Kabanata VIII

24 4 5
                                    

Masayang naglalakad si Estella papasok ng paaralan. Ngayong araw niya planong kausapin si Tonton.

Saktong-sakto dahil nakita niya ito sa hindi kalayuan kaya tumakbo siya palapit. Gugulatin niya sana ang kaibigan ngunit siya ang nagulat sa tinuran nito.

"Hindi ko na kaibigan si Estella, nilayuan ko na siya."

Para bang lumisan ang bahaghari at pinaltan ng maitim na ulap. Naluluha siyang tumakbo at sumubsob sa desk. Nagkatinginan sina Chichay at Andeng sa gulat. Tinatanong nila kung anong nangyari ngunit tanging iling lang ang tugon nito.

Nang sumapit ang recess ay nagkasalubong si Estella at Tonton. Malamlam ang mata ni Tonton samantalang walang emosyon ang kay Estella na ikinataka ni Tonton. Inisip na lang niya na baka galit pa rin si Estella sa kaniya.

"May maganda akong balita mga bata,"bati ni Ma'am Dorina.

"Wala ho bang pasok?" pagbabaka-sakali ng isang estudyante. Tumango ang guro kaya naman nagdiwang ang lahat!
"Kaya umuwi ng maaga, huwag na kung saan-saan pa maglakwatsa. Diretso bahay, malinaw ba?"

"OPO!"sagot ng lahat. Pagkalabas ng guro ay kani-kaniyang alpasan ang mga bata, mga sabik nang umuwi at maglaro.

Kinuha ni Estella ang gamit at tahimik na naglakad palabas nang hikitin siya ni Penny papunta sa kung saan.

"Saan mo ba..."unti-unting humina ang kaniyang boses nang makita si Tonton na hikit naman ni Chichay.

"Ayaw niyo magbati, kaya gumawa na kami ng paraan!"Namaywang si Chichay na animo'y nabigyan ng solusyon ang isang problema. "Iiwan namin kayo ni Penny para makapag-usap ha? Walang tatakas! Ang tumakas tutubuan ng nunal na may buhok sa ilong."Nagpaalam na ang dalawa at tumakbo.

Ni isa ay walang nagtangkang magsalita at nakaupo sa magkasalungat na direksyon. Kusang tumulo ang mga luha ni Este nang maalala ang narinig kaninang umaga. Bumunot siya ng damo at kung minamalas nga nama'y nahiwa pa siya nito. "Ah..." Kinagat niya ang labi upang pigilang lumakas ang iyak pero wala ring nagawa.

Naalarma si Tonton at hindi na natiis pang lumapit. Kinuha niya ang daliri ni Este na hindi matigil sa pagdugo. "Tara, punta tayo sa clinic."Inalalayan niya si Este pagtayo nang bigla itong mawalan ng malay. Kakaunti na ang tao roon kaya wala siyang nagawa kundi ang kalungin ito.

Pagkarating sa clinic ay hingal siyang umupo. Sakto pang walang nurse kaya tumayo siya at naghanap ng nakita niyang ipinanglinis sa kaniya noong nakaraan.

Matapos lagyan ng band-aid ay naupo siya sa tabi nito.
"Nangako akong poprotektahan kita pero bakit kabaliktaran? Nasasaktan ka kapag malapit ako sa'yo. Ikaw ang kauna-unahan kong kaibigan na itinuturing ko nang kapatid. Alam mo bang  palagi kitang sinusundan? Hindi sa lahat ah, nakakatakot iyon. Gusto kong masiguro na hindi ka na babalikan nina Cesar."

"Sinungaling."Bumangon si Estella na salubong ang kilay."Ano pala ang sinabi mo kanina na hindi mo na ako kaibigan? Na nilayuan mo na ako?"

Natahimik si Tonton, gulat kung paano iyon nalaman ni Este. "Paano mo—tinapos mo ba ang sinabi ko? Mukhang hindi."

Walang maidalihan si Este dahil totoong umalis siya kaagad at hindi na tinapos pa. "Bakit, mahalaga ba ang kasunod mong sasabihin?"

Masasalamin mo ang sakit sa mata ni Tonton. "Mahalaga iyon kung gusto mo pa rin akong maging kaibigan, pero kung hindi...hindi." Tumungo ito at pinunasan ang luha.

Nakonsensya si Estella at napayuko, hindi alam ang sasabihin. Dinig niya ang mahinang pag-iyak ni Tonton na nakapagpaalala sa kaniya ng una nilang pagkikita. Alam niya sa sariling malaki ang naitulong ni Tonton sa kaniya at sa pagkakataong ito'y siya ang nagkamali.

Kailangan kong mag-sorry...

Tila may bombilyang umilaw nang may malala si Este. Lumapit siya kay Tonton at inangat ang mukha nito. Pinunasan niya ang luha ng kaibigan gamit ang hinlalaki at walang pasintabing hinalikan ang pisnge nito. "S-sorry..." Lumayo siya sa kahihiyan, lalo na nang makitang natulala ang kaibigan.

Dahan-dahang pumihit si Tonton na ngayo'y sing-pula na ng kamatis ang mukha. "Bak-b-bakit mo iyon ginawa?"

Lalo tuloy nahiya si Estella. "Tuwing nag-aaway sina mama at papa, niyayakap ni papa si mama tapos si mama kini-kiss niya sa cheeks si papa tapos bati na sila. Gusto kong bati na rin tayo, k-kaya ayun..."

Tinampal ni Tonton ng mahina ang pisngi at nang makabalik sa tamang huwisyo ay umupo ng maayos. "Gusto mong magkabati tayo? Sana sinabi mo na lang..."

Napanguso si Este. "Ayaw mo bang i-kiss? yakap na lang?"

Napailing si Tonton. "S-salita na lang..."

"Bakit nga?"

"Wala lang."

"Bakit nga?"

"Wala nga."

Niyugyog ni Estella ang balikat ng kaibigan. "Bakit nga?"

"Kase pakiramdam ko lalagnatin ako! Para ring may kumikiliti sa puso ko tapos namumula ako. Ayan, nasabi ko na."

Hinipikan siya ni Este at oo nga, mas mainit si Tonton kumpara sa kaniya. "Hala, sorry Tonton. Sige, simula ngayon, salita na lang."

Muli silang nasakop ng katahimikan. Naputol lang ito nang dumating ang nurse. Sa gulat ay tumakbo ang dalawa pabalik sa puno at kinuha ang mga gamit.

"Ihahatid kita sa inyo. Baka mapagalitan ka ng magulang mo, ako na ang magpapaliwanag." Nanuna nang maglakad si Tonton at sumunod naman si Este.

Nang makarating sila ay andoon na nga si Kiko, nakaabang sa may bakod. Nangunot ang noo nito nang makitang mugto ang mata ng dalawa at may sugat pa sa daliri ang anak. "May gusto ba kayong ipaliwanag sa akin?"

Biglang kinabhan si Este dahil ngayon niya lang nakitang magalit ang kaniyang papa.

"Tiyo..." panimula ni Tonton. "Wala pong—"

"Ops, wait lang. Pumasok muna kayo, mangalay kung tatayo tayong lahat dito."

Sinunod na nila si Kiko at pumasok sa loob ng bahay. Nasalubong pa nila si Eirene na agad silang pinaulanan ng sermon. Nang makaupo sa lamesa ay binigyan sila ng tig-isang maruya. "Oh, ngayon mo ipaliwanag ang nangyari."

"Wala pong kasalanan si Estella, tiyo. Gusto raw ho kaming pag-usapin nina Chicharon at Pennywise para magkaayos na kami kaya dinala kami sa puno ng Acacia. Hindi po sinasadya ni Este na mahiwa sa damo noong bumunot siya kaya naisipan kong dalhin siya sa clinic pero bigla po siyang nawalan ng malay."

Nangunot ang noo ni Kiko, hindi kumbinsido sa naririnig. "Takot sa dugo si Estella pero hindi pa siya kailanman nawalan ng malay." Binalingan niya si Este. "May gusto ka bang sabihin, anak?"

"Totoo pong nahilo ako pero hindi ako nawalan ng malay. Nanghina lang po ako tapos mumulat na sana ako pero narinig kong nagsalita si Tonton kaya nagkunwari po akong nawalan ng malay."

Nasapo ni Kiko ang noo at natawa, hindi makapaniwala sa ginawa ng anak. "Ang tanong...bati na ba kayo?"

Nagkatinginan ang dalawa at kapwa nginitian ang isa't-isa bago humarap kay Kiko. "Opo!" sabay nilang tugon.

Lalong lumapad ang ngiti ni Kiko, hindi lang dahil nakita na niyang mas masaya na ulit ang anak ngunit dahil ganito rin sila noon ng asawa niyang si Eirene. "Mabuti kung gano'n. Kumain lang kayo riyan, tutulungan ko lang ang mama mo."

Tahimik nilang kinain ang maruya at mayamaya pa'y nagpaalam na si Tonton.

"Teka, Tonton!" habol ni Estella.

"Bakit? Miss mo na agad ako?" Napangiwi si Estella at pabastang inabot ang isang plastik. "Ano ito?"

"Maruya!" aniya at nauna nang pumasok. Nagkibit-balikat na lang si Tonton at umuwi na may ngiti sa labi.

Habang kalaro si Natnat ay hindi rin maalis ang ngiti ni Estella. Masaya siya dahil bati na silang muli ng matalik na kaibigan.

Pinky Promise (Elementary Series#6) Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon