Kabanata VII

25 7 11
                                    

Matapos ang insidenteng iyon ay umunti na ang kaso ng bullying sa paaralan. Nakausap na rin ang grupo ni Cesar pati na rin sina Sisay at nangakong hindi na uulitin ang ginawa.

Ang ikinataka ni Estella ay ang biglang paglayo si Tonton. Hindi na sila sabay pumasok at kung magkasalubong man ay umiiwas. Aniya'y masaya na siyang makita ang kaibigan na masayang nakapaglalaro kasama ang iba pang bata.

Kinahapunan ay nakita niya sa oval si Este, kasama ng mga kaklase nito.

"Maiba'y...taya!"

"Ang 'di magbago'y s'yang...taya!"

"Ooh sa'min ka Este at Bebang!" Masayang nag-apir ang tatlo nina Chichay.

"Gusto ko siya ka-grupo! Palit tayo Chichay!" Nagpapadyak si Carding dahil sa kabilang grupo siya napasama. Binelatan siya ni Chichay kaya lalo itong nagwala.

Tapos na ng klase nila kaya heto sila ngayon, naglalaro ng agaw base. Bale sampu ang kalahok. Sa unang grupo ay sina Este, Chichay, Penny, Andeng, at Bebang. Habang sa kabila ay si Carding, Mira, Zedong at Paeng.

"Puro lalake kasama ko! Samahan n'yo ako rito huhu," manya ni Mira. Ang mga mata niya'y nangungusap, na hindi natiis ni Bebang.

"Osige..." lantang pahayag ni Bebang na ikinatuwa ni Mira.

"Lilipat ka rito, Belinda? Ang bait mo naman pala." Kita rin ang sandaling pagkislap ng mata ni Carding na agad napaltan ng busangot.

Payak na tumawa si Bebang. "Ako? Ayoko nga. Si Penny ang lilipat diyan." Aangal pa sana si Penny ngunit nang pukulan siya ng tingin nito ay kusa na siyang lumipat. Napatalon sa tuwa si Mira at ikinawit ang braso kay Penny.
"Carding, dito ka. Ang umangal, tutubuan ng buhok sa p'wet." Humagikhik si Carding at binelatan ang dating kagrupo. "Mananalo kami, bleh." Umikot ang mata ni Bebang saka hinikit ang tenga ng kaibigan.

"Base namin sa flag pole!" sigaw ni Carding.

"Base namin dito sa puno!" sigaw naman ni Zedong.

Agad silang nagsipuntahan sa kani-kanilang base. Ilang minuto pa ay naunang sumugod sina Zedong. Napagdesisyunan nilang si Este ang bantay sa base nila habang si Penny naman sa kabila.

Sa una ay wala pang natataya pero sa bilis at liksi ni Zedong ay nataya niya si Chichay at Andeng, habang si Mira at Paeng ang nakuha sa kabila. Nakadipa ang mga nataya na kulang na lang ay mawarak ang shorts para lamang mabilis na maadok ng kaampi.

Ngayon ay nag-iisa na lang si Zedong. Napangisi si Bebang habang nakatingin kay Penny na sinisipat ang mga lapis.
"Carding, sumugod ka. May plano ako." Agad naman na tumango si Carding.

Litong-lito na si Zedong dahil sa halo-halong sigawan ng kagrupo at ang biglaang pagsulpot ni Carding. Tuloy ay hindi niya namalayang nakatakbo na si Bebang sa kanilang base at naagaw iyon. Ni hindi man lang naalintana si Penny at tinuloy ang pagtatasa ng kaniyang mga lapis.

"PANALO TAYO!"

"Waaahh!!!"

Nagtalunan at nagyakapan ang mga nanalo. Nagpaalam na rin ang iba dahil maglalakad pa sila pauwi, baka mapalo sila ng kanilang mga nanay.

Nag-aayos ng gamit si Este habang sina Chichay at Penny ay pumunta munang C.R.

Sa mga nakalipas na buwan ay may nagbago kay Este. Kung dati ay tahimik siya at nagkukulay lamang sa sulok, ngayon ay nakikihalubilo na siya. Sinubukan din niyang humanap ng mga kaibigan, at hindi siya nabigo. Sa halos araw-araw na pagsasama nina Chichay at Penny ay naging malapit na sila sa isa't-isa.

Mag-isang nakaupo si Estella sa ugat ng puno habang hinihintay ang kaibigan. Sa hindi kalayuan ay nakamasid si Tonton. Ilang beses na niyang gustong lapitan ang kaibigan pero natatakot siyang maulit ang nangyari. Mayamaya pa ay bumalik na ang dalawa kaya naglakad na sila pauwi.
Nakasunod lang si Tonton, mga ilang metro ang layo, sinisugurong ligtas na makakauwi ang kaibigan.

"Paano kayo nagkakilala ni Tonton, Este?" tanong ni Penny.

"Oo nga," pagsang-ayon ni Chichay.

Napangiti si Este nang maalala ang araw na iyon. "Nagkakilala kami sa playground. Naiyak siya noon tapos narinig ko."

"Tapos?"

"Iyon, lumapit ako at hinanap, tapos, nakita ko si Tonton na nakaupo sa dulo ng slide habang nakasubsob sa kamay ang mukha."

Bakas sa mukha ng dalawa ang pag-aalala. "Tapos?"

"Tapos hindi niya ako inaway kahit pinakita ko ang braso ko. Tuwang- tuwa ako no'n. Akala ko wala na akong magiging kaibigan. Kaya naman, pinangako namin sa isa't-isa na friends na kami simula noon."

"Grabe. Ang astig naman no'n," ani Penny. "Pero nag-iiwasan na kayo ngayon. Kailan ulit kayo magpapansinan?" pahabol pa niya.

Napabuntong-hininga si Estella. "Bakit ko naman gugustuhing hindi kami magpansinan 'di ba? Siya nga itong kauna-unahan kong kaibigan. Pero siya na mismo ang umiwas at nakakahiya naman kung magpumilit ako."

Napaamang si Tonton sa narinig. Oo nga, siya nga ang kusang lumayo pero hindi ibig sabihin noon ay ginusto niya. Sandali siyang napaisip. Hahayaan ba niyang matapos ang kanilang pagkakaibigan nang dahil kina Cesar?

"Bakit nga pala umiyak si Tonton? Sinabi ba niya sa'yo? Ay, bukas mo na pala ikwento, makakagalitan na ako ni itay." Nagpaalam na ang dalawa dahil medyo may kalayuan pa ang kanilang lakarin.

Pagkapasok ni Este sa bahay ay natanong din niya ang kaniyang sarili kung bakit nga ba umiyak ang kaibigan pero wala siyang nahita kundi sakit ng ulo.

"Bakit ngayon ka lang umuwi, anak? Kanina pa tapos ang klase niyo ah."

Itinabi ni Este ang bag bago kumandong sa ama. "Papa, alam mo ba, marami na akong kaibigan! Hindi rin nila ako inaaway--"

"Inaaway ka?" singit ni Kiko.

"Dati lang po, papa. Natakot sila sa tingin ni mama! Ang mahalaga po, marami na akong kaibigan na tanggap ako bilang ako! Nag-laro po kami kanina pagkatapos ng klase at nanalo ang aming grupo!"

Nakangiti si Kiko habang nakikinig sa kwento ng anak. Ngayon lang siya nakapag-kwento tungkol sa kaganapan sa paaralan. Nahihingal ang anak nang matapos kaya inabutan niya ito ng tubig. "Natutuwa akong marami kang kaibigan anak. Pero, sabihin mo kung may nang-aaway sa iyo, okay? Masaya kami ng mama mo sa iyong kasiyahan pero malungkot kami kapag may umaaway sa aming prinsesa."

Ngumuso si Estella ay bahagyang tumango. "Opo, papa. Wala na naman pong nang-aaway sa akin dahil pinagtatanggol ako ni To—."

Pinisil niya ang pisnge ng anak. "Miss mo na ba ang kaibigan mo?"

Sunod-sunod ang pagtango ni Estella na ikinatawa ng ama."Halata naman. Os'ya, magpalit ka na at kapag kumain ka ng gulay. Hindi natin mapipilit ang tao anak, lalo na kung may dahilan siya kung bakit niya iyon ginagawa. Sinubukan mo na ba siyang kausapin?"

"Hindi pa po. Bago ko pa siya lapitan ay umiiwas na."

Napailing si Kiko. "Subukan mo ulit siyang kausapin. Hindi mo malalamang ayaw ka niyang makausap kung hindi mismo nanggaling sa kaniya."

Tila nabuhayan ang bata sa narinig. Agad siyang umakyat upang magbihis. Masigla siyang kumain ng ampalaya na para bang wala itong mapait na lasa. Napailing na lang si Kiko habang nakangiti.

Pinky Promise (Elementary Series#6) Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon