Chapter 23

835 61 20
                                    

"Anong ginagawa mo dito nang ganito kaaga?" bati ni Paul na unang nakapansin sa kanya pagpasok niya sa bakuran nina Sherin. Kausap nito ang panganay na kapatid.

"May usapan kami ni Sherin."

Biglang nagsalubong ang kilay ni Marvin, "Anong kailangan mo sa kapatid ko?"

"May pag-uusapan lang kami. Mahalagang bagay."

Nanliit ang mga mata ni Marvin, lumakad itong palapit sa kanya. Halos kasing taas niya si Marvin kaya nang tumayo ito sa tapat niya ay pantay lang ang mukha nila. "Kung balak mong ligawan ang kapatid ko, maipapayo ko sa iyong 'wag na. Wala akong tiwala sa iyo. Sasaktan at paiiyakin mo lang ang kapatid ko."

"Nililigawan ko na ang kapatid ninyo." Sinalubong niya ang tingin ni Marvin. "At kung may plano man ako, hindi ang paiyakin siya. Dahil oras na sagutin ako ng kapatid ninyo, kahit hindi pa nakatayo ang dream house ko, pakakasalan ko na kaagad siya."

Hindi ito sumagot, nanatili lang ang mapanuring tingin sa kanya.

"Oh, Vince, ang aga mo yata?" ani Tatay Mario na bagong labas ng bahay.

"Magandang umaga, 'Tay Mario. Si Sherin po?"

"Malamang ay nasa ilaya. Kaninang umaga'y naulinigan kong nagbukas na ng pinto at paglabas ko sa garahe ay wala ang bike," anang matandang lalaki na umiinom ng kape. "Nagkape ka na ba?"

"Hindi pa po," ani Vince. Hindi na niya nagawang kumain o magkape man lang sa bahay nila kahit pinipilit siya ng ina. Pagkaligo ay agad na siyang pumunta rito.

"Halika dito sa loob at makapagkape muna," anito na sumenyas pa sa kanya.

"Bakit siya inalok ninyo ng kape, bakit ako ay hindi?" bakas ang hinampo sa boses ni Marvin.

Kumumpas lang ang kamay ni Tatay Mario. "Kung gusto mo ng kape ay pumasok ka at magtimpla."

Pagpasok sa kusina ay nagkusa nang magtimpla ng kape si Vince. Hindi naman na siya bago sa bahay nina Tatay Mario kaya sanay na siyang kumilos dito.

"Hinahanap mo si Sherin? Hindi ba kayo nag-abot kagabi?" anito habang matamang nakatitig sa kanya.

Umiling si Vince, "Hindi po. Pero nagkausap po kami sa telepono. Sabi po ng anak ninyo ay ngayon kami mag-uusap." Humigop muna siya ang kape bago tumingin direkta sa mga mata ng matandang lalaking kaharap, "Tay Mario, alam ko pong alam ninyo ang totoong hangarin ko sa dalaga ninyo."

Ngumiti ang matanda, "Matagal ko nang alam, Vince. Ang hindi ko lang maunawaan ay kung anong nangyari at imbes na ang anak ko ang sinusuyo mo ay ibang babae ang laging nagiging katipan mo. Tuloy ay lalong lumayo sa iyo ang loob ng anak ko. At dahil sa pagpapatumpik-tumpik mo, mukang mauunahan ka pa no'ng sundalo."

Ang planong pagsagot ni Vince ay naantala nang makarining nang pagbukas ng pinto, kasunod ang tinig ni Sherin, "Ikaw, Cap? May cream at sugar din ba ang kape mo?"

"Black lang," anang tining na sigurado niyang mula sa labas ng bahay.

Nagsalubong ang kilay ni Vince. Kaagad niyang naibaba ang baso at dagling humakbang papunta ng sala. Muntik na niyang mabangga si Sherin na papasok naman sa kusina.

"Vince? Anong ginagawa mo rito nang ganitong kaaga?" bakas ang gulat sa mukha nito.

"Mag-uusap tayo, di ba?" Hinagip niya ang kamay ni Sherin saka lumingon sa ama nito, "'Tay, humihingi ako ng permisong umakyat sa bahay ninyo at pumasok sa kwarto ng dalaga ninyo. Kakausapin ko lang po ang anak ninyo."

Nang bahagyang tumango ang matanda ay lumakad na siya, hawak pa rin ang kamay ng dalaga.

"'Tay, may kasama ako sa labas. Kausap nila kuya. Makikiasikaso po muna," ani Sherin habang nakasunod sa kanya.

Cheatmate (COMPLETED) Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon