Isinandal ni Sherin ang bike sa puno ng mangga. Ito ang paboritong resting spot niya sa tuwing magbibike. Sa itaas ng malaking puno ay merong tatlong malalaking sanga na ang hugpungan ay waring isang natural na upuan, muka iyong malaking pugad kaya hindi siya natatakot kahit mapaidlip doon. Nasa gilid iyon ng farm to market road pero hindi naman nakakatakot tumambay dahil sa kabilang bahagi ng kalsada kung nasaan ang manggahan ay puro kabahayan. At isa pa, mababait naman ang mga tao sa lugar nila.
Pero ang plano niyang pag-akyat sa puno ay naantala nang mapansing may pocketbook sa tabi noon. Tumingin siya sa paligid pero wala naman siyang nakitang ibang tao. Nagkibit-balikat siya, dinampot ang pocketbook at inipit sa pagitan ng baba at leeg saka umakyat sa puno. Nang maayos na siyang nakaupo sa favorite spot ay saka niya binasa ang cover ng pocketbook.
Sweetheart Series. Martha Cecilia.
Binaliktad niya at binasa ang teaser. Interesting. Wala naman siyang gagawin at magpapalipas lang ng oras kaya pwede niyang ubusin iyon sa pagbabasa.
Halos kalahati na ng pocketbook ang nababasa ni Sherin nang mapansin niya ang babaeng dumating at nagpapaikot-ikot sa mga puno ng mangga, waring may hinahanap. Nang mapansin nito ang bike ay tumingala.
"Hello," anito na may alanganing ngiti sa labi. Nakapuyod ang kulot na buhok nito pero may ilang maliliit na ringlets na nakapalibot sa bilugang mukha. Sa tantiya niya ay kaidaran niya ito.
"Hi!" ganting bati ni Sherin.
"Ahm. May nakita ka pang pocketbook dito? Sa ate ko kasi 'yon. Hiniram ko lang at tiyak na magagalit iyon kapag nalaman niyang nawala," bakas ang pag-aalala sa maamong mukha nito.
Itinaas ni Sherin ang hawak, "Ito ba?"
Gayon na lang ang lumarawang tuwa sa mukha nito, "'Yan nga! Naku! Buti dito nalaglag at buti ikaw ang nakakuha!"
Muling inipit ni Sherin ang pocketbook sa pagitan ng baba at leeg saka siya bumaba ng puno, iniabot iyon sa babae na kaagad dinala ang pocketbook sa tapat ng dibdib. "Malalagot ako kay ate kung nawala ito. 'Di pa naman niya alam na hiniram ko."
Napangiti si Sherin, "Ayos 'yon, ah. Humiram na hindi alam ng hiniraman."
Napangiti rin ito, "Nagsabi naman ako kaso ayaw ako pagbasahin ng ganito nina mama at ate. Bata pa raw ako at may mga mature scenes na raw sa mga ganitong kwento."
"Kung ayaw pala nila, bakit ginagawa mo pa rin?"
Nagkibit-balikat ito, "Wala lang. Masarap kaya magbasa. Yung feeling na kahit saglit ay ibang tao ka. Nakakaboring din kasi ang buhay dito sa probinsiya. At least sa mga pocketbook, nailalagay ko ang sarili ko sa mga bidang babae. Basta. Iba ang feeling kapag nagbabasa. Masaya."
Tumango si Sherin. Sa saglit na oras na nabasa niya ang pocketbook ay nalibang na siya. Ang totoo ay nanghinayang nga siya at hindi na niya malalaman ang katapusan ng kwento. Interesting pa naman.
"Kaso ayaw talaga nila kaya napilitan akong maglihim at humanap ng ibang reading place. Hindi pwede sa bahay. Share kasi kami ng room ni ate. At magagalit iyon kapag nakitang nagbabasa ako ng pocketbooks niya. Anyway, salamat, ha."
"Walang anuman. Ako nga pala si Sherin. Ikaw? Anong pangalan mo at taga saan ka? Weekly ako napasyal dito pero ngayon lang kita nakita. At kung tama ako, hindi ka sa national high school nag-aaral. Hindi kasi kina nakikita."
Muli itong ngumiti, "Ako si Sabrina. Sa J. Rizal Street kami nakatira. Sa Liceo ako nag-aaral. Doon kasi nagtuturo si Mama."
"Nice meeting you," aniya na iniabot ang kamay dito. "Hindi naman sa nagpe-feeling close ako, pero feeling ko, magiging mabuting magkaibigan tayo." Bakas sa mukha nito ang pagiging mabait at approachable.
BINABASA MO ANG
Cheatmate (COMPLETED)
RomanceClassmates Series Book 2 The tomboy and the playboy. Best Buddy. Best friends. 'Yan sina Sherin at Vince noong high school. Pero hindi akalain ni Sherin na ang babaeng ipinakilala niya kay Vince ang magiging dahilan nang pagkasira ng pagkakaibigan...