Kate POV
Isang masangsang na amoy ang bumungad sa'kin. May kadiliman sa sala pero alam kong naiwan kong nakabukas ang ilaw sa sala...ngunit patay na ngayon.
Bumalik ako sa kwarto para kunin ang cellphone bilang pang-ilaw. Sinundan ko ang masangsang na amoy na'yon at napadpad ako sa harap ng lumang pinto. May bakas rin ng dugo pero mapapansing may katagalan na.
May kwarto pala dito.. ba't di ko napansin kanina?
Sinubukang kong buksan ito, gumagalaw naman ang sedura kaya alam kong hindi ito naka-lock sa loob... Pero bakit hindi ko magawang buksan? Paulit-ulit kong inikot ang kamay ko sa sedura pero hindi ko magawang buksan.
"Hinanda kita ng ulam, hindi pa kayo kumakain hindi ba?"
Natigil ako nang marinig ko ang boses na 'yon sa kusina. Pinaliit ko ang mata upang tingnan ang oras sa relo ko, kailangan ko pang tutukan ng ilaw 'yon para makita ang oras.
It's 12:00 midnight..
Nasa kalagitnaan ako ng paglalakad nang biglang mamatay ang ilaw ng hawak kong cellphone.
Dead bat!
"Kumain ka pa, masarap 'yan. Ako ang nagluto.."
Hindi ko ma bosesan ang nagsasalita, hindi ko rin alam kung sino ang kinakausap niya. Nasa kwarto si Jane at mahimbing na natutulog nang iwan ko siya kanina. Naisip kong hindi pa pumapasok ng kwarto si Myrl mula kanina kaya siya siguro ang tao sa kusina.
Tanging ilaw sa kusina ang nagsisilbing gabay ko sa paglalakad. Habang papalapit ay mas lumalakas ang boses na 'yon. Maingat kong dinampi ang palad sa pader upang hindi makagawa ng ingay. Bahagyang umawang ang pinto.. doon ko pinagkasya ang mata ko upang masilip ang nasa loob.
Isang nakaputing babae ang unang bumungad sakin. Bahagya itong nakatalikod mula sa gawi ko, ngunit ang nakaagaw ng pansin ko ay ang damit niyang duguan... Nagmistulang kulay pula ang puti niyang daster dahil sa dugo... Tumutulo pa ito sa sahig at... Malansa!
"Kate!"
Napaigtag ako nang pasigaw akong tawagin ni.... JANE!!
Nanlaki ang mata ko at unti-unting dumako ang paningin ko sa naka daster hanggang mapunta sa pinto kung saan ako lumabas kanina. Isinara ko 'yon at nakabukas ang ilaw pero bakit...PATAY NARIN??
napalunok ako. Nagsimulang kumabog ang dibdib ko. Namuo ang agam-agam sa isip ko. Ramdam ko rin ang pamamawis ng palad at noo ko...malagkit!
Iniwan ko sa kwarto si Jane kanina at alam kong siya yon! Hindi ako pwedeng magkamali. Pero paanong nakabukas ang pinto at patay ang ilaw? Hindi rin pwedeng si Myrl ang kasama ko kanina dahil alam kong hindi pa siya pumapasok mula noong mamahinga kami..
Pero..nasan si Myrl?
"Kate, halika na! Hindi kaba nagugutom? Heto at pinaghanda tayo netong si ate ganda!" Malakas at masayang anyaya niya.
Napalunok ako, hindi ko magawang tingnan ang babae pero alam kong nakatalikod parin siya...at tahimik na sinasandok ang mapula ngunit maitim-itim na sabaw sa mangkok.
Hindi ako gumalaw kaya bumaba si Jane para hilain ako at pinaupo sa tabi niya. Nakayukong hinawakan ko ang kamay niya nang mahigpit... May mali...
Alam ko, may mali...
Wala kaming kasamang pumasok kanina! Wala ring bakas ng kamay sa makalawang na sedurang 'yon! Ngunit sino to?
Walang mag-aabalang magluto nang ganitong oras!
Tumikhim ang babae. "Ikaw si Kate? Na kwento ka ni Jane kanina.." huminto siya sa pagsasalita. Mula sa gilid ng aking mata ay nakita kong nagsandok siya ng kanina at...sabaw..
"Huwag kang mahiya, masarap 'to..." Marahan niyang tinulak papunta sa'kin ang mangkok na may konting kanin at...sabaw..
"Ate ganda, ang sarap mong magluto! Kanina pa ako nagugutom. Walang pagkain sa kusina kanina kaya hindi kami nakapagluto... Saan mo nga pala 'to nakuha? Uhh, ano nga palang pangalan mo?" Madaldal, sunod-sunod na tanong ni Jane.
Kumunot ang noo ko sa isang bagay na umagaw ng atensyon ko mula sa sinasandok niyang sabaw. Pinagmasdan kong mabuti ang galaw ng kamay niya pati narin ang laman ng malaking mangkok...nag-uusap silang dalawa ngunit hindi ko magawang pagtuunan sila ng pansin.
"Ang linis ng duster mo, ate ganda. Ikaw ba ang naglalaba?"
Nanlaki ang mata ko at umawang ang labi nang sa ikalawang pagkakataon ay muli niyang nasandok ang..DALIRI! Hindi ako pwedeng magkamali! Kumabog ang dibdib ko at nanginginig na inangat ko ang tingin sa babaeng duguan na nasa harap namin..
Namuo ang pawis sa noo at buo kong katawan nang unti-unti niya akong lingunin. Halos mahulog ako sa inuupuan ko nang ngumisi ito dahilan para masilayan ko ang itim at sira-sira niyang ngipin.
"Ang ganda mong ngumiti, ate ganda!" Muling papuri ni Jane.
Napalunok ako, nangatog ang tuhod. Tama ba'to? Ako lang ang nakakakita na duguan ang damit niya at ang maitim at sira-sira niyang ngipin!
Nanginginig na bumaling ako kay Jane..
"Jane.. a-anong kulay ng sabaw na ulam mo?" Kinakabahang tanong ko.
"Kulay adobo 'to. Daliri ng manok lang ang meron sabi ni ate ganda, masarap naman kaya ayos na.."
Sa puntong 'yon ay hindi ko magawang iangat muli ang tingin sa babae. Napalunok ako at nahihirapang huminga. Inabot ko ang kamay ni Jane at mahigpit na hinawakan.
Nanginig ang labi ko dahil sa kaba..
"J-jane, halika na.." sinubukan kong ngumiti at hilain siya ng mahina. Hindi ko pinakitang kinakabahan ako.. ayaw kong mapansin niya ang napapansin ko..
"Hindi pa ako tapos, kumain muna tayo.."
Tumindig ang balahibo ko nang maramdaman ang malamig na hangin mula sa aking batok.
"Jane! Halika na!"
"Kat-"
"Hindi pa tapos kumain ang kaibigan mo..."
Muling nagsalita ang babae pero hindi ko pinansin.Patuloy kong kinukumbinsi si Jane na lumabas sa kusinang 'yon pero hindi siya nakinig.
"Halika na, Jane ano ba!!"
"Wag ka namang bastos Kate.. ma ooffend si ate ganda sa ginagawa mo e, masarap naman ang luto, tikman mo.."
Kusang tumulo ang luha ko nang mapagtantong hindi ko siya mapipilit. Naihilamos ko ang palad ko dahil sa inis.
"Kate..."
"H-hindi siya tao, Jane! A-ang s-sabaw.. nakita ko, hindi 'yan daliri ng manok! Daliri ng tao 'yan, Jane!"
"Ano bang sinasabi mo?" Nagsimula narin siyang mainis.
Umiling-iling lang ako. Hindi ako pwedeng magkamali... Hindi nakikita ang dungis ng babaeng to kaya hindi niya rin makita ang totoong anyo ng daliri sa adobong sinasabi niya.
"Gutom yata ang kaibigan mo, Jane..." Mula sa mahinhin na boses niya kanina ay biglang naging magaspang iyon sa pandinig ko.
Hindi lang pala damit ang nag-iiba, pati ang boses niya ay nagsisimula naring magbago!
"Ako si... Ziya... Anong sinasabi mong hindi ako tao?" Tumawa ito.
Siguro ay napakaganda ng dating ng pagtawa niya para kay Jane, pero kabaliktaran ang naririnig ko. Nakakatakot, magaspang at tila hinukay sa lupa ang boses niya...
"Daliri ng kaibigan niyo 'yan, masarap diba, Jane?"
"Hindi nga ako kumakain neto dati dahil nandidiri ako, kung ganito naman pala kasarap ang daliri ng manok...sana tinikman ko na noon pa!" Tumawa ito at sumabay ang babae sa kanya.
Wtf?!
YOU ARE READING
Abandoned University [On Hold]
Horror✞︎ History Repeats itself ✞︎ Started: September 21, 2021 Finished: