Kabanata II

45 13 9
                                    

"Ate! May namimigay raw ng ayuda sa bayan!" sigaw ni Rye mula sa bakuran.

Nagmadali si Eirene, hindi na nag-abala pang ayusin ang sarili. "Rye, ikaw na muna ang bahala sa mga bata. Mauuna na ako."

Hindi pa bukas ang mga kalsada dahil sa ito ay lubog pa sa putik, kaya naman tinahak niya ang apat na kilometrong lakarin makapunta lang sa bayan. Halo-halong sigaw, pagtangis, at hagulhol ang sumalubong sa kaniya pagkarating doon. Agad niyang hinanap ang truck na namimigay ng ayuda.

Nakipagsiksikan siya sa kumpol ng mga taong nag-aabang na mabiyayaan. Akmang kukunin na niya ang isang plastic na naglalaman ng bigas, de lata at noodles nang mapagtantong ang kaniyang hipag na si Rosing ang may hawak noon. Kilalang kagawad si Rosing ng kanilang barangay kaya siguro kasama siya sa mga namamahagi.

Nakapaskil sa kaniyang mukha ang ngiting mas plastik pa sa kaniyang hawak. Iniabot niya ito kay Eirene na animo'y walang ginawang karamutan kahapon.

Pagkauwi ay saka niya inilabas ang kaniyang inis. Narinig ito ng kaniyang Rye kaya lumapit ito at niyakap ang kapatid.

"Hayaan mo na, ate. Hindi natin kasalanan na ganoon silang klaseng tao. Wala tayong mapapala kung magtatanim tayo ng galit dahil sa huli, maaaring tayo pa ang lumabas na masama. Sa ngayon, sina Estella at Eitan na muna ang pagtuunan mo ng pansin."

Sandaling natulala si Eirene at napaisip. Oo, hindi niya masisising ganoon sila pero hindi lang sila basta taong kahalubilo niya sa araw-araw, kapamilya niya ito.

"Tao po!" katok ng bata sa pinto.

"Oh, Kally..."

Walang bati-bating iniharap niya ang telepono sa mukha ni Eirene. "Ayos lamang daw si tiyo sa Maynila! Nag-text siya sa amin." Umalis din ito pagkasabi ng balita.

Gulat man sa inasta ng bata, nakahinga siya ng maluwag dahil ligtas ang kaniyang asawa.

Dalawang taon ang nakalipas...

"Mama! Makikipaglaro lang po kina Fiona!" paalam ni Este at dali-daling tumakbo. Ilang linggo na lang at magsisimula na ang klase. Lumaking mabait at masipag mag-aral si Estella at sa pasukan, siya ay nasa ikatlong baitang na.

Magdadalawang-taon naman ang batang si Eitan ngunit hanggang ngayo'y nagtataka si Eirene kung bakit utal pa rin ito gayong tuwid na naman magsalita ang panganay noong siya'y isang taong gulang pa lang. Para sa kaniya'y walang mali roon ngunit nang mismong nanay niya ang mag-payo ay binigyan niya ito ng konsiderasyon.

Gamit ang naipong pera, lumuwas sila ng Maynila upang patingnan ang kalagayan ng anak. Sinamahan siya roon ni Kiko at magkasamang hinarap ang mabigat na balita.

Napag-alamang may Mild Autism si Eitan. Hindi mapagha-halataan dahil kung titingnan ay parang normal na bata si Natnat.

"I suggest, bring him here for at least every two months for therapy. Medyo may kabigatan nga lang po sa bulsa," ani doktor.

Nanlata ang mag-asawa sa narinig.  Sumagi rin sa isip ni Eirene ang kondisyon ng balat ni Estella nang ipatingin niya ito sa bayan noong nakaraang taon.

"May Skin asthma si Este, tapos ngayon..."

Tuliro man ay napagdesisyunan nina Kiko na subukang ipa-therapy si Eitan.

Habang nasa bus, kandong ni Kiko ang musmos na si Eitan habang hawak ang kamay ng asawa. "Kakayanin natin ito. Palalakihin natin siya gaya ng mga normal na bata. Sisiguraduhin nating hindi niya mararamdamang naiiba siya."

Sinuklian siya ni Eirene ng isang payak na ngiti sapagkat hindi pa rin maalis ang kaniyang pangamba lalo na at marami sa kanilang lugar ang sarado ang isipan.

Pinky Promise (Elementary Series#6) Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon