Kabanata 2

27 5 3
                                    

Kabanata 2

Lungkot at panghihinayang ang namamayani sa mabigat at malamig na puso ni Finn habang nakatitig sa isang litrato sa loob ng frame na hawak-hawak niya. Mag-isa siyang nakaupo sa kaliwang bahagi ng pasimano ng durungawan, nakasandal sa hamba, nakabaluktot ang mga tuhod na may di-kalayuan sa isa't isa, suot ang padyama na bahagya ang pagkakulay asul katulad ng tubig-ulan na dumadaloy sa salamin na bintana. Kapares nito ang naaakma niyang puting sando na yari sa koton at halos dumikit na sa mabilbil niyang tiyan.

Larawan nila ni Sebastian ang nasa frame. Ngiting-ngiti si Sebastian na nasa kaliwa. Suot niya sa litratro ang kanyang maabong knitted beanie, nakahapay ang bangs ng chin-length na buhok niyang itim. Kalahati ng katawan lamang ang kinunan kaya hindi makita ang suot niyang pang-ibaba maliban sa komportableng damit niyang itim. Nakaakbay siya kay Finn na nasa kanan niya. Umaagos sa likuran ang naka-pigtail na buhok ng batang si Finn, may puting kuwelyo ang bestidang kulay-rosas. Nakalantad ang iilang bulok na ngipin niya sa harapang itaas; gayon pa man, matamis at totoo ang inosenteng ngiti niya sa larawan. Kinunan ang litrato noong magdadapit-hapon sa harapan ng isa sa mga natitirang buhay na puno sa disyerto ng Old Vanity, sampung metro ang distansya sa kanila. Ang tawag nila ay Blossom Cure. Kapansinpansin ang bagong bukadkad na maliliit na puting mga bulaklak sa tuktok ng napakalalim na berdeng mga dahon ng nasabing puno.

Habang pinagmamasdan ni Finn ang litrato ay tila pinapanood na rin niya ang mga karanasan niya at ang dating siya, na parang isang pelikulang medyo romantiko ang tema.

Si Finn Fortich ay isang Forlonian-Macabrean at ipinanganak sa Old Vanity, Macabre. Doon siya nag-aral mula una hanggang ikapitong baitang. Sa Old Vanity niya rin nakilala si Sebastian na dati lamang ay minamaton ng mga bully na kaklase noong nasa ikaapat na baitang pa lamang sila. Si Finn ang nagtanggol kay Sebastian noong mga panahon na iyon dahil hindi man lang siya makapagsalita kahit tinutuyaan na, dinuduro, binubuhusan ng pintura. Lubhang mahina, walang lakas ang batang si Sebastian. Araw-araw na nangyayari ang pambu-bully sa kanilang eskuwelahan, na parang isang normal lamang na eksena sa mga biktima. Kahit ang katotohanan ay sawangsawa na sila rito ngunit ano ang kanilang magagawa, laging malakas sa mata nila ang mga mapaghari at mapanamantalang kaiskuwela. Mabuti na lang, sa buhay ni Sebastian ay may isang Finn Fortich ang dumating na parang superhero character na nagliligtas ng mga nasa panganib.

Pagkatapos ng iyon, napagdesisyunan ni Finn na makipagkaibigan kay Sebastian upang may kasama na ito at may tumindig at tumulong sa kanya sa oras na paglaruan ito muli ng mga bully.

Nangako rin si Finn na hinding-hindi niya iiwanan si Sebastian kahit ano pa man ang mangyari.

Kumapit si Sebastian sa pangako na iyon hanggang sa umabot na sa puntong pinlano na nila ang kanilang mga pangarap sa buhay, pinag-usapan ang mga gusto nila pero sa huli, sa hustong araw ng paglipad ni Finn paalis sa Old Vanity, lahat ng mga pangako at plano ay kusang napako at nasira. Ni isa sa kanila ay walang may gustong mangyari ang bagay na iyon. Malay nilang sasapit ang masaya at puno ng pangarap na pagkakaibigan nila sa isang malungkot at malabong ugnayan.

Musmos at laging magaan ang balikat ni Finn noong bata pa siya. Walang mga bagaheng kailangang araw-araw na idiskarga. At sa isang iglap lang, tumambak ang mga maulap, malaki at malalalim na mga tanong sa kanyang buhay. Madalas siyang nakaupo o natutulog kasama ang kalungkutan at pagsisisi. Mga buti na lang, paano kung, bakit, at kung puwede lang sana.

Kung iiklian, siya iyong sinasabi nilang overthinker.

Naaalala niya pa rin ang mga maliligayang araw, nagagalak na emosyon noong mga nakaraan. Puno ng tawanan, ligaya at kalayaan. Ang kulay ng bawat segundo. Walang humpay na halakhakan. Mga planong siniguradong matutupad pero hindi, walang nangyari.

The Lonesome TravelerTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon