Kabanata IV

26 10 9
                                    

"Ganda naman ng dalaga ko." Inayos ni Eirene ang kwelyo ng uniporme ni Estella. "Unang araw ngayon kaya kailangan mong mag-ingat. Laging tatandaan—"

"Do your best and God will do the rest!" masiglang dugtong ni Estella. Kinuha na niya ang bag at dali-daling lumabas. Malapit lang ang school sa kanilang bahay kaya maaari itong lakarin.

Habang naglalakad ay may natanaw si Estella na pamilyar na tao. Mas binilisan niya ang lakad at tama nga siya. "Tonton?" Lumingon ang bata kaya nakumpirma niyang iyon nga ang kapitbahay nila.

"Estella?!" Nanlaki ang mata nito, gulat sa pagsulpot ng batang akala niya'y hindi na niya makikita pang muli. Nagulat si Este nang akbayan siya ng bata. "Uy, taga-rito ka pala! Bakit hindi mo sinabi agad? Bagong lipat ba kayo? Saan kayong banda?"

Nakaawang ang bibig ni Este, lito kung alin ba ang unang sasagutin. "Kapitbahay kita, kahapon ko lang nalaman."

Nangunot ang noo ni Tonton. "Talaga? Paano mo nalaman?"

Lumapit si Este at bumulong.
"Nakita kita kahapon, sumasayaw ka sa kwarto ninyo."

Nanigas si Tonton sa kinatatayuan. "Wala kang nakita, okay? Oh heto, ako magdadala ng bag mo." Aalma pa si Este nang kuhain na nito ang bag niya.

"Ang bait mo nama—"

"Tapos sa'yo itong bag ko, ano ka sinuswerte? Basta wala kang nakita.Tara na, bestfriend!"

"Inaanyayahan na pong pumunta ang lahat ng mga estudyante. Magsisimula na po ng Flag Ceremony."

Nagkatinginan ang dalawa nang marinig ang announcement. Ngumisi si Tonton na nagpakaba kay Este. "Paunahan sa oval!"

Kumaripas ng takbo ang dalawa, nagpapaunahan. Ngunit mas madaling nakatakbo si Tonton dahil de gulong ang sa kaniya samantalang kay Este ay backpack.
Tuloy ay naunang makarating si Tonton sa room malapit sa oval.

Hingal na naupo si Este, pinapaypayan ang sarili. "Madaya ka Tonton, mas mabigat ang dala ko. Sinadya mo 'to ano? O baka naman dahil Barbie ang design? Bakla ka ba?"

"Grabe ka sa'kin, Estella. Gusto ko lang naman bumawi. Saka oy, hindi ako bakla! May crush nga ako." Huli na ng mapagtanto niyang nadulas siya.

Tumayo si Este at lumapit kay Tonton. "Crush? Ano 'yon? Pagkain ba 'yon?"

Napaawang ang bibig ni Tonton saka humagalpak ng tawa. "Ang c--"

"Anong crush crush na pinagsasasabi n'yo? Pumila na kayo! Isa!" Napatalon sila sa gulat nang tumambad sa harap nila ang guwardya. Ibinaba nila ang kanilang bag sa kani-kanilang silid saka pumila.

Magkabukod sila ng pila kaya nakayuko niyang hinanap ang section Gold. Nang makita ang mga kaklase ay pumwesto na siya sa harap. May mga batang nagtatakbuhan kaya nagkalat ang alikabok, tuloy ay bigla siyang kinati. Nakita iyong mamula ni Sisay, kilala bilang maarte at maldita.

"Yak kadiri ang balat! Tabi nga kayo rito baka mahawa pa ako ng galis nito." Kahit nakatalikod ay alam niyang siya ang tinutukoy ni Sisay. Tuloy ay hanggang sa makabalik sila sa room ay tamlay siya.

Nang sumapit ang recess ay nagpaiwan lang siya sa room at gumuhit. Naramdaman niyang may umupo sa tabi niya pero hindi na siya nag-abala pang tingnan. "Oh, bihon, gusto mo? Hindi kita nakitang bumili sa canteen."

Nagulat si Este nang marinig ang boses ni Tonton. Nagutom siya sa narinig kaya naman binitawan niya ang pangulay at kinuha ang supot na may bihon. "Salamat."

"Oy may bayad 'yan. Ten pesos iyan pero ngayon 15 na."

"At bakit?"

Hinawakan niya ang kaniyang baba. "Plus 5 dahil pogi ang naghatid."

Nahirinan si Este sa kahambugan na narinig. "T-tubig," hiling nito habang kinakapos ng hininga.

Naalerto si Tonton dahil wala siyang tubig na dala. "Kukuha lang ako, hintayin mo ak--"

"O-oh." Naiilang na inilapag ng batang babae ang kaniyang baunan.

Napaawang ng sandali ang bibig ni Este ngunit agad ding kinuha ang tubig saka iyon nilagok. Nang umayos ang lagay ay nahihiya siyang ngumiti. "Salamat...Andeng?"

Nahihiya ring tumango ang bata. "Oo ako nga si Andeng. Ikaw si Estella 'di ba?" Inilahad nito ang kamay Este ngunit ibang kamay ang sumalo.

"Ako si Tonton, kaibigan ni Estella." Ngumiti pabalik si Andeng at kinalas ang pagkakahawak. Natawa ng mahina si Este at nailing. Narinig nila ang yabag ng mga kaklase nila, sunod ay ang kanilang guro.

Nawala ata sa isip ni Tonton na sa kabila ang kaniyang silid. "Mr. Zaldivar, bakit ka narito?" Ayan tuloy at natawag pa siya. Nagtawanan ang buong klase. Sa hiya ay kumaripas siya ng takbo ngunit sandaling huminto sa may pinto saka sinenyasan si Este na uuna na siya. Nanlaki ang mata ni Este at nahihiyang nagtakip ng papel sa mukha.

Nang matapos ang klase ay inimpis na niya ang kaniyang mga gamit.
"Ang bagal mo naman kumilos. Amin na nga." Inagaw ni Tonton ang hawak niyang lapis, siya na ang nag-impis noon.

Habang naglalakad sila sa hallway ay panay ang sulyap ni Este sa mga batang naglalaro ng chinese garter. Napangiti siya ng mapait nang makitang napagulong sila sa damuhan nang mapasala ang tapak. Napansin iyon ni Tonton kaya inakbayan niya si Este.

"Nakabusangot ka diyan? Tara bili tayong cotton candy." Tila nabuhayan ng sigla si Este sa narinig pero naalala niyang naubos na niya ang baong pera. "Ikaw na lang, Ton. Wala na akong pera."

"Edi ililibre kita! Tara!" masigla niyang sigaw at naunang tumakbo papalabas.

Pagkarating nila ay kumpulan ang mga bata sa may bunutan ng sisiw, ngunit ang nakaagaw ng pansin ay ang batang lalaki na akala mo'y nalugi nasa lotto. "Hindi ko nakuha ang sisiw, Bebang! Madaya si manong, nakailang bunot na ako pero wala pa rin!" Halos maglupasay na ito sa sahig. "Buti nga." Iyon lang ang sagot ng batang babae at naglakad papalayo.

Sabay silang naglakad pauwi ngunit sa unang kanto pa lang ay may humarang sa kanilang dinaraanan, tila ba tinambangan sila. Napapikit si Tonton dahil heto na naman ang mga batang nakaaway niya noon.

"Oh, mukhang masaya tayo Clinton ah. Sino ba iyang kasama mo, pinsan? O baka naman shota? Akalain mo nga naman."Kakaunti ang dumaraan sa lugar na iyon kaya malakas ang loob ng grupo ni Cesar. Pinalibutan nila ang dalawa. "Hindi ba at pinaalalahanan kitang kung sino man ang kasama mo ay madadamay?"

"Ayaw ko ng gulo, Cesar. Huwag na tayo mag-away pa at kalimutan ang nangyari. Kaibigan ko si Estella at huwag na huwag niyo siyang guguluhin,"seryosong pahayag ni Tonton na tinawanan lang nina Cesar.

"Paano kung gusto ko? Inuutusan mo ba ako? Nanay ba kita ha? Pwe!"Dumura ito sa gilid ni Tonton at inaya nang umalis ang mga kasamahan.

Nang makaalis ay saka lang nakahinga ng maluwag si Estella na kanina pa kinakabhan. "Sino sila, Tonton? Nakakatakot sila. Sasaktan ba nila ako?"

Agad na umiling si Tonton at tinapik ang balikat ng kaibigan. "Hinding-hindi ko hahayaan. Tara na oy, dapat kanina pa tayo nasa bahay. Baka sabihin masama akong impluwensiya sa iyo."

Pabalik-balik ang tingin ni Tonton sa kanilang bahay at bahay nina Estella. "Literal na kapitbahay! Magkalapit lang talaga tayo."Hindi pa rin talaga siya makapaniwala.
Lumabas ang ama ni Este na dapat ay hahanapin ang anak ngunit nang bumungad ay nakahinga na ng maluwag. "Akala ko may nangyari na sa iyong masama. Nakong bata, pasok na at ikaw tutoy...Tonton? Ikaw ang anak ni pareng Gideon?"

"Opo, ako nga."

"Ikaw iyong nasa playground hane? Umuwi ka na rin, baka nag-aalala na ang iyong papa. Os'ya, kami ay mauuna na. Estella, pasok."

Kumaway si Este bago pumasok sa loob habang si Tonton ay hindi maalis ang kabang nadarama dahil sa tinuran ni Cesar kanina.

Pinky Promise (Elementary Series#6) Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon