Kabanata III

36 9 13
                                    

"Kumusta ang asawa ko?"

"Nagpapahinga, kuya. Siguro dulot na rin ng sobrang stress at pagod. Nabanggit na ba ni ate na pinagdamutan siya noong kasagsagan ng bagyo? Pasensya na kuya ah, pero kung masundan pa ang pangyayaring ito, hindi na kami mananahimik."

Nahihiyang tumango si Kiko. "Huwag kang mag-alala, Rye. Sisiguraduhin kong wala nang kasunod. Patawad."

Tumango si Rye at nagpaalam na magsasaing para sa hapunan.

Huminga ng malalim si Kiko at naupo sa tabi ng asawa. Hinaplos niya ang buhok nito at nilapatan nf halik sa noo. "Hindi kita pinakasalan para maranasan mo ang mga ito."

"Alam ko." Bumangon si Eirene at umupo. "Alam kong naiiba ka sa kanila."

Pinahiga ni Kiko ang asawa sa balikat at niyakap. "Napakaswerte ko sa'yo, mahal. Pero hindi makabubuti para kay Natnat na manirahan dito at napalilibutan ng mga taong hindi nakaiintindi sa kaniya."

"Anong ibig mong sabihin?"

Kinuha niya ang kamay ni Riri at minasahe. "Nakausap ko ang nanay. Napag-isip-isip kong lumipat tayo sa Polillo at manirahan kasama ang mga taong tanggap ang ating anak. Alam kong doon, mas mapapanatag ang iyong kalooban at isa pa, nakausap ko ang kaibigan ko noong high school. Kukunin daw niya akong electrician ng ipapatayo niyang resort doon."

Napatitig si Eirene sa asawa. Hindi niya inaasahan ang naging pasya nito. Maluha-luha niyang niyakap ang asawa na niyakap din siya pabalik. "Mahal na mahal kita, Kiko."

Lalo pa niyang hinapit ang asawa. "Mahal na mahal ko kayo...sobra."

Kinabukasan ay ipinaliwanag ng mag-asawa kay Este ang kanilang biglaang paglipat.

Humugot ng hinga ang kaniyang mama saka hinawakan ang kamay ni Este. "Doon na magta-trabaho ang papa, anak, kaya kailangan nating lumipat doon."

"Lipat? Aalis po tayo, mama? Paano po ang mga kalaro ko? Malapit na rin po ang pasukan." sunod-sunod niyang tanong.

Ngumiti si Eirene. "Maiintindihan mo rin, anak."

Hindi nga nagbibiro si Eirene nang sabihing lilipat na sila sapagkat heto sila ngayon, nakasakay sa lantsa patunong Polillo Island.

Kinausap din muna nila sina Rosing upang maayos ang alitan sa pagitan. Para kay Eirene, ang pagbalik sa kaniyang bayang tinubuan ay isang bagong simula. 

Unang beses pa lamang na makasakay rito ni Este ngunit wala siyang naramdaman na kahit anong pagkaliyo. Nakasilip lamang siya sa bintana, hangang-hanga sa tanawin. May nakita pa itong dolphin kaya masaya itong pumalakpak.

Habang nakasakay sa habal-habal ay nadaanan nila ang arko ng Polillo. Pinagmasdan niya ang mga batang naghahabulan, ang ilan pa ay napasulyap sa kaniya.

Pagod ang buong pamilya sa biyahe kaya naman bagsak ang kanilang katawan pagkarating sa bahay ng lola ni Este, nanay ng kaniyang mama.

"Iakyat mo na muna ang mga bata, Eirene. Magpahinga na rin kayo ni Kiko." Nagmano ang mag-asawa kay nanay bago umakyat para makapagpahinga.

Alas sais na nang magising si Estella. Nanibago siya sa itsura ng silid ngunit nang maalalang lilipat na sila ay napanatag na ito. Pagkababa niya sa hagdan ay narinig niya ang tawanan ng mga tao.

Pinky Promise (Elementary Series#6) Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon