i. Siil

9 3 0
                                    

Siil

Sa pasilyong daraanan, katahimika'y pinaimbabawan ng bigat,
Mga hakbang na 'di nais mag-iwan ng hulma nitong yapak,
Tungo sa karimlan, kawalan ng boses; lehitimong ganap,
Matapos masiil ay konkretong halay ng manlulupig ang angat.

Saksi ang bawat sulok ng seldang kaydilim,
Maging sa katiting na pag-asang nais madampot, siya'y pinagdamutan ng tikim,
Nilusob ng balintataw ang rumi ng bawat hinaing—
Sapagkat maging ang hustisyang nais makamit ay hindi na kayang tanggapin.

Bawat pagpupumiglas ay kapalit ng suntok sa sikmura,
Nais niyang makatakas ngunit tunay ngang mas mahigpit ang mali sa tama,
Luksa nitong haraya sa piitan ng bagsak na tadhana—
Wala ni isang makapuputol ng kandadong pandaraya.

Responde niyang—uhaw sa lugurang paksa;
Buhay niyang natamo sa sakit ng bawat pasa,
Sugal man, sa huli'y ibinuhos ang huling barahang handa,
Bilang huling pag-asa't—ang kalayaan ay muling itatakda.

@inbluence

Tatak LetraTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon