Lumunok si Sherin, "Kung si Tatay ang kailangan mo, wala dito. May tumawag kanina pero hindi nasabi sa akin kung sino at kung saan siya pupunta. Hindi ko rin alam kung anong oras uuwi."
"Ako ang tumawag kay Tatay kanina. Nasa amin siya, nirerepair ang elf truck na pangdeliver ng buhangin," anito na humakbang palapit.
Kasabay nang pagliit ng distansya sa pagitan nila ay ang paglakas lalo ng tibok ng puso ni Sherin. Marami na siyang naisulat na nobela at alam niya kung ano ang emosyong naglalaro sa mga mata ng kababata.
Kaagad siyang nagbawi ng tingin, naupo sa tabi ng pamangkin at kinandong ito. Kailangan niyang lumikha ng pananggalan para hindi muling makalapit sa kanya ang binata. Hindi na dapat maulit ang saglit na pagkalimot niya noong birthday ni Fatima.
Kinuha niya ang spider na laruan na ibinibigay sa kanya ni Philip. Pinihit niya ang knob saka ipinatong sa coffee table. Ang bata naman ay pumalakpak at tumawa nang gumalaw ang mga paa ng laruang gagamba. Bumaba ito sa kandungan niya at dinampot ulit ang laruan nang tumigil sa paggalaw, ibinalik sa kanya.
"Kakaalis lang nina Kuya Paul. Mag go-grocery. Para sure, mamayang gabi ka na lang bumalik." Lumuhod siya sa sahig, katabi ng pamangkin na busy pa rin sa laruang gagamba.
Mula nang dumating ang kuya niya ay lalong dumalas ang pagpasyal ni Vince sa kanila.
"Ikaw ang totoong dahilan kaya nag-volunteer ako na pumunta dito," anang binata na naupo sa tabi niya. Dumait ang hita nito sa binti niya at pakiwari ni Sherin ay may mumunting kuryenteng nanulay sa balat niya. "Ano ba kasi ang nagawa kong mali para naman maitama ko?"
"Kung hindi mo alam, 'wag mo nang alalahanin, Vicente." Bahagya siyang umusod palayo sa lalaki.
"Hanggang kailan mo ba ako iiwasan, She?"
"Ikaw, iniiwasan ko? Pinagsasasabi mo diyan?" Tumayo siya at inumpisahan damputin ang mga laruang ikinalat ng pamangkin kanina.
Bumuntong-hininga si Vince saka tumayo, "She..." Hinawakan siya nito sa kamay. "Mag-usap naman tayo."
"Ano bang palagay mo sa ginagawa natin ngayon? Di ba nag-uusap tayo?" Sinubukan niyang higitin ang kamay pero hindi siya binitawan ni Vince, bagkos ay hinigit pa siyang palapit.
Napasinghap si Sherin nang halos magdilit na ang katawan nilang dalawa, "'Yong matinong usapan, She. 'Yong hindi mo ako sinisinghalan o binabara."
Nang magtagpo ang paningin nila ay bakas ang pagsusumamo sa mga mata nito. Parang may bumukig sa lalamunan ni Sherin. Ang sinseridad at pakiusap sa mga mata ni Vince ay sapat para ilang segundo siyang mawalan ng isasagot.
"Ang daya mo. Di ba ihahatid kita? Twenty minutes lang akong umidlip, pagbaba ko, wala ka na."
Sinadya iyon ni Sherin. Matapos pirmahan ang mga pocketbook ni Fatima ay umuwi na kaagad siya kahit pinipigilan pa siya ng pamilya ng binata.
"Hindi ako magpapahatid sa'yo kasi lasing ka," ani Sherin, ang planong paglayo sa kababata ay hindi niya magawa. Kung noong pinagsamang cologne at alak ang nalalanghap niya ay waring nalango na siya, lalo na ngayong pinaghalong mint at cologne ang nalalanghap niya. Mas nakahahalinang amuyin ang binata.
"Hindi ako lasing noon, She. Alam ko ang ginagawa ko." Bumaba ang mga mata nito sa tapat ng labi niya. "Alam na alam ko," pabulong na dagdag nito.
Napalunok si Sherin. Lalong lumakas ang tibok ng puso. Sa isip niya ay nagkaroon ng pagdududa kung aling insidente ba ang pinag-usapan nila.
Sinubukan niyang umatras, pero hinigit siyang palapit ni Vince hanggang sa tuluyang maglapat ang katawan nila. Itinaas niya ang mga kamay. Pero nang lumapat ang mga palad niya sa dibdib ng kababata ay malimot niya ang planong pagtulak dito. Ramdam niya ang mabilis na tibok ng puso at nanunuod sa balat niya ang init mula sa katawan ni Vince.
BINABASA MO ANG
Cheatmate (COMPLETED)
RomanceClassmates Series Book 2 The tomboy and the playboy. Best Buddy. Best friends. 'Yan sina Sherin at Vince noong high school. Pero hindi akalain ni Sherin na ang babaeng ipinakilala niya kay Vince ang magiging dahilan nang pagkasira ng pagkakaibigan...