iii. Usok at Panindi

4 3 0
                                    

Usok at Panindi

Pinagdikit na mga daliri kung saan may baga sa pagitan;
Minsa'y pipitik upang malaglag ang sagabal,
Itatapat sa labi ang nag-uusok na bagay,
Sabay hihigpitan ang kapit sa papaubos nang reserba para sa panandaliang uhaw.

Pagod nang mag-isip ng totoo sa bawat kasinungalingan;
Bawat buntong-hininga'y katumbas ng pagbuga ng samu't saring ilusyon ng litratong nakapaskil sa lansangan—
Na sa kung paanong paraan ay madala ng usok ang nakabarang takot sa lalamunan,
Habang sa bawat pagsindi'y mayroong apoy na sana'y magpaliwanag at magpausok sa katarungan.

Sa kakarampot na ibinigay na ginhawa na tanging pagsuko at kamatayan lamang ang pagpipilian,
Sa usok na rin lang sinusubukang pakawalan ang kislap ng apoy sa pang-apat na sindi sa kamay,
Kahit ang mga daliri'y nanginginig na't bakas ang katandaan,
Sapagkat—oo,
Ang seldang iyon ang nagtakwil sa kanyang pagdadamot na sumuko at paglaban para linisin ang nadungisang pangalan.

Panghuhusga!
Mula sa mga matang nakatataas,
Mula sa mga makapangyarihang ang utak ay hindi sapat na nagmistulang laruan ang batas,
Ni hindi makapag-isip ng patas—
Na sana sa kintab ng kanilang inuupuan ay makita nila ang repleksyon nilang karahasan ang mababakas!

Pang-aalipusta!
Sa kamay ng mga dating mahihina,
Na ngayon ay matapang na rin; kaya na ring maglabas ng bangis at mag-anyong hari sa lupa,
Kung saan hindi na matatawag na lugar para sa mga dukha,
Kung saan naging sentro ang kayamanang tinabunan ang dapat na makuha; ang pera'y naging pantapal upang matakpan ang kapal ng mukha!

Pandaraya!
Kung saan ang tanging naaapakan lamang ay ang mga taong hindi makalaya,
Kung saan...
Pangungulila -
Na lamang ang mayroon sila,
Ni hindi maabot sa lalim ang kalayaang inilayo upang hindi nila makuha at ngayon ay ginamit ng iba!

Muli ay bumuga siya ng usok,
Ang kaninang malawak na imahinasyon ay agad ding tinapos,
Sapagkat alam niyang sa pagitan ng kanyang mga daliri ay naroon ang takot,
Oo nga't marami siyang sigarilyo ngunit ang katotohanan—
Katulad ng pasensya ay mabilis din lamang itong maubos.

@inbluence

Tatak LetraTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon