xiii. Patawad, Paalam

0 0 0
                                    

𝐏𝐚𝐭𝐚𝐰𝐚𝐝, 𝐏𝐚𝐚𝐥𝐚𝐦

Sa huling pagkakataon ay tangay ko ang lunggati;
Hindi sabik pagsarhan ang nakabukas na palad
Ngunit kailangan nang tiklupin upang mahati
Kalakip ang simpatyang dala ng bawat balakid.

Saksi ang panibughong nanalaytay sa munting paalam
Patawad, subalit ang ginugol na panahon ay hanggang dito na lamang
Nang ang pagal na paghinga'y hindi na bumagal
At sa pagbabalik ko'y dala ang mas matingkad na kulay.

Patawad, subalit ang punla kong sandata'y nalunod;
Nawasak matapos ang biglaang pagsugod
Punyal ko'y hindi sapat upang ilusob
Sa kalaliman ng walang hangga'y hindi malagpasan ang paglukob.

Alipin ako ng mga salita; sinugatan ng bawat metapora
Mga akda ko'y sila ring tumuligsa sa papawasak kong pluma
Sa paglao'y sapyaw ko na ang papaliit na umaga
Indikasyon ng nalalabing pangalan ng pagiging makata.

Sunod-sunuran akong nahimlay sa pag-ibig
Distansya ko'y narumihan sa bawat pagpilit
Mundong ginagalawa'y tila naging panipit
Nang ang pagmamahal ay natuyo; dilig nito'y hindi na sapat upang kumapit.

Sa mundo, ako'y naging bulag
Rebisyon ng lumang pananaw ang nagsilbing salag
Subalit ang kapalaran ay sadyang yapak
Natusok, nasugatan, at tinakasan ng galak.

Hindi man matapos—ang nakaukit na pangako'y tatalikuran
Hindi upang isalansan ang pagkabigo't pag-aabang ng hantungan
Ngunit upang muling buhayin ang lakas ng kalooban,
At sa pagbabalik ko'y wala nang patawad, wala nang paalam.

@inbluence

Tatak LetraTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon