Kabanata 5

15 4 0
                                    

Kabanata 5

Inilukob ng manipis na hamog ang salaming bintana. Humuhulas ang patak-tubig na tila pinagpapawisan ang salamin. Katulad ng nakaugalian, nakaupo si Finn sa pasimano nito. Tulala. Lubog ang kalugurang sumubok ng kahit anong gawain. Hinahayaan ang mga bagay na dumaloy sa paraang gusto nito. Dahil kung sa paraang gusto niya, laging baliktad ang resulta. Hindi rin sumulpot sa High School Grand Alumni Homecoming ng kanilang batch tatlong araw na ang nakalilipas. Tuluyan na niyang ibinasura ang interes niya sa mundo. Nalimas ang sikap niyang habulin ang mga bagay na gusto at nais.

Laging puyat. Hindi makatulog sa gabi. Dilat hanggang sa pagsilip ng bukang-liwayway. Hindi na umeepekto sa kanyang katawan ang mga gamot na pampatulog. Tila namanhid ang mga ugat, at ang dugo ay nagmistulang tubig na inimbak lamang sa katawan.

Madalas na binubuhay ng mga liriko ng iilang partikular na kanta ang trauma niya kahit matagal na panahon na ang lumipas. Ganoon man, hindi niya maitigil ang pakikinig sa mga tunog-trahedyang musika kahit nakasasakit na ito ng damdamin dahil ang pagdaramdam niya sa lungkot, minsan, ay nagpapatunay na buhay pa siya ngunit bahagyang humihinga.

Minsan kanyang hinihiling na sana ay patay na siya upang matapos na ang pagdurusa at hindi na maramdaman ang matinding bakante ng kanyang miserableng pag-iral. Kaya madalas niyang baon ang paranoyd na idelohiya tungkol sa pagkitil ng kanyang buhay katulad ng pagsabit ng sarili sa lubid, pagtalon sa tuktok ng mataas na gusali, bumulusok sa malalim na parte ng karagatan o maglagay at magkasa ng baril sa kanyang sentido.

Dumagdag pa sa pasan ni Finn ang araw na nakita niya ang dalawa niyang magulang, may iba-iba na silang pamilya. Noong araw na iyon, nasaksihan niya mismo ang kanyang daddy na nilapitan ng isang batang babae na nasa edad anim, kasama ang isang dalawampu’t tatlong taong ginang na nakapalda ng luma at mapusyaw na dilaw na damit na may disenyong tungkos ng kulay-lilang bulaklak. Tinawag ng batang babae ang daddy ni Finn ng, “Papa.”

Nanghina si Finn. Hindi maatim ng kalooban niya ang natagpuan. Mas lalo, hindi makapaniwala nang ilipat niya ang tingin sa kaliwang kalayuan at natanaw ang mommy niya na inaalalayan ng isang business tycoon na lalaki pababa sa perron ng baranggay hall. Pinagbuksan ng pintuan ng magarang puting kotse saka humalik sa pisngi ng lalaking kasama. “Thanks, hon.”

Pinagtagpi-tagpi ni Finn ang lahat ng mga nangyari magbuhat noong bata pa siya. Kaya hindi nakadalo sa seremonya ng pagtatapos niya ang kanyang mga magulang dahil may iba silang pinagkakaabalahan. Hindi tungkol sa negosyo o kompanya sa halip ay ibang tao, ibang pamilya na lihim na nabuo ng bawat isa sa kanila. Lingid sa kaalaman nila na unti-unti nilang tinatanggal ang kasiyahan ng nauna at sariling anak.

“How?” walang kalatoy-latoy na tanong ni Finn sa sarili, mga titig ay blangko.

Noong nalaman niya ang tunay na rason ng lahat, hindi niya kayang umupo lang sa tabi, magrelaks at tumahimik dahil sa kanyang isipan ay mayroong napakaraming kumakatok na mga isyu, nagkandabuhol-buhol na pag-aalala, at halo-halong inisyal na mga reaksyon.

Marami.

Ngunit ngayon, bakante na. At ang bakante na ito ang mas mabigat. Kailangan niyang pumuksa at tigibin ang puwang na nagtatago sa kanyang dibdib.

Malubay niyang iniangat ang katawan, nakatungo, ikinukubli ng iilang hibla ng buhok niya ang mukha, isang hita at apak ay nakapatong sa isa pa, nakalatag ang nanlalantang mga daliri ng kamay sa kutson. Sa ikalimang pagkakataon ay muling sumayaw ang telepono sa indak ng pagaw na telembang nito.

Ayaw niyang sagutin pero tila importante. Napilitan siyang ibaba ang mga apak sa malamig na manilimnilim na pulang kahoy na sahig at tinungo ang puting telepono sa tabi ng bukana ng kuwarto. Itinapat sa kanyang tainga. Hindi siya nagbukas ng bibig, hinintay niyang magsalita ang nasa kabilang linya.

“Miss Finn Fortich?”

“It’s me,” walang ganang sambit ni Finn. Ayaw na niyang pakinggan ang sinasabi ng isang tao sa kabilang linya ngunit nang marinig niya ang salitang embassy ay tila unti-unting nagliwanag ang kanyang pakiramdam.

Ang consular na nag-interview sa kanya sa embahada ang kanyang katawagan. Sinabi ng consular na inaprubahan ng embahada ang kanyang aplikasyon sa visa dalawang linggo pagkalipas. Hindi namamalayan ng dalaga na mahigpit na siyang nakahawak sa telepono dahil sa tuwa. Muli siyang nabuhayan.

Naisip niya, ito na, the long wait is finally over.

Sa wakas, makakalabas na rin siya sa kanyang comfort zone na mas lalo lamang nagpapahirap. Mapupuntahan niya na rin ulit ang bansang matagal na niyang nais na malanghap ang klima na masarap.

Kahit na wala pa siya roon, naiisip na niya ang napakagandang kapaligiran ng Old Vanity. Naaamoy niya na rin ang lumang kabanguhan ng nasabing lugar. At higit sa lahat, magkikita na rin sila ni Sebastian.

“Sana,sambit ni Finn sa isipan.

The Lonesome TravelerTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon