viii. Huling Bilang

1 1 0
                                    

𝐇𝐮𝐥𝐢𝐧𝐠 𝐁𝐢𝐥𝐚𝐧𝐠

"Pagbilang ko ng sampu, nakatago na kayo..."

Isa,
Inilibot ang mga mata
Anino'y nakasunod sa papalayong pigura
Mga paa'y yapak, nag-iwan ng hulma
Lakad at takbo nang hindi makita!

Dalawa,
Kadiliman ay nabulabog
Saradong bibig ay may busal nang mahulog
Doon sa balong sumakop
Upang magkamalay ay sinugatan ng bubog!

Tatlo,
Mga brasong nakadantay
Ang bigat ng lupa'y hindi matangay
Mahigpit na nakatali ang mga kamay
Inundayan ng sakal hanggang sa mamatay!

Apat,
Nang magsawa'y inutay ang mga kuko
Hindi na makatangis sa sakit nito
Pinalunok at pinakain ng bato
Kasabay ng pagbali sa kanyang buto!

Lima,
Nabingi sa halakhak
Naging manhid sa pagpalakpak
Dugo't laman niya ay pinapak
Linamnam ng bawat kagat
Ang kapalit ng sikmurang wasak!

Anim,
Kamunduha'y tinapos ng tatlong sakim
Binusog ng lasa ng dugo ang bawat tikim
Kalooban ma'y nasiyahan subalit bitin
Tumalima't naghanap ng bagong bibiktimahin!

Pito,
Lingid sa kaalaman
Ang demonyo'y nagtatago
Ngumisi ang huli, isip nito'y sinakop—
Ng paghihiganti't paggawad ng surpresang bangungot!

Walo,
Umusad ang pagbilang
Mga sakim ay nagimbal
Pilit itinago ang sarili mula sa karahasan
Ngunit nalalabi na ang kanilang katapusan!

Siyam,
Natigagal, napatigil,
Napatingin sa sariling—
Ngayon ay nakabitin
Lumusok ang dugo nang sila'y saksakin
Inukitan ang puso ng sariling lagim!

Sampu,
Tapos na ang pagbibilang ko
Oras na upang kainin ang utak na asado
At sa aking pagbalik ay siguraduhing daan ay sarado—
Matakasan ang kamatayang planado
Sapagkat sa huling bilang ay dapat kayong magtago!

@inbluence

Tatak LetraTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon