81 ( AAKB )

16 3 1
                                    

ANNA ( pov )

Hinihingal akong bumangon. Nanaginip ako. Nanaginip akong isa-isang mawawala ang mga taong nasa paligid ko. Halos gusto kong takbuhin palabas ang kwarto para makahinga ng maayos pero parang natulos na lang akong nakaupo sa kama. Nakatitig sa blangkong kisame na hindi mababakasan ng dumi.

Nakakuyom lang ang mga kamay ko sa kobre kama habang sinisikap kong mahimasmasan. Napagtagumpayan ko naman nang ilang ulit akong huminga ng malalim.

Napagdesisyunan kong lumabas para uminum sana ng tubig. Nakakauhaw. Tuyong tuyo ang lalamunan ko na para bang tumakbo ako ng milya-milya sa kaparangan.

Binati ako ng lumiliwanang na kabahayan. Maliwanag na kasi sa labas at unti-unti nang sumisikat ang araw. Bumuntong hininga ako at dahan-dahang naglakad papunta sa direksyon ng kusina.

Malapit na ako sa bungad papasok nang kumunot ang noo ko sa narinig. Dumadaing na parang nasasaktan at ilang mahihinang mura pa ang binigkas ng taong nasa loob ng kusina.

Nilibot ko muna ang paligid, baka kung ano-ano na ang naririnig ko dahil sa mga napapanaginipan kong masama. Pinilig ko na lang ang ulo at dumiretso papasok sa kusina.

Laking gulat ko at halos mapaatras pa ako sa nakitang itsura ni kuya Eisteine. Hawak niya ang dumudugong balikat habang nasa isang kamay ang maliit na patalim.

"K-kuya," hindi ko alam kung nabanggit ko nang maayos ang isang salitang 'yun. Pero tumingin siya sa'kin at nagugulat na tinitigan ako.

"A-Anna?"

Nilapitan ko siya. Wala akong alam sa mga ganitong bagay pero baka makatulong naman ako at mapabilis ang ginagawa niya. Alam kong wala silang katulong, dahil wala ni isa akong nakikita kapag nandito ako sa bahay nila.

"Anong maitutulong ko kuya?" hindi ko alam kung saan ko siya hahawakan. Hindi ako takot sa dugo pero natatakot akong baka masaktan ko siya.

"K-kailangan kong maalis ang bala sa likod ng balikat ko A-Anna, pero hindi ko abot. Kaya mo ba?" kita ko kung paano siya ngumiwi. Namumutla na din ang mukha niya. Marahil sa dami ng dugong nawala sa katawan niya.

Hindi ko alam kung kaya ko ang iniuutos niya sa'kin pero kailangan ko siyang tulungan. May rason siguro siya kaya hindi niya inisip na dapat sa ospital siya dumiretso. Nanginginig ang mga kamay kong inabot ang maliit na patalim sa kamay niyang puno nang dugo at pikit matang sinipat ang bala sa balikat niya. Nagbuga muna ako ng hininga bago sinimulan ang dapat na gagawin.

Malapit ko nang mailapat ang maliit na patalim na 'yun sa balikat niya ng matigilan ako.

"Dinis-infect mo ba 'to kuya?" inosenteng tanong ko. Ngumiwi muna siya at mahina munang napamura bago ako pinakatitigan.

"Just do it Anna. Then I'll do the rest."

Napatango na lang ulit ako. Pinasingkit ko ang mga mata at iginiya muli ang patalim sa balikat niya. Nanginginig ang kamay ko pero nilakasan ko ang loob para hindi na madagdagan ang dugong nawawala sa kaniya.

Sinipat ko ulit ang bala sa loob ng laman ng balat niya. Mababaw lang 'yun kaya alam kong kaya ko na 'yun tanggalin. Ilang mura at daing ang narinig ko sa kaniya habang dinudukot ng hawak kong patalim ang bala sa balikat niya. Nang matanggal ko ang sobrang liit naman pala na bala ay nakahinga ako ng maluwag.

Malalalim na paghinga ang ginagawa ni kuya Eisteine. Sa balikat lang ang sinabi niyang may tama siya ng bala pero halos maligo na siya ng dugo?

"I-ilang beses din nahiwa ng patalim ang balat ko kaya halos maligo ako ng dugo," nabasa pa yata niya ang nasa isip ko. Pagod na mga mata na tumingin siya sa'kin. Gusto kong magtanong at pagalitan siya kung bakit pinahamak niya ang sarili pero wala ako sa lugar para gawin 'yun.

ANG ASTIG KONG BIDA ( SEASON 1 )Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon