DALAGA 43❀

16.3K 1.5K 1.3K
                                    

Oops! Ang larawang ito ay hindi sumusunod sa aming mga alituntunin sa nilalaman. Upang magpatuloy sa pag-publish, subukan itong alisin o mag-upload ng bago.



MABUTI na lang ay bago pa mamurder ng kapitbahay namin ang mukha ko ay dumating si Auntie Emily noong araw ng graduation ko.

"Nandito na ang maganda, tabi, tumabi kayo at ako lang ang may karapatang magpaganda sa batang 'yan!" sabi ni Auntie pagkapasok na pagkapasok sa loob na animo'y artista sa suot niyang black dress at shades.

"Emiliana! Nakakagulat ka naman!" bulalas ni Mamang na inaayusan ni Ate Melai. Siyempre, hindi pahuhuli si Mamang kailangan daw nakapustura rin siya sa araw ng graduation ko.

"Ako pa ba, mawawala sa eksena, mother dear?" turo pa ni Auntie sa sarili at muling tinaboy 'yung kapitbahay na mag-aayos dapat sa'kin.

"Auntie! Buti nakapunta ka!" bati ko sa kanya at akmang magbe-bless pero hinawi niya 'yung kamay niya, ayaw nga pala ng bruha na 'to na pinagmamanuhan dahil nakakatanda raw, eh matanda naman na siya.

"Of course!" pansin ko na may hawak siyang maleta. Binaba niya 'yon sa gilid at sinimulan akong ayusan.

Hapon gaganapin 'yung graduation namin, pinagsuot kaming mga babae ng white dress at pinatungan ng puting toga. Nag-arkila si Auntie ng taxi papuntang school, talagang sinabi niya na ayaw daw niya kasi mainitan.

Pagdating namin ng school ay madaming tao, hindi ko alam mararamdaman ko noong mga sandaling 'yon pero nangibabaw 'yung tuwa kasi buhay na buhay ang paligid. Mabuti na lang at hindi gano'n kainit ang araw dahil sa court gaganapin 'yung graduation, presko rin 'yung hangin dahil marami-rami ang puno.

"Remiiiii!" kaagad akong sinalubong ng yakap ng dalawang bruha, kasama si Honey siyempre. Simula kasi nang magbati kami noong swimming party ay hindi na ulit siya humiwalay sa'min.

"Si Corra?" tanong ko sa kanila.

"Ayun, busy ang ate mo girl, eh," sagot ni Aiza. Oo nga pala't isa si Corra sa mag-ispeech mamaya dahil Salutatorian siya ng aming batch.

"Picture taking na muna!" At ayon na nga'y bago magsimula ang event ay napakadami na naming larawang kinuhanan. In fairness kay Auntie dahil may dala siyang digicam.

Nakakatawa nga kasi noon ko lang nakita 'yung ibang parents ng mga kaklase ko, 'yung iba hindi mo suka't akalaing mama's boy pala, iyong iba naman ay simple lang, may mga magulang na sobrang bongga ang get up. Basta halo-halo ang mga tao ngayon dito, may mga bata pa nga na nagtatakbuhan, 'yung iba may dalang sanggol na hindi tumatahan.

Nakakatuwa kasi ang daming gustong makasaksi ng simpleng pagtatapos namin sa hayskul. Kahit na sabihing hayskul pa lang 'to parang proud na proud na 'yung ibang mga magulang.

Naalala ko tuloy bigla... Kahit na wala akong nanay at tatay, palaging sila Mamang at Papang ang kasama ko noong kinder at elementary graduation ko. Ngayon, wala na si Papang pero dumating ulit sa buhay namin ang bruha kong Auntie. Sabi nga sa kanta, pana-panahon ang pagkakataon.

Dalaga na si RemisonTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon