x. Bangungot

0 1 0
                                    

𝐁𝐚𝐧𝐠𝐮𝐧𝐠𝐨𝐭

Kasama ko'ng mulat na mata sa umaga
Siwang ay sisilayan mula sa pagkakahimlay
Naglakbay matapos ang pagtalima
Takas sa panaginip kong muling maghihintay.

Ako raw ay madungis sapagkat sinuong ko ang gabi
Ipinagpalit ko ang banayad na simoy sa rumaragasang kadiliman
Mula sa higpit ng balabal sa aking tabi—
Nagdiwang ang sakal sa masakit kong lalamunan.

Ano nga ba't inalipin ako ng bangungot?
Gayong nakatapak ako sa ulap
Para saan ang nilunok kong patnugot?
Makailang beses nang bumigat ang aking talukap.

Ako raw ay reyna ng pasakit,
Pagkasuklam ang sa bandana ko'y disenyo
Sinusundo na ng kaluluwa kong inaakit—
Inaangkin; nakakulong sa sarili kong demonyo.

Sa takot, nagmakaawang ako'y palakasin
Sa dilim kong tinatahak, ang paligid ko'y lumiwanag
Gumaan yaring bigat na huwag na sanang danasin
Nang ang kalayaan ay natikman ko't nahanap.

Sa aking pagmulat, dala ko ang mga sugat
Ngunit hindi bilang kambal na kamalasan
Itinuwid ang ngalay kong balikat;
Tumayo't inayos ang higaan.

Repleksyon ng aking mukha'y nasilayan
Salamin ng sinapit kong hirap ay nalunasan
Ang siwang ay tuluyan kong binuksan,
Liwanag ay kumalat sa kamalayan kong nahugasan.

@inbluence

Tatak LetraTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon