Kabanata VI

31 7 2
                                    

Nagpatuloy sila sa paglalakad at huminto sa ilalim ng puno. Naupo sila sa ugat noon at dinama ang sariwang hangin.

"Oh, ano? Gising na ba diwa mo?"

Napaunat si Este sa ginhawang dala ng hangin saka lumingon kay Tonton at nagkibit-balikat. "Siguro. Medyo naguguluhan pa rin ako."

"Saan ka naguguluhan? Ipapaliwanag ko," ani Tonton na nakatingin lang sa malayo.

Humugot ng hinga si Este saka pinalobo ang bibig. "Bakit ako binigyan nu'ng bata ng bulaklak? Bakit mo tinapakan ang bulaklak? Bakit ka may bangas sa labi? Bakit--"

"Oy, awat muna, mahina kalaban. Una, binigyan ka niya dahil isa siyang nilalang na pinaglihi sa kantutay. Ikalawa, hindi mo ba nakitang may basil ang iaabot sa iyong bulaklak? Kaya kinuha ko at tinapakan. Ikatlo, kaya ako may bangas dahil...dahil..."

"Dahil? Nakipag-away ka ba?" Dumampot siya ng maliit na bato at initsa sa kung saan bago ipatong ang baba sa palad. Hindi sumagot si Tonton kaya nakumpirma niyang totoo nga.

"Sila naman nagsimula! Saka pumatol lang naman ako dahil iniinsulto ka nila." Pabulong na ang huli niyang sinabi.

Muli siyang napabuntong-hininga. "Sana hindi mo na lang pinatulan, parang hindi ka na nasanay. Kita mo nga at araw-araw nila ako inaaway. Sa flag ceremony, nilalagay nila ako sa una para pagtawanan at pandirian."

"Hindi naman lahat ah!" Umakbay si Tonton sa kaniya. "Ang nakilala kong Estella, iyong positibo, hindi nagpapaapekto sa problema! Diba hindi naman lahat inaaway ka? Sino na nga iyong madaldal na Chicharon?"

Natawa si Este. "Si Chichay iyon at oo hindi nga nila ako inaaway."

"Eh 'yong kulot na bata? Yo'ng nagbigay ng tubig? Andeng ba 'yon? Oh, mabait din 'yon ah."

Tumango si Este. "Oo nga'no. Nakatuon lang ako kina Sisay. Alam mo Clinton, ang galing mo talaga."

Napangisi si Tonton at humawak sa baba, "Ano ka ba naman Estella, ako lang 'to, ang pogi mong kaibigan."

Natawa silang pareho pero natigil si Este nang maalala ang sinabi ng kaibigan. "Anong ipapakita mo?"

"Wala lang. Namumutla ka na sa gulat kanina, kaya naisipan kong itakas ka. Bakit, gusto mo na bang bumalik?" Bumunot siya ng damo saka iyon pinaglaruan.

Sandaling napaisip si Este ngunit kapagkuwa'y bumunot din ng damo. Napapitlag siya nang tampalin ni Tonton ang kamay nito. "Bawal sa'yo ang damo. Tingnan mo nga kapula iyang braso mo. May gamot ba 'yan?"

Nagpagpag siya ng kamay. "Saka na siguro kapag may pera na." Tumayo siya at pinagpagan din ang palda. "Tara sa canteen, bili tayong mangga."

Naantig ang pandinig ni Tonton at agad na tumayo, nauna pa siyang maglakad. "Ano ba 'yan, ambagal."

Napailing na lang si Este. "Loko-lokong bata."

Napasinghal si Tonton at malakas na tumawa. "Makabata ka d'yan, kuya mo nga ako."

Nanlaki ang mata ni Este. "Mas matanda ka sa akin?" Napahawak pa ito sa kaniyang bibig.

Tumango si Tonton. "Oo, dalawang taon. Dapat grade 5 na ako ngayon pero huminto ako." Kinamot niya ang tungki ng kaniyang ilong, naiirita sa reaksyon ng kaibigan. "Anong mukha 'yan? Ayusin mo nga saka 'wag kang tumitig, alam kong gwapo ako." Hindi pa rin ito kumikilos kaya sumimangot siya at iniwan ito. "Bahala ka d'yan."

Natawa si Este saka sumunod. "Joke lang! Hintayin mo ako...kuya!" Tinakbo niya ang pagitan ngunit tumakbo na rin si Tonton dahilan upang lalo siyang maiwan. "Hala s'ya...joke nga lang!"

Pagkarating sa labas ng canteen ay hingal na umupo si Estella. Sinuyod niya ang kabuoan para hanapin si Tonton pero ni anino ay hindi niya mahagilap.

"Tonton? Asan na 'yon?"

Mayamaya pa ay may tumapik sa kaniyang balikat. "Saan ka ba nagsususuot, Tonto—Chichay at Penny?" Paglingon niya'y sumalubong ang dalawang hingal na kaibigan. "Teka, tumakbo kayo?"

Sumenyas si Chichay ng 'sandali', huminga ng malalim at umayos ng tayo. "Kanina ka pa namin hinahanap! Si To—"

"Si Tonton nakikipagsuntukan!" bulyaw ni Penny na nakapukaw ng atensyon ng mga tao sa canteen. Nagsitakbuhan ang mga bata kaya sumabay na rin ang tatlo.

Hindi makapaniwala si Estella sa nakikita. Hindi rin niya lubos-akalaing ilang sandali lang ay kaharap niya ito tapos ngayon ay ito ang kaniyang daratnan.

Nakipagsiksikan sila para makarating sa harap dahil napalilibutan na sila ng maraming tao. Hindi alam ni Estella kung anong gagawin, lalo na nang makitang tumilapon si Tonton sa lupa.

"Tama na! Wala bang pipigil?" Luminga siya, humihingi ng tulong ngunit mukhang naliligayahan pa ang nanonood.

Malaking bata ang katunggali ni Tonton, sa laki ay aakalin mong nasa high school na. Napasubsob si Tonton matapos siyang itulak ng bata at nang umambang sisipain ay hindi na napigilan pa ni Estella na pumagitna. Dumipa siya upang harangan ang kaibigan.

Napailing ang bata at sa simpleng paghawi sa kaniya'y muntik na siyang matumba. "Tumabi ka nga garutin, kung ayaw mong masaktan. Ano Clinton? Bumangon ka!"

"Bakit mo siya inaaway? Inano ka ba ni Tonton?" Ibang lebel ng kaba ang kaniyang nadarama sa mga oras na ito. "Masama ang mang-away!" Unti-unting lumapit ang bata, halatang nainis na.

Dinuruan siya ng bata. "Ikaw, huwag mo akong pangaralan, hindi kita nanay! Gusto mo ba talagang masaktan, ha?"

"Subukan mong galawin si Estella!" sigaw ni Tonton na napaimpit sa hapdi ng sugat sa tuhod. Sakto namang dating ng gwardya kasama ang isang guro.

Nagtakbuhan ang mga bata kasama na ang grupo ni Cesar. Naiwan doon ang magkaibigan.
Inalalayan si Tonton na makatayo at dinala sa clinic upang magamot ang sugat. Mabuti na lang at galos lamang ang kaniyang natamo.

"Hindi na muna kita tatanungin ngayon, pero bukas, asahan niyo na ipapatawag kayo sa Guidance office. Huwag kayong matakot, sabihin niyo lang ang totoong nangyari."Binigyan sila ng guro ng ngiting nakapapanatag. Matapos gamutin ay pinauwi na rin sila.

Nang nasa may tapat na ng bahay ay nakaabang na ang nag-aalalang magulang ni Este. Agad siyang tiningnan kung may galos ba o sugat."Ayos ka lang ba, anak? Anong nangyari? Ano itong bali-balitang sangkot ka sa isang away?"

"Hindi po kasama si Estella. Kung may dapat na sisihin ay ako po, tiya,"nakayukong pahayag ni Tonton.

Napasinghap si Eirene nang makita ang sugat sa tuhod ni Tonton. Pinapasok muna niya ang bata upang malinis ang sugat.

"Alam kong hindi ikaw ang tipong mag-uumpisa ng gulo, Tonton." Nang malinisan ay kumuha siya ng bulak at nilagyan ng Betadine. "Pero umaasa akong ito na ang huli. Kahit sinong magulang ay mag-aalala sa kanilang anak at hindi nanaising mapahamak." Dahan-dahan niyang dinampian ang tuhod ni Tonton. "Pahupain muna natin ang sitwasyon."

Bumaling siya kay Estella. "Kakausapin ko bukas ang mga batang umaway sa inyo pati na rin ang mga batang narinig ko'y nambubully sa iyo anak." Mahinahon ang kaniyang boses ngunit tagos ito sa puso ng dalawang bata. "Mahigpit kong ipapatupad na sa bahay ang diretso mo Estella pagkatapos ng klase. Kung gusto niyong maglaro, dito kayo maglaro. Naiintindihan niyo ba?"

Alertong tumango ang dalawa. Ngumiti si Eirene at hinaplos ang buhok ng mga bata. "Hindi tayo papatol sa kanila kung maaari ngunit hibdi rin natin kukunsintihin ang kamalian. Sige na Tonton, umuwi ka na. Baka hinahanap ka na ng iyong ama."

Nahihiyang ngumiti si Tonton at nagpaalam. Naiwan ang mag-ina sa sala. Tiningnan siya ni Eirene, tingin na humihingi ng paliwanag. Lumapit si Estella sa ina at yumakap. "Sorry, mama. Ayaw ko lang po kayong mag-alala ni papa."

Sinuklay ni Eirene ang buhok ng anak gamit ang nga daliri. "Mas lalo kaming mag-aalala kapag wala kang ikinukwento. Paano ka namin matutulungan kung hindi ka magsasabi? Huwag mo na iyong uulitin anak ha?"

Tumango si Estella at lalong ibinaon ang mukha. "Opo."

Pinky Promise (Elementary Series#6) Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon