Amanda,Tatlumpu'ng minuto bago ang itinakdang oras ng ating pagkikita sa tabi ng ilog, kakaibang pakiramdam ang nararamdaman ko, wala akong ideya kung ano ang maaaring maging takbo ng ating pag-uusap doon basta inihanda ko na lamang ang aking sarili upang kung sakali na ako ay makakuha ng tiyempo ay masasabi ko na sa iyo ang tunay kong nararamdaman, ang pag-ibig na sayo lamang oh señorita nakalaan.
Kaya naman buong tatag akong pumunta sa lugar na binanggit mo, hindi ako nagpapatinag sa kaduwagan na aking bitbit, ang tanging nasa isip ko lamang ay baka kailangan mo ako at kailangan ko na rin ipagtapat sa iyo ang pag-ibig ko.
Alas-singko,
Nakarating na ako sa ating tagpuan, alam kong hindi mo namalayan na naroon na ako sa iyong likuran, tila natutunaw ako sa ganda ng iyong tinig na naririnig ko, ikaw ay umaawit.
"Bituing marikit sa gabi ng buhay,
Ang bawat kislap mo'y ligaya ang taglay,
Yaring aking palad iyong patnubayan,
At kahit na sinag, iyong bahaginan"iyan ang mga linya ng awit na inaawit mo noon.
"napaka-ganda ng iyong tinig señorita, bagay-na bagay sa maamo mo'ng mukha" papuri ko sayo
"palagi mo na lamang sinasabi ang mga salitang iyan, minsan iniisip ko baka ngkukunwari ka lang" hindi ko lubos maisip na ganoon pala ang tingin mo sa akin
"aba! hindi señorita, tunay ang aking mga binabanggit, mukha lang akong loko-loko pero totoo yun" pabirong banat ko
Bahagya ka namang ngumiti, dahilan upang ngumiti rin ako. Ngunit tila ilang minuto na nabalot ng katahimikan ang paligid, marahil ay wala na naman sa tamang oras ang biro ko, gusto ko ng basagin ang katahimikang iyon nang muli kang nagsalita.
"Luisito, may iniibig ka na ba?"
Agad akong napatingin sa iyo sapagkat hindi ko inaasahan na ang tanong na iyan ay magmumula sa iyong mga labi. Napuno ako ng kaba, hindi ako halos makapagsalita.
"siguro nga ay may iniibig ka na, sa kaki-sigan mong iyan? Siguro ay maraming dalaga ang nagkakagulo sayo o di kaya'y maraming dalaga na ang pinaluha mo" dugtong mo pa,
Pinilit kong takasan ang espirito ng pagkatahimik sapagkat batid kong kailangan ko ng sagutin ang iyong tanong, at alam ko na ito na rin ang pagkakataon na sabihin sa iyo ang tunay kong nararamdaman.
"marami'ng nagkakagusto sa akin señorita, pero..."
"pero?.."
"ni isa sa kanila hindi ko rin naman nagustuhan"
"bakit naman? Magaganda naman ang mga dalaga dito sa ating bayan" banggit mo habang alam kong iniiwas mo ang iyong paningin sa akin.
"kasi wala naman sa kanila yung katangian ng babaeng gusto ko" mabilis na sagot ko
"bakit? Sino ba ang gusto mo?" muli na naman tumigil ang mundo ko, at sa pagkakataong iyon, balot na balot na ako ng kaduwagan, natatakot ako na baka kapag sinabi kong ikaw ang iniibig ko-eh bigla mo na lamang akong sampalin.
"hindi mo kailangan sagutin ang tanong ko Luisito kung ayaw mo"
ramdam ko ang lungkot noong binaggit mo ang salitang iyon ngunit ano ang ibig sabihin noon? Pagkaraan ng ilang minutong katahimikan tila isang malaking kalembang ang nang-gising sa akin nang marinig ko ang mga salitang nagpalundag sa puso ko.
"gusto kita Luisito?"
napatingin akong muli sa mga mata mo
" hindi ko maintindihan!.. Gabi-gabi akong hindi makatulog, pakiramdam ko kailangan ko ng sabihin sa iyo ang nararamdaman ko"
pagpapaliwanag mo, kaysarap mong pagmasdan habang binabanggit mo ang mga katagang iyan
"simula pa lamang noong una kitang makita na umiigib ng tubig sa poso na pagma-may-ari namin, hanggang noong tinulungan mo ako sa masasamng lalake na iyon, nung panahong ipinahiram mo sa akin ang payong mo, noong dalawang beses mo akong inihatid sa amin at noong nalaman ko na isa kang huwaran at mapagmahal na anak at sa ilang buwan na kitang kasama, mas lalo kitang nagugustuhan! At siguro nga..."
"siguro ano?" tanong ko
"siguro nga mahal na kita"
Halos tumalon ang puso ko noong narinig ko ang lahat ng katagang iyon mula sa bibig mo, mukhang pinaboran ako ng Bathala tungkol sa bagay na ito.
"mas lalo kitang nagugustuhan sa tuwing inaalagaan mo ako" dugtong mo pa.
Walang pagsidlan ng galak ang puso ko, at sa pagkakataong ito hindi na ako nag-atubiling sabihin din na mahal kita.
"matagal na kitang iniibig Señorita Amanda"
banggit ko na may halong ngiti, at sinuklian mo rin ako ng iyong matamis na ngiti
"simula noong una kitang masilayan hanggang ngayon iniibig kita"
sabi ko, ngunit tila sumimangot ang iyong mukha noong sabihin kong mahal kita
"bakit mo naman ako nagustuhan? Wala ka man lamang binanggit na mga dahilan gaya ng sinabi ko"
masungit na pagkakasabi mo
"siguro nga ganoon talaga, masasabi mong totoong pag-ibig ang nararamdaman mo kapag hindi mo alam kung ano ang dahilan kung bakit mo siya minamahal at ganoon ang nararamdaman ko señorita"
mukhang nakukumbinsi na kita sa pagkakataong iyon
"maraming dahilan kung bakit kita mahal, pero kailangan ko pa bang isa-isahin iyon upang mapatunayan ko na totoo ang pag-ibig ko sa iyo?"
dugtong ko. Ngunit mas lalong nabuo ang galak na nararamdaman ko ng yakapin mo ako na tila isang maamong paslit, ginantihan ko ang yakap mo atsaka hinalikan ang iyong noo.
"mahal kita Luisito" mahinang sabi mo
"mahal din kita Señorita Amanda, mahal na mahal" mahinang tugon ko
Alam kong hindi ako karapat-dapat pero...
ilalaban ko ito.