Ikaw ba tatay ko? V1.0

12 0 0
                                        

(Ito yung sequence treatment na sinubmit ni Jess kay Artie para sa Short film project na gagawin nila.)

Synopsis
Sa isang kanto sa may Kalaw, nakatambay ang isang pulutong ng pulubi, kasama ang isang mag-ina. Ang nanay ay isang batang babae na hindi tatanda sa disisyete anyos at ang anak naman ay anim na taong gulang na batang lalaki. Habang humihithit ng rugby ang nanay ng bata, ito ay naglakad papalayo upang ipagtanong kung sino ang kanyang tunay na ama. Nilakad niya ang buong Kamaynilaan at isa isa niyang tinanong ang bawat kalalakihang kanyang nakasalubong. Iba't ibang karanasan ang kanyang nasaksihan hanggang siya ay makarating sa simbahan ng Quiapo, kung saan dahil sa pagod at gutom, siya ay namatay.

SEQ1. EXT. Umaga. Sa isang eskinita malapit sa Kalaw Ave.

Isang grupo ng mga batang pulubi ang nag-ipon sa isang sulok. Lahat ay may maruming kasuotan. Kabilang dito ang isang pares ng mag-ina. Naglalaro kasama ng ibang bata ang batang lalaki habang ang nanay nito na hindi tatanda sa 17 ay kasama ang iba pang batang kalye na humihithit ng rugby o solvent na nakalagay sa isang plastik. Maya maya ay tumigil sa paglalaro ang batang lalaki at lumapit ito sa ina para humingi ng pagkain. itinulak papalayo ng ina ang anak na noo'y lango na sa solvent. Umiiiyak ang bata na lumakad papalayo. Fade to black.

SEQ2. EXT. Umaga. Sa may UN Avenue.

Maraming tao sa lansangan. Iba't ibang klase ng tao. May papasok sa opisina. may mga estudyante. Nakatambay sa tapat ng isang Xerox machine ang isang grupo ng mga nursing students. lumapit ang bata sa isa sa kanilang kasamahang lalaki. Kinalabit ito ng bata.

Bata: Ikaw ba tatay ko?

Estudyante (nagulat): Ha?... Hindi no. Hindi ako tatay mo...

Umalis papalayo ang bata na humihikbi. Kinantsawan naman ng mga kakaiskwela yung estudyante. Fade to black.

SEQ3. EXT. Umaga. Sa may San Marcelino St.

Medyo mainit na ang araw. Medyo kaunti na rin ang mga taong naglalakad sa lansangan. Nakaupo sa isang sulok ang isang mama na nagtitinda ng sigarilyo. Lumapit sa kanya ang batang lalaki.

Bata: Mama...Kayo po ba tatay ko?

Manong (Inis): Ano? baka gusto mong tsinelasin kita? Umalis ka nga dito, letse kang bata ka!

 Amabang hahabulin ng tsinelas ni Manong Yosi ang bata. Dali dali naman itong tumakbo papalayo.Fade to black.

SEQ4. EXT. Tanghali. Sa isang police outpost sa may Lawton.

Patuloy sa paglalakad ang bata hanggang marating niya ang isang police outpost. Naroon ang isang pulis na nakabantay. Nilapitan niya ito at tinanong.

 Bata: Mamang pulis...Kayo po ba tatay ko?

Mamang Pulis (Inis): Hindi ako tatay mo. Teka, batang hamog ka, no? Ipapadala kita sa DSWD...

Pagkarinig nito'y kumaripas ng takbo ang bata.Fade to black.

SEQ5. MONTAGE

Ipapakita ng montage na ito ang paglalakbay ng bata mula Lawton hanggang sa Simbahan ng Quiapo:

1. Isang magulong skwaters area. Naglalakad lang ang bata habang naglalaro naman ang iba pang mga bata. Magtatanong siya sa isang mamang nag-iinom sa kalye pero bubulyawan din siya nito. kakaripas ng takbo ang bata.

2. Isang construction site. Binigyan ang bata ng isang tinapay ng isang carpintero. Tinanong din niya ito pero umiling lang ito at hinawakan lang ang ulo nito.

3.Quezon Bridge. Naglalakad lang ang bata sa kahabaan ng tulay. Kinakain niya ang tinapay na bigay sa kanya ng karpintero.

4. Plaza Miranda. Nasaksihan ng bata ang nagaganap na isang magulong rally ng mga magsasaka  . Nagkaroon na ng batuhan at kumilos na ang mga pulis. Isang magsasaka ang tinamaan ng bato sa ulo at bumagsak ito sa tapat ng bata. Tinitigan ito ng bata at hinaplos ang duguang mukha.

5. Simbahan ng Quiapo. Dapithapon.
Pagod na pagod na humandusay ang bata sa tapat ng simbahan. Bakas sa mukha nito ang lungkot, gutom at pagod. Nawalan na ng malay ang bata

Fade to black.

SEQ6.  INT. Dream sequence. Simbahan ng Quiapo. Dapithapon.

Nagising ang bata na may katabing isang lalaking nakaputi. Naalimpungatan ito, habang ang lalaki naman ay nakangiti. Masigla na ang bata. Kinausap niya ang lalaki.

Bata: Sino po kayo?

Lalaking Nakaputi: Di mo ako nakikilala?

Bata: Hindi po.

Lalaking Nakaputi: Ako ang tatay mo.

Natuwa sa galak ang bata. Napansin niya na may sugat ang mga kamay nung Lalaking Nakaputi.

Bata: Ba't po may sugat kayo sa kamay?

Lalaking Nakaputi: Para sa iyo yan, anak. Tara na. Uwi na tayo.

Magkahawak na naglakad papalayo ang mag-ama. Fade to White.

SEQ7. EXT. Simbahan ng Quiapo. Gabi.

Pinagkakaguluhan sa labas ng simbahan ang labi ng isang anim na taong gulang na batang lalaki. Nakangiti ang bata. Fade to black.

                                                                                WAKAS

Say Yes Part One: Doing it all over againTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon