Sa tuwing pupuntahan ko ang dalampasigan,
Palagi akong namamangha sa angkin nitong ganda at sa kakayahan nitong tangayin kasabay ng alon ang bigat sa pakiramdam ko.Sa karagatan ata napupunta ang mga sakit na ibinubulong ko sa hangin. Narito sa tubig ang mga iyak nila,
at hindi ko ikakailang narito rin ang sa akin.Marahil maalat ang dagat dahil nandito ang mga luha. Mga luhang iniiyak nila.
Mga luhang nakasilid rin sa loob ng mga tula.Marahil totoo ang usap-usapan,
May mahika ang karagatan.Pero bakit nga ba?
Bakit nga ba tayo kumakalma sa karagatan?
Dahil ba sa angkin nitong ganda kapag hinahalikan siya ng araw?
Sa unti-unting pagpapakita ng isang magandang senaryo ng pagtatapos
- ang kahel na kalangitan.Mabuti na lang at nariyan ang dalampasigan,
Hinahayaan ako nitong pagmasdan ka.
Mabuti na lang at narito ko sa realidad kung saan hindi ka pinagkaila sa akin ng kalawakan.Salamat sa laging pananatili sa eksaktong lugar kung saan tayo nagkikita.
Ikaw ang lagi kong kailangan.
Ikaw ang aking karagatan.