Ang Huli

3K 65 13
                                    

Oneshot.

Wala pa ring pagbabago sa lugar na ito. Mas marami lang ang tao ngayon dahil araw ng Linggo, araw ng simba rito sa bayan namin tulad ng nakasanayan.

Naramdaman ko ang patak ng tubig sa balikat ko. Agad akong tumingala para tignan ang madilim na langit. Nababadya ang paparating na masamang panahon kaya binuksan ko ang payong ko at pumikit, pilit kong inalala ang eksaktong pangyayari sa lugar na ito isang taon na ang nakalipas...

"Daniel, sorry. Mali ako. Tanggap ko na hanggang magkaibigan lang tayo," mahina kong sabi sa harap niya at sa ng buong barkada namin sa labas ng simbahan na malapit sa school namin.

Hiyang-hiya ako sa ginagawa ko. Hindi ako komportable na naririnig pa ito ng lahat pero ginawa ko para matapos na. Siya naman, tumawa lang at ngumiti. Na para bang wala lang sa kanya ito at nakakaaliw na mukha na naman akong tanga sa harap niya. Ako na naman kasi ang nagbaba ng pride para maging okay kami, palagi na lang.

"Okay, sige," nakangising sagot niya sa akin na parang walang nangyari. Pero hindi naman kami aabot sa ganitong sitwasyon kung hindi siya nagalit sa akin.

Masyado raw akong nakakasakal. Pakiramdam ko raw, pag-a-ari ko siya at nagagalit daw ako sa lahat ng babaeng lumalapit sa kanya. Pero pinahiya niya rin naman ako. Hindi niya alam kung gaano kasakit makita ang status niya sa Facebook na alam kong patama sa akin. Kahit kailan daw ay hindi siya naging akin at kahit kailan ay hinding-hindi magiging akin. Ang sakit. Para akong binuhusan ng malamig na tubig.

Ni hindi man lang siya humingi ng tawad. Tuwang-tuwa pa siya habang kinakantyawan kami ng barkada para magkamayan. Tang ina, tang ina niyong lahat. Ayoko ng ginagawa ko dahil nasaktan ako pero para sa pagkakaibigan natin, ginawa ko at umarte ako na ayos lang ang lahat.

Oo, magkaibigan na ulit kami. Pero hinding-hindi ko makakalimutan ang mga araw na itinuring niya akong basura. Ang mga araw na nagmukha akong tanga para sa kanya at nakalimutan ko na pati ang tunay kong halaga bilang babae.

* * *

"Kath..." Muli akong natauhan nang marinig ko ang boses na 'yon.

Oo, nagkikita pa rin kami sa tuwing may gala ang barkada namin pero madalang na kaming mag-usap. Paminsan-minsan ay nag-a-asaran, pero madalas, parang hangin lang talaga kami sa isa't isa. Nand'yan pero hindi nagpapansinan.

Pero, ilang buwan na ring walang gala ang barkada kaya ilang buwan ko na rin siyang hindi nakikita. Ngayon na lang ulit. Ang laki ng ipinayat niya dahil na rin siguro sa hirap ng pagiging college student. Pero mabilis naman ang panahon dahil sa darating na June ay second year na kami.

Sa tingin ko nga, napag-i-iwanan na ako ng panahon dahil hanggang ngayon ay hindi pa rin ako makausad sa kanya kahit marami na ang nangyari. Siguro dapat makuntento na lang ako sa pagkakaibigan na mayro'n kami. Maybe it's time for me to let go of the pain, maybe it's time for me to forgive him whole heartedly even if he did not ask for it.

"Daniel, anong ginagawa mo rito?" tanong ko. May hawak din siyang payong pero pambahay lang ang suot niya, parang biglaan lang ang naging pagpunta niya rito.

"Kath, huli na ba ako?" seryosong tanong niya at bahagya akong natawa.

"May susunod na mass pa naman," sagot ko pero agad siyang umiling.

"Huli na ba para magsisi ako sa mga nagawa ko... sa'yo? Huli na ba para sabihin ko kung gaano kita hinahanap-hanap, kung gaano ko napagtanto na kulang ako kapag wala ka?"

Ngumiti ako at hinawakan ko ang mukha niya na para bang kinakabisado ko ang bawat parte nito. Oo, hinahanap-hanap ko rin siya. Gusto ko ring sabihin na ramdam ko rin ang kakulangan sa sarili ko kapag wala siya.

Pero bakit pa? Para lang ba masabi kong pagkatapos ng lahat ng sakit, pagkatapos ng lahat ng paghihintay ko at pagtitiis... sa akin pa rin ang bagsak niya?

Hindi gano'n kadali ito. Oo, ito na siguro ang panahon para magpatawad ako pero hindi ko kayang ibigay ang hinihingi niya. Hindi ko pa kaya. Masyado pang pagod ang puso ko para sa kanya.

"May mga masasakit na bagay na nangyayari sa atin para bigyan tayo ng aral. Dati, hindi ko naiintindihan 'yon. Hindi ko maintindihan kung bakit kailangan muna nating masaktan bago matututo. Pero naisip ko, kaya siguro gano'n para hindi na natin ulitin ang mga pagkakamaling nagawa natin dati dahil hindi lahat ay nabibigyan ng pangalawang pagkakataon."

Napapikit siya at hinawakan niya ang kamay kong nakapatong sa kanyang pisngi. Pinagtitinginan kami ng mga taong dumadaan pero hinayaan lang namin sila. Ang importante ay ito... kaming dalawa at ang mga bagay na kailangan naming sabihin sa isa't isa.

"Kathryn, mahal kita," may pagsuyo niyang sabi at agad naman akong umiling nang idilat niya ang mga mata niya.

"Kailangan mong malaman na hindi lahat ng bagay o tao ay dapat bigyan ng ikalawang pagkakataon. Kung mahal mo talaga ako gaya ng sinasabi mo, ikaw naman ang lumaban para sa akin. Kasi masakit pa rin, Daniel. Hindi ko pa rin nahahanap 'yung halagang nawala sa akin simula noong minahal kita nang sobra."

Hindi ko na hinintay ang sagot niya at ako na ang naunang tumalikod. Sigurado akong ito na ang huli naming pagkikita sa ngayon. Nakapagdesisyon na ako. Hindi muna ako magpapakita sa barkada. Kailangan ko ng panahon, kailangan ko ulit ng panahon para makapag-isip.

At sana sa panahong mahanap niya ulit ako, makaya ko na ulit ipagkatiwala sa kanya ang puso ko.

Hanapin mo ako, Daniel...

OneshotsTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon