𝐏𝐑𝐎𝐋𝐎𝐆𝐎: 𝐀𝐧𝐠 𝐏𝐚𝐧𝐠𝐚𝐥𝐚𝐧

57 9 2
                                    

[ Agosto 14, 2021 ]

"Magbigay ng makabuluhang pangyayari sa Pilipinas noong 1980s."

Nagsitaasan ng kamay ang mga estudyante ni Mrs. Fajardo. Kung tingnan mo'y parang nanginginig pa nga ang kamay ng mga batang gustong-gusto magbigay ng sagot. Ang mga mata'y naglalakihan. Para bang ang mga ito'y nangungusap na sila ang piliing sumagot. Tatlumpung minuto na lamang ang natitira bago matapos ang klase at hindi kakayanin ng oras na silang lahat pa ang magbigay ng sagot.

Sa lahat ng seksyon sa ika-anim na baitang, ang seksyon Domingo lamang ang mayroong interes sa lahat ng mga aralin niya sa asignaturang Hekasi o sa Ingles pa ay History. Lahat ng mga estudyante sa seksyon na ito ay marunong makinig at matuto nang walang problema sa kaniya, at
kailanma'y hindi siya nakapagtaas ng boses.

Kung ano man ang nasa seksyon Domingo, alam na ito ni Mrs. Fajardo.

Dahil sa kaniya.

"Ma'am! Ako po!"

"Sige na po ma'am, pagbigyan niyo po ako!"

"Ma'am, ako!"

Ngumiti ang guro. "Riley."

Tumayo ang batang babaeng nakaupo sa unahan. "Sumikat si Nora Aunor sa pelikulang Himala, ma'am!"

"Okay, Sam?"

"Nagsimula ang That's Entertainment! Nasa first batch ang idol kong si Francis Magalona!"

"Ma'am Fajardo! Si Jillian po!"

"Ayoko nga!"

Sa dalawampu't walong mga estudyante ng seksyon Domingo, si Jillian lamang ang pinakatahimik. Oo, sumasagot naman siya sa mga tanong ng mga guro kapag tinatawagan lamang ang kaniyang apilyedo. Isa lamang ang kaibigan niya at hindi siya gaanong nakikipaghalubilo sa iba. Wala namang problema sa pagkatao at anyo niya, ngunit pakiramdam ni Mrs. Fajardo na mayroong gustong sabihin si Jillian.

Hindi na nag-alinlangang ibaba ng mga estudyante ang kanilang kamay no'ng tinawag ng guro ang babaeng nakaupo sa pinakadulo-si Jillian. Lahat ng mga mata ay nakatitig sa kaniyang yumukyok na pag-upo, halos malapit nang abutin ng kaniyang noo ang armrest ng kaniyang upuan.

"Jillian? May gusto ka bang sabihin?" Dahan-dahan na tanong ni Mrs. Fajardo.

Huminga siya nang malalim, "Opo, ma'am."

"Hindi mo na kailangang tumayo kung ayaw mo. Marinig ko lang ang sagot mo, sapat na sa'kin 'yon." Tugon ng guro sa batang babaeng hindi kayang tumingin sa lahat. "Ikaw Jillian, ano ang sagot mo?"

Marahan niyang itinaas ang kaniyang ulo at tumingin sa mga taong kasama niya sa loob ng silid aralan. Ni isa walang sinabi upang marinig ang maliit niyang tinig.

"Abril 13, Pilipinas -"

"Ma'am, wala namang nangyaring importante noong Abril 13 eh." Pagputol ni Daniel - isang estudyanteng hindi kayang itikom ang bibig - sa sasabihin ng batang si Jillian.

"Dan, pakinggan muna natin si Jillian, okay?" Mahinhin na tanong ng guro sa batang lalaki na sinunod naman. Binalik ni Mrs. Fajardo ang kaniyang atensyon kay Jillian. "Jillian, ituloy mo."

Pinikit niya ang kaniyang mga mata. "Pilipinas. Abril 13, 1986. Nagdeklara ang dating pangulong Damon Javier ng isang batas. Batas na marahas. Mahigpit. Malubha. Halos isang milyong tao ang namatay hindi lang dahil sa biglaang pamamaril ng mga pulis, kundi dahil na rin sa gutom at pagkaubos ng pera." Tiningnan niya muli ang kaniyang mga kaklase at guro. "Tinawag itong Impyerno ng Demonyo o Demon's Hell sa Ingles, dahil sa lapit ng pangalan ng pangulo sa salitang demonyo. Damon at demonyo. Hindi magkaiba. Sobrang lapit lamang."

"Diba wala naman 'yan sa mga libro natin?" Tanong ni Rose na isa sa mga top honors ng klase. Kung may sasabihin ka lamang na mali ay itatama niya ito sa tamang paraan ngunit hindi maiiwasan ang pangangailangan na takpan ang bibig niya. Sino ba siya para sisihin? Bata lamang siya. Gaya ng lahat sa loob ng apat na pader na ito.

Umabot ang tingin ni Jillian kay Rose at sumimangot. "Oo, Rose. Wala nga. Ngunit base ito sa sinabi sa'kin."

"Kung tinawag itong marahas at Impyerno ng Demonyo, paano ito nalutasan?" Tanong naman ni Peter.

Binuksan ni Jillian ang kaniyang bibig upang sumagot, ngunit inunahan na siya ng kanilang guro. Lahat ng mga mata'y nakatuon sa kaniya.

"Nalutasan lamang ito sa pamamagitan ng pampublikong pagpapatiwakal." Sagot ni Mrs. Fajardo na ikinagulat ng lahat ng mga estudyante maliban nalang kay Jillian. "Oo, aaminin kong sensitibong paksa ito ngayong mga bata pa kayo. Ngunit maraming nangyari sa Pilipinas na hindi nakasulat sa mga libro ngayon."

"Bakit po ma'am?" Tanong ni Heather.

"Dahil hindi nais ng mga pinuno natin sa 1980s na malaman ng susunod na henerasyon ang baliw na babaeng nagsakripisyo ng kaniyang buhay para sa bayan."

Lumaki ang mga mata ng mga estudyante.

"Totoo po?"

"Hala, sino kaya siya?"

"Babae? Diba hindi nila kaya 'yan?"

"Ma'am Fajardo, bakit baliw siya pero nagpatiwakal siya?"

Sadyang pinilit ng guro na ngumiti kahit konti lamang. "Dahil mahal niya tayong lahat."

"Kami?"

Tumango siya. "Oo. Tayong lahat."

"Kung sino man siya Ma'am Fajardo, I need to know her name." Ngiti ni Rose na kinampihan naman ng mga kaklase niya.

Tumango si Jillian sa guro. "Ang apilyedo niya ay ang pangalan ng seksyon ninyo."

"Domingo?" Sabay-sabay na tanong ng mga estudyante ni Mrs. Fajardo.

"Siya si..."

MargoTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon