Kabanata X

20 4 15
                                    

CLINTON'S POV

Masaya akong naglalaro nang marinig ang hagulhol ni papa. Kaagad ko siyang nilapitan at tinanong kung anong nangyari. Sa panghihina ay nabitawan niya ang telepono kaya pinulot ko iyon at nakitang hindi pa tapos ang tawag. "Hello po?" bati ko matapos itapat ang telepono sa tenga.

"Clinton, ikaw ga iyan?"nabosesan ko si tiya Consing, ang nagbabantay kay mama.

"Opo tiya, si Clinton ho ito. Ano po ba ang nangyari? Bakit umiiyak si papa?"

Narinig ko ang paghikbi ni tiya bago sumagot. "Huwag ka sanang magugulat hijo..."

Sandali akong nabingi, parang gugustuhin ko na lang na mabingi. Walang pakealam sa paligid, tumakbo ako sa playground habang patuloy na umiiyak. Ilang minuto ang nakalipas ay may narinig akong batang umiiyak din, pero hinayaan ko lang. Napapitlag ako nang may kumuhit sa akin, siya iyon—ang batang umiiyak.

"Bakit ka umiiyak? Inaway ka rin ba nila? Tinapon din ba pencil mo?"

Namatay ang mama ko.

Wala na siya, wala na ang mama ko.

Para bang ginatungan niya ang sakit, lalo akong naiyak. Inalo niya ako at masasabi kong nakatulong iyon. Halatang mas bata sa akin at halatang mabait din siya.

"Ako si Este. Ikaw, anong pangalan mo?" Kung makangiti siya'y parang hindi humagulhol kanina.

"Tonton, a-ako si Tonton."

Una naming pagkikita, ang simula ng lahat.

"Pinky promise!"

Nangako kami na hindi namin iiwan ang isa't-isa. Masaya ako dahil natutupad namin iyon.

"Bakit mo tinapakan ang bulaklak?"

Inagaw ko ang bulaklak na dapat ay para sa kaniya. Hindi naman iyon totoo, nakita ko ang basil sa tangkay nito. Takot siyang tumakbo kaya napailing ako. Hula ko'y napag-utusan iyon ni Cesar. Sinaway ako ni Este pero nangako akong poprotektahan siya, anuman ang mangyari.

"Ang lampa mo naman! Kumakain ka ba ng gulay?"

"Sungit!"

Hindi kita sinusungitan, nag-aalala lang ako. Ramdam ko ang pagiging kuya sa'yo, ramdam kong kuya rin ang tingin mo sa akin.

"Tonton, ano ang crush?"

Oo bata pa tayo pero napaka-inosente mo, sobrang bait mo rin. Kaya ka sinasamantala nina Sisay dahil mapaniwalain ka. Kahit  ilang beses kang inaway, kahit ang hapdi ng braso mo, nagagawa mo pa ring ngumiti. Iyan siguro ang dahilan kung bakit kita hinangaan—hinahangaan.

"Sorry na..."

Pakiramdam ko'y tatalbog ang aking puso nang bigla mo akong halikan sa pisnge. Wala kang kaalam-alam kung ano ang epekto noon sa akin. Hindi ako nakatulog dahil tuwing pumipikit ako'y bumabalik lamang ang nangyari sa aking isipan.

Ilang buwan na lang at ga-graduate na kami ng elementarya, pero hanggang ngayon ay hindi ko pa nasasabing crush ko s'ya. Nakita ko kung paanong iniwasan niya ang mga lalakeng umamin sa kaniya, at ayaw kong matulad sa kanila. Isa pa, bata pa kami, saka na lang.

"Ton?"

"Hmm?"

Nililis niya ang sweater na suot at ipinakita ang braso. Napaawang ang aking labi. "Gumagaling na siya! Ang sabi ng doktor, maswerte raw ako. May mga kasong panghabambuhay pero meron ding gumagaling. Ang saya ko Tonton!" Sa sobrang saya ay hindi ako nagdalawang-isip na yakapin siya. Dama ko ang paghinto niya maging ang malakas na tibok ng puso kaya kumalas din ako agad.

Labing apat na taong gulang ako, samantalang siya'y labindalawa. Pareho kaming namulat sa kung gaano kapait ang mundo, pero ang kaibahan kay Estella, lagi siyang masigla. Kahit durog na durog na, nagagawa pa rin niyang pasayahin ang ibang tao.

Nagagalak ako dahil unti-unti nang ibinabalik ang lahat ng kabutihan niya. Hanga rin ako dahil hindi hadlang ang mga hamon sa kaniyang pag-aaral. Kilala na rin siya sa aming paaralan dahil inilalaban siya sa mga paligsahan sa pagguhit pati na rin sa ibang akademikong labanan. Dahil sa kaniya ay bumalik ang sipag at pagmamahal ko sa pag-aaral, kaya naman pareho kaming hindi nawawala sa mga may karangalan.
Naging aktibo rin ako pagdating sa sports lalo na ang basketball.

