Amanda,Lumipas ang anim na buwan, matapos ang buwan ng Hunyo, ang buwan kung saan madalas na kitang pagmasdan at sulyapan mula doon sa inyong bintana at sa hintayang bahagi ng ating paaralan.
Buwan na ngayon ng Disyembre, napakaraming nangyare kaya't nawalan ako ng oras sa pagsulat ng aking mga nararanasan kasama ka.
Ngunit ngayo'ng may oras na ako'ng muli na magsulat nais kong ilahad dito na naging mabuti ang ating pagkakaibigan.
Nagsimula ito noong ako ang itinalaga ni Don Romualdo bilang iyong personal na taga-bantay, noong una ay palagi mo akong sinusungitan kaya madalas din na pagsabihan ako ni Don Romualdo sapagkat minsan ka ng umuwi ng mag-isa dahil nga sinungitan mo ako noon at sinabi mong huwag na kita ihatid.
Ngunit hindi nagtagal ay unti-unti mo ng tinanggap na ako na ang makakasama mo dahil iyon ang utos ng iyong ama. Ganoon naman talaga siguro sa umpisa, alam kong hindi mo ako magugustuhan lalo na sa mga biro ko na hindi umaayon sa oras at araw o di kaya'y sa takbo ng iyong nararamdaman kaya imbis na mapangiti at mapatawa kita eh pagsusungit ang lagi kong natatanggap.
Hindi nagtagal nahuli ko rin ang iyong kiliti, tunay ngang mahilig ka sa bulaklak.
Ika-tatlong linggo ko noon bilang iyong personal na taga-bantay, alam kong galit ka sa akin sapagkat hindi ko sinusunod ang pinag-uutos mo pagdating sa mga bagay na hindi ko magagampanan ang aking tungkulin, kaya naman tatlong araw mo rin akong hindi pinansin ni kinausap man, ang turing mo sa akin ay isa lamang talagang taga-bantay.
Ngunit dahil nga sa kagustuhan kong makuha ang loob mo at maging kaibigan ka kahit na iba ang aking nararamdaman para sa iyo, mula sa aking suweldo na pinaghirapan kong pagtrabahuhan bilang inyong "boy" ay naisipan kong bilhan ka ng tatlong pulang rosas, naisip ko kasi na baka sa ganoong paraan ay pansinin mo na ako at mapatawad.
Noong pangalawang beses na inutusan ako ni Don Romualdo na iabot muli sa iyo ang mga libro ay inipit ko ang tatlong piraso ng rosas doon.
At sa hindi inaasahang pagkakataon, nang dahil sa tatlong rosas ay naging malapit na magkaibigan tayo.
At iyan ang mga dahilan kung bakit araw-araw kitang gustong makita, palagi akong sabik sa iyo dahilan na upang ang aking puso'y lumundag sa tuwa at ngayon mas lalong lumakas ang aking loob upang ipagtapat sa iyong mahal kita, oo Amanda, matagal na kitang iniibig.