Kabanata 1
Iba't iba ang hugis ng mga binhi. May hugis-itlog. Bilog. At hugis-puso ngunit hindi eksaktong kahugis ng isang puso. Sa kabila ng pagkakaiba, kapag sila ay namumukadkad o gumagapang upang mamuhay sa isang halaman na dulot ng sinag ng bagong araw o umaga, iisa lamang ang hatid nito sa mga tao— magandang regalo at preskong liwanag pagkatapos ng mga mapapait at madidilim na kahapon.
Parang tagsibol.
Sa iba, pag-asa ang dala ng panahon ng tagsibol. Buhay na buhay ang mga kulay ng bawat aspeto sa mundo. Halaman. Hayop. Lugar. Mga tao— maliban sa dalagang si Finn Fortich.
Ang panahon ng tagsibol kay Finn ay tila isang sumpa. Tuwing dumarating ang oras ng pagsibol ay nalulungkot ang dalaga. Sobrang mahamog upang unawain ang kanyang kinalalagyan. Tila pabaliktad siyang naglalakad sa buhay na nilalakbay niya ngayon; kung hindi naman, katulad ng paminsan-minsan niyang iniisip, ganito na talaga ang mundo, may kinikilingan.
Ngunit maaari ring ganito ang nararamdaman niya tuwing tagsibol ay dahil sa isang tao na kanyang naiwan at iniwan sa estado ng Old Vanity ng bansang Solid States of Macabre— ang bansa na akala niya ay kailanman ay hindi niya lilisanin.
Sariwa pa rin sa memorya ng dalaga ang araw na iwanan niya si Sebastian Dwayne, ang dati niyang matalik na kaibigan. Iniwan niya sa eksaktong pagsisimula ng panahon ng tagsibol noong 1982.
Napagpasyahan ni Finn na bago magtapos ang panahon ng tagsibol sa taong 1995, kasalukuyang taon, ay gusto niyang makita ulit si Sebastian. Mahagkan. Mayakap. At masabi kung gaano siya katagal nangulila sa kaibigan.
Higit sa lahat, nais niyang humingi ng kapatawaran sa mga hindi nila pagkakaunawaan, mga pagkukulang at, kung mayroon man, pati na rin sa mga kuwento ni Sebastian na hindi niya napakinggan dahil kanyang ipinagsawalang-bahala sapagkat hindi niya maintindihan. Hindi niya inintindi dahil akala niya, hindi niya mararanasan o mararamdaman. Isang araw.
Kung hindi siya makahihingi ng dispensa sa kaibigan, habang buhay niyang dadalhin ang bigat na iyon. Ayaw naman niyang ilulan sa kanyang buhay ang bagahe ng pangungulila hanggang sa kanyang huling hininga.
Hindi maitatago na nakakulong pa rin sa puso at alaala ni Finn ang mapait kahit maliit na alitan nila ni Sebastian na isa sa mga dahilan kung bakit hindi niya maramdaman ang tunay na saya kahit pa naabot na niya ang isa sa kanyang mga pangarap— ang makapagtapos sa pag-aaral.
Nagtapos siya sa kursong Business Administration Major In Human Resource Management. Ang pangkat nila sa taong 1995 ang pinakanauna at matagumpay na nagtapos sa bagong tayo na institusyon na kanyang pinapasukan.
Maraming mga magulang na dumalo maliban sa mga magulang niya. Hindi nila sinulpot ang pinakaimportanteng araw ng kanilang anak, ang araw na lahat ng mga kolehiyo ay pinapangarap na maabot sa loob ng apat na taong pagsusunog ng kilay.
Isa siya sa mga mapalad na nakapagmartsa at nakatanggap ng diplomang pinaghirapan niya bilang kolehiyala. Ngunit dahil sa hindi pagdalo ng kanyang dalawang magulang sapagkat abala raw sa kani-kanilang trabaho sa opisina, palagay ni Finn ay siya na ang pinakamalas na tao sa buong daigdig.
Nalungkot at nasaktan ang dalaga sa naganap ngunit kailangan niyang pigilan ang pagtulo ng luha kahit gustong-gusto na niyang umiyak sa harapan ng publiko. Ayaw naman niyang pagtinginan, pag-usapan at kaawaan siya ng mga tao kaya pinanatili niyang pribado ang bigat na pinapasan.
Pagkatapos ng opisyal na pagpoproklama sa Graduates Of Batch 1995, isang masigabong palakpakan ang umalingawngaw sa loob ng maalinsangan at malamlam na himnasyo ng unibersidad, at kasalungat naman ito sa nararamdaman ni Finn. Subali’t kahit ganoon, nagpatuloy pa rin siya maliban sa paghagis ng sumbrero ng toga sa ere na katulad ng ginawa ng kanyang mga kapulutong. Niyakap niya ang sumbrero ng toga habang hinahanap ang kanyang ama at ina sa mga taong nakaupo sa bleachers. Kahit isa o anino man lamang ng dalawa ay hindi natagpuan mula sa pagsisimula at katapusan ng seremonya.
BINABASA MO ANG
The Lonesome Traveler
AdventureHanggang ngayon ay nakakulong pa rin sa puso at alaala ni Finn ang mapait na kahapon at alitan nila ng kanyang best friend na si Sebastian- isa sa mga dahilan upang hindi niya maramdaman ang tunay na saya kahit pa nakamit na niya ang tagumpay na kan...