Naglalakad kami pauwi nang maisipan ko siyang tanungin. "Malapit na ang graduation natin. Anong gusto mong regalo?"

Nilingon niya ako na nakangiti bago muling humaral sa daan. "Wala na ata akong mahihiling pa. May masaya at mapagmahal akong pamilya, gagaling na ang sakit ko, maayos naman si Natnat, may mga kaibigan ako at syempre..."

"syempre...?"

Nanikip ang paghinga ko nang sakalin ako ni Este habang ginugulo ang aking buhok. "May isang Clinton Jace Zaldivar akong maaasahan anumang oras. Salamat sa pagiging fan ko!" Binitawan niya ako kaya napaupo ako sa lupa at tinakbuhan.

Fan? Isa akong fan?! "Kapag nahuli kita, lagot ka sa akin makita mo!"

Lalo kong binilisan ang pagtakbo pero mukhang natakasan niya ako. Huli ko siyang nakitang lumiko pero daan papuntang gubatan iyon at hindi sa aming lugar. Hindi niya kabisado ang daan dito!

Sa halip na hanapin siya para maghiganti ay hinahanap ko siya ngayon dala ng pag-aalala. Ako ngang buong buhay ay naliligaw, siya pa kaya.

Tiningnan ko na ang lahat ng posible niyang pagtaguan, pero wala. May naramdaman akong pumatak sa aking balikat, ilang sandali pa ay bumuhos na nga ang ulan. Buti na lang at may natanaw akong kubo sa hindi kalayuan kaya sumilong muna ako.

Saktong pagbukas ko ng pinto ay sigaw ng tila pamilyar na boses.

Aha! Huli ka!

Nakatayo si Estella habang may hawak na dospordos kaya naman hindi ko mapigilang matawa. "Alam mo bang kanina pa ako naghahanap? Bakit dito ka lumiko, alam mo namang maraming naliligaw rito?"

Kanina ay mabigat ang kaniyang paghinga ngunit unti-unti na iyong bumalik sa normal. Ibinaba niya ang kahoy ay naupo sa kawayang lamesa. "Basta ang nasa isip ko kanina, tumakbo. Malay ko bang dito ako dadalhin ng mga paa ko."

Mukhang matatagalan pa kami rito dahil lalong lumakas ang buhos ng ulan. Bigla pang kumidlat kaya napatalon si Estella sa lamesa at lumapit sa akin. "Takot ka sa kidlat?"

Itinulak niya ako ngunit nawalan ako ng balanse at humawa sa kaniyang kamay pero sabay kaming natumba.

Para kaming nasa pelikula, tipikal na pangyayari sa bidang lalake at babae.

Itinuon niya ang kamay para makatayo ngunit may nakita akong gagamba kaya hinapit ko siya pabalik, dahilan upang tuluyan siyang bumagsak sa aking dibdib.

Ilang pulgada lamang ang pagitan ng aming mukha, pero nagawa ko pa ring titigan ang kaniyang mga mata.

"Tonton..." Ang pagtawag niya ang gumising sa nahihibang kong utak. Kumawala na ako kaya agad siyang tumayo at nagpagpag. Ganoon na rin ang ginawa ko at naupo ng may distansya.

"Gagamba! May gagamba kanina sa may ulunan mo kaya kinuha ko muna, hindi natin alam kung may lason ba iyon o wala, baka kagatin ka." Nakailang sampiga na ako sa sarili sa aking isipan. Tumango si Estella, pilit na inintindi ang aking palusot.

Totoo namang may gagamba!

Nasa tapat na kami ng bahay pero paulit-ulit ko pa ring sinasabi ang tungkol sa gagamba. Nasabi ko na rin ang ilang kasaysayan ng mga kaso ng mga nakagat ng gagamba para lang makumbinsi siya pero tango lang siya nang tango.

Bago siya pumasok sa loob ay hinarap niya muna ako. "Sabi ni mama, less talk, less mistake. Andami mong sinabi Tonton, hindi ko tuloy alam kung tama ang iniisip ko."

Iniisip?

"Anong iniisip mo?" Nagkibit-balikat lang siya at pinagsarhan ako ng pinto. "Hoy, Estella! Ang daya mo..."

Para akong lantang gulay nang makauwi. Dumiretso ako sa kwarto at tinuyo ang ulo bago nagpalit ng damit.

Hanggang sa pagtulog ay iniisip ko pa rin kung ano ba ang tinutukoy ni Estella. Napabalikwas ako sa pagkakahiga nang may sumagi sa aking isipan.

Alam na kaya niya?

Pinky Promise (Elementary Series#6) Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon