa? Ayaw ko silang mabigo. Ayos na sigurong biguin ko ang sarili ko, na isantabi ang mga kagustuhan at kaligayahan ko para sa ikasasaya ng mga tao sa aking paligid.
Ganoon naman talaga ako diba, laging kong iniisip ang kaligayahan ng iba, ang kapakanan ng iba. Pero kahit minsan ba naisip ko ang pansarili kong kasiyahan? Kahit minsan ba ay inisip ng mga tao sa paligid ko ang nararamdam ko?
Hindi.
Kahit kailan ay hindi.
Ang sakit ng katotohanan. Ang saklap harapin ng realidad.
---
Kinabukasan ay maaga akong gumising para sa 7am class ko kay Atty. Ibarra. Tatlong oras nanamang kalbaryo. Ayaw na ayaw ko sa subject na ito, pero may choice ba ako?Kung sanang meron.
Nagmadali ako sa pag ligo at sinuot na ang aking kulay puting uniporme. Hindi ito yung pinangarap kong suotin pero dibale na, basta masaya sina mama at papa.
Pagpasok ko sa klase ay saktong pagdating din ng aking seatmate na si Jea. Kaibigan ko siya mula pa noong freshmen year.
"Goodmorning, Ver!" Masaya niyang bati. Sana all masaya ang gising!
"Morning" Inip kong tugon.
"Ito naman lunes na lunes oh!" Sabay tulak niya sa aking braso. Nagsalita pa siya nang nagsalita ngunit wala talaga akong gana na makipag usap ngayon.
Natigil si Jea sa pagsasalita nang narinig namin ang yapak ng paa papasok sa aming silid.
Parang akong napako sa aking inuupuan nang pumasok si Kathleen.
Anong ginagawa niya dito?
Bakit siya nandito?
"I'm here to give the work that Atty. Ibarra left. She have an appointment with the cases that she's handling, that's why." Inilagay niya sa mesa ang libro kasama ang papel na naka ipit dito at sandaling pinalibot ang kanyang mga mata sa buong silid na tila ba may hinahanap.
Yumuko ako para hindi magtama ang aming mata.
"Where is your class president?" Saad niya.
"Here" Sabay turo ni Jea sa akin.
Pumikit ako ng mariin.
Hindi pa akong handang harapin siya dahil pag nakikita ko siya ay bumabalik lahat ng alaala ng nakaraan.
"Oh..." Hindi ko siya nakikita pero halata sa kanyang tinig ang pagkagulat din.
Ilang segundo ba ang lumipas nang magtaas ako ng tingin at hudyat nito ang pagtatama ng aming mga mata.
Tatlong nakakakilabot na segundo ang lumipas ay bumitaw ako sa titig at hinarap ang kaibigan kong hindi man lang napapansin ang nangyayari.
Bakit pa siya bumalik?
Ano nanaman bang balak niya?
"Just... tell your blockmates about this." Itinuro niya ang libro.
Hindi ako tumango, nananatili ang pagkabalisa sa katawan ko. Hindi ko na rin napansin ang pag labas niya sa aming silid dahil samut-sari na ang laman ng utak ko ngayon.
Wala na siyang masisira sa buhay ko dahil sirang sira na ako. Durog na durog na. Hindi ko nga alam kung bakit hindi na ako namanhid, bakit patuloy parin akong nakakaramdam ng sakit.
Sa tatlong oras na iyon ay wala akong ginawa kung hindi tumulala. Natapos ko na ang trabaho na iniwan ni Atty. Hindi ko alam paano ko natapos yon pero hanggang ngayon ay tuliro parin ako.
Pero hindi ko dapat nararamdaman ito, dahil una palang ay binigay ko na ang gusto niya. Noon palang pinaubaya ko na ito.
Kamusta na kaya siya? Galit parin ba kaya siya sakin?
Kahit mahirap ay binitawan ko siya, ang pinaka-mamahal ko. Kahit masakit ay bumitaw ako sa pagkaka-kapit.
Alam kaya niya yon? Alam kaya niya ang tunay na rason? Kung hindi, napatawad na ba niya ako? Ano man ang kasagutan ay wala na akong magagawa.
Sumunod lang ako sa dikta ng mga tao.
♡ac.
YOU ARE READING
We Can Never Go Back (On-Going)
RomanceSa mundong puno nang panghuhusga at puno nang pagdidikta, saan ka lulugar? Veronica, a BSA student from Fairview. Buong buhay niya ay wala siyang ibang ginawa kung hindi magsunod-sunuran sa dikta ng mga tao patungkol sa kanyang buhay, magmula sa pa...