Kabanata V

21 6 6
                                    

"Siguradong magugustuhan ito ni Tonton."

Paspasan sa pagkukulay si Este. Dala ng kabagutan, naisipan niyang iguhit silang dalawa noong una silang magkita. Nakaupo silang dalawa sa dulo ng slide habang magkakawit ang dalawang hinliliit.

"Anong magugustuhan ko?" Gano'n na lang ang gulat ni Este nang biglang sumulpot si Tonton sa harap niya. Nataranta siya kaya itinago niya ito sa kaniyang likuran at ngumiti ng alanganin. "W-wala."

Sa kaniyang inasta ay lalong nangunot ang mukha ni Tonton. "Oy, patingin! Andaya ah parang 'di kaibigan."

Akmang aabutin ni Tonton ang papel ngunit napaiwas siya ng tingin nang mapansin ni Este ang bangas sa gilid ng kaniyang labi. Hinawakan niya ito. Napaingit si Tonton kaya lalo siyang nag-alala.

"Napaano iyan? Bakit ka may sugat? May umaway sa'yo?" sunod-sunod na tanong ni Este. Sa labis na pag-aalala ay nawala sa isip niya ang itinagong papel sa likuran kaya naman napangisi si Tonton at agad inyong hinablot at itinaas sa ere. Napaawang ang kaniyang labi sa iginuhit ni Este. Hindi maitatangging magaling itong gumuhit pero napalingon siya nang marinig itong umiiyak.

Sa kaba ay ibinalik niya ang papel ngunit nagusot pa ito dahil pabasta niya itong natapon sa pagmamadali.

"Haha! Hindi ako umiiyak." Itinuro pa niya ang kaibigan habang patuloy ang pagtawa.

Hindi maipinta ang mukha ni Tonton, animo'y batang inagawan ng lollipop. "Akala ko totoo kang umiiyak. Pinakaba mo'ko, Este. Baka mayari ako ng papa mo!"

Napahawak si Estella sa pangang sumakit na sa katatawa. "Bakit ka naman mayayari ni papa?"

"Syempre baka akalain niyang inaaway kita, tapos hindi na tayo papayagang maglaro, tapos pipilitin ka nilang lumayo sa akin." Nakatulala siya sa kawalan habang sinasabi ang mga iyon.

Napangiwi si Estella at tinapik ang balikat ng kaibigan. "Mukhang nasobrahan ka sa kape. Kahit ganiyan ka, masaya akong naging kaibigan kita, Tonton."

"Masaya akong naging kaibigan kita, Tonton," panggagaya ni Sisay, sa nang-uuyam na tono. "Kadiri naman, may kumakaibigan pala sa may garot. Eww, yuck."

"Wala ka lang tunay na kaibigan kaya kung ako sayo, manahimik ka na lang Sisay," pambabara ni Tonton.

Inismiran lang siya nito. "Bernice! samahan mo ako sa canteen." Agad namang sumunod si Bernice at nagpahabol pa ng irap.

"Yieehh...masaya raw siya sa piling ni Tonton oh..."

"Yieehhhhh..." panunudyo ng iba pang kararating lamang.

Nalaglag ang panga ni Estella sa narinig. Hindi naman iyon ang sinabi niya!

Lumapit si Chichay at pumalumbaba. "Este plus Tonton equals EsTon? o TonTe?" Agad siyang binigyan ng sapok ni Bebang na bagaman mahina, pakiramdam niya'y tatalbog ang kaniyang ulo.

"Tumigil ka nga Muchichay. Kausapin mo na lang 'yong mga halaman sa labas," ani Bebang saka umupo sa kaniyang puwesto. Ngumuso lang si Chichay at bumalik na rin sa upuan.

"Pusta ko manok ni itay, magiging crush mo si Estella." Nagpahabol pa ito bago tuluyang maupo.

Napakamot sa batok si Tonton at nahihiyang nagpaalam kay Este para bumalik sa kaniyang room. Mayamaya pa'y dumating na ang kanilang guro.

"Good morning class. No need to greet back, I have an important announcement."

Napuno ng bulungan ang classroom kaya nairita agad ang kanilang guro.

Sa kalagitnaan ng pag-iingay at tumayo si Sisay saya pinagpapalo ang desk. "Guys quiet naman oh. May sasabihin kaya si ma'am."

"Pabibo!" sigaw ni Bebang kaya natawa ang lahat.

Umarteng nasaktan si Sisay at sumubsob pa sa desk, animo'y umiiyak. Agad naman siyang inalo ni Bernice.

"Class, enough! Mabuti nga at sinasaway kayo ni Sisay, tama ang kaniyang ginawa." Binalingan niya si Bebang at sinaman ng tingin ngunit hindi ito natinag. "Ikaw naman Belinda Venice, humingi ka ng tawad kay Sisay."

Nagulat ang lahat nang tumayo ito. "Humihingi ho ako ng tawad sa mga taong karapat-dapat na hingan ko ng tawad. Pero kay Sisay? Mas gugustuhin ko pang humingi ng tawad sa lamok na napatay ko kesa sa kaniya."

"Ohhhhh..." Muling umingay ang silid. Pinagsabihan pa sila ng guro pero si Este ay nakatulala lamang sa kawalan, iniisip ang sinabi ni Chichay kanina.

Bakit niya ipupusta ang manok ng kaniyang itay?

Ano ang crush?

Crush ako ni Tonton?

"Ms. Valiente!"

"Crush!" Hindi namalayan ni Este na tinatawag na pala siya. Agad na namula ang kaniyang pisngi sa kahihiyan.

"You're supposed to say 'Present', Ms. Valiente hindi 'Crush'." Naiiling niyang chineckan ang gilid ng pangalan nito. "Kay bata pa crush na agad ang inaatupag. Villanueva, Krish Ann?"

"Present!"

"Okay." Sinara niya ang kaniyang class record at pinagsiklop ng palad. "Wala muna tayong discussion ngayon time ko dahil may meeting kami hanggang 4."

"Waah!!"

"Yesss!"

"Tara pogs!"

Nagpaalam na ang kanilang guro saka lumabas. Nagkagulo ang buong klase na parang mga nakaalpas sa kulungan, samantalang si Este ay tahimik na inilabas ang pangulay at ang drawing na dapat ay sorpresa kay Tonton.

Nang matapos ay nawalan na siya ng gagawin. Isinilid niya ang mga pangkulay sa bag at lumapit kina Andeng at Chichay na tila abala sa kung ano.

"Anong ginagawa niyo?" tanong niya at pinakatitigan ang nakasulat sa papel. "Flames? Teka bakit nandiyan ang pangalan namin ni Tonton?"

Tumango si Andeng at iginaya siya na maupo sa tabi niya. "Tina-try lang namin kung ano ang lalabas kapag kayo. Malalaman natin kung kayo ba ang nakatadhana sa isa't-isa."

Napatakip ang dalawa sa tenga nang tumili si Chichay. "Flames, Friends! Camel, Crush! Hope, Pwede!" Binalingan niya si Este at niyugyog ang balikat. "Friends kayo ngayon, magiging crush ka niya, at pwedeng kayo talaga!" Tumayo siya at iwinagayway ang papel habang umaawit na hindi nila maintindihan. Nakisabay na lang din si Andeng habang si Estella ay mukhang tinakasan ng kaluluwa.

Kumatok si Tonton sa pinto ng room nina Estella bago pumasok at agad na nahinto nang makita ang kaibigan sa may harapan. Kumaway siya rito pero nakatulala lang ito sa kawalan. "Anong nangyari rito?" tanong niya kay Chichay ngunit sa halip na sagutin ay inabot nito ang papel at nagpatuloy sa pag-awit.

Pinipigilan niyang mangiti nang mabasa ang nakasulat doon. Isinilid niya iyon sa bulsa at nilapitang muli ang kaibigan. "Estella, uy...Tsk tsk tsk." Napailing na lang si Tonton at inilahad ang kamay. "Tara."

"H-ha?" Sa wakas ay nakabalik na si Estella sa reyalidad. "Ano..." Nahihiyang inilibot niya ang tingin pero mukha namang abala ang lahat. Sasagot pa lang siya nang hinikit ang braso niya at tinangay palabas ng silid. Natauhan na si Estella at akmang bibitaw pero hindi siya hinayaan ng kaibigan.

"May ipapakita ako."

Naglalakad sila nang masalubong ang isang batang may hawak na bulaklak. Nagulat sila lalo na si Estella nang sa kaniya iyon iabot. Kukunin na sana ni Estella ang bulaklak nang agawin iyon ni Tonton. Binitawan niya iyon at tinapak-tapakan.

"Tonton! Bakit mo sinira?" alalang tanong ni Este pero hindi siya pinakinggan ng kaibigan at lumapit sa bata.

"Sinong nagpaabot sa'yo? Si Cesar ba?" Sa halip na sumagot ay tinakbuhan siya ng bata. Sa hindi kalayuan ay natanaw niya si Cesar kasama ang ulupong. Kinuyom niya ang kamay ngunit pilit niyang pinakalma ang sarili at piniling huwag na lang magsimula ng away.

Pinky Promise (Elementary Series#6) Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon