tula

3 0 0
                                    

Hindi ako marunong magsulat ng tula
Hindi kasi ako kagaya mong magaling sa salita
wala akong gayumang dala
na pwedeng ibahid sa bawat metapora
pero tinuruan mo ko kung paano
paghalu-haluin ang mga kataga
at ibuhos dun ang malalalim na nadarama
"Gaya ng pagmamahalan natin, sabi mo
ang tula parang Ganito lang yan"
parang luto ni Mama
kahit paulit-ulit di ka magsasawa
parang tubig dagat na malinaw
mistulang paraiso na abot tanaw
parang ngiti ng crush mo
nakakapanghina ng tuhod
parang puting sampaguita
simpleng ganda ay magdadala ng saya
parang higpit ng yakap nating dalawa
di na mahahanap pa sa iba
Hindi ako marunong magsulat ng tula kagaya mo
pero tinuruan mo ko kung paano
paglaruan ang mga paksa
at gamitin ang 'storya ng buhay ko
malungkot man o masaya
kusang bubuhos lang naman ang mga salita
pag nasimulan ko na

pero aaminin ko na
wala naman akong natutunan sa turo mo
nakatitig lang ako sayo at umo-oo
sarap mo kasing tignan na seryoso sa pagtuturo
kahit di ko naman kailangan ang mga tulang yan
dahil ikaw palang, sapat na

Sa paglipas ng panahon, isa, dalawa, tatlong taon
Kahit wala naman akong natutunan sa'yo non
tignan mo ko ngayon
nakakagawa ng daan-daang tula
kabisado na nga kahit nakapikit ang mga mata

Oo, wala akong natutunan sayo
pero nakasulat ako
ng mga hinaing ng puso
simula nung iwan mo 'ko
Ito pala ang ibig mong sabihin non
Nung sabi mo
"Gaya ng pagmamahalan natin ang tula Ganito lang yan"
Parang luto ni Mama
kahit gaano kasarap napapanis, nasisira
Parang tubig dagat na malinaw
lalabo pag dumi ang nangibabaw
Parang ngiti ng crush mo
na naglalaho pagdating sa'yo
Parang puting sampaguita
pwede nang itapon pag 'la ng kwenta
parang yakap nating dalawa
pag pinagsawaan na, pwede na palang  ibigay sa iba
Magaling ka nga pala sa mga salita
kahit wala ng gayuma, nakuha mo 'ko
ang galing mo
pero lahat ng yon di ko pinagsisisihan
at kahit di mo pansin kung may natututunan ako mula sayo
eto ako oh
nakakapagsulat ng mga katagang
di ko alam kung nanggaling sayo
o sa mga pangako mong napako lang
Hindi ako marunong magsulat ng tula
pero dito ko ibubuhos lahat ng luha
hanggang sa maubos na rin ang lungkot at mapalitan ng saya
maibalik ang galak
hanggang sa makalimutan ko na
ang masasaya nating ala-ala
salamat sa pagiging parte ng 'storya ko
dahil sa paksang 'to may naisulat ako,
kahit ako pala yung pinaglaruan dito

hanggang dito nalang
at dito ko nalang iiwan
kasabay ng mga letrang ikaw ang nagsimula
sa tulang ako na rin ang magwawakas.
Hanggang sa huli at sana wala ng muli,
Paalam

-HD

Deepest Part of the OceanWhere stories live. Discover